
Pagtulay sa Alambre
NASALAULA na naman ang
demokratikong mga proseso sa
ilalim ng rehimen ni Presidente
Gloria Macapagal-Arroyo nang dalhin ng mga militar kamakailan ang “mandamiento de arresto” laban kay Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna sa bahay nito sa Heroes Hill, Quezon City. Puwersahang pinasok ng mga sundalo ang bahay, hinalughog hanggang kisame at, higit na masama, kahit hindi sakop ng kautusang iyon, pinasok din at nirikisa ng mga militar ang tahanan ng kapitbahay ng mga Ocampo.
Hindi na nga katakatakang mangyari ito sa ilalim ng isang pasista’t militaristang rehimen na nagpapanggap pang tagapagtaguyod ng demokrasya’t kalayaan at mga karapatang sibil ng sambayanan. Maaalaala, naghari ang gayong pagsalaula sa mga prosesong demokratiko nang pairalin sa bansa ang batas militar sa ilalim ng mapanikil, malupit at malagim na diktadurang Marcos para patuloy lamang na makapangunyapit noon sa kapangyarihan ang yumaong diktador.
Basta na lamang pinapasok ang mga bahay noon upang dakpin ang pinaghihinalaang mga “kaaway ng Estado” gayong karamihan sa kanila’y mga makabayan lamang o kritiko’t kalaban sa pulitika ng administrasyong ganid sa kapangyarihan. Sa ilalim ng kasalukuyang naghaharing rehimen, nangyari na nga ito nang salakayin at halughugin ng mga sundalo ang opisina ng Daily Tribune upang sikilin ang kalayaan sa pamamahayag kaugnay ng ibinasura ng Korte Suprema na Proklamasyon 1017 ni La Gloria.
Hindi na miminsang nangyari ito sa ilalim ng liderato ni La Gloria. Nangyari na nga ito nang puwersahang pasukin ng 200 armadong sundalo ang kapitolyo ng Iloilo upang paalisin sa puwesto si Gob. Niel Tupas ng naturang probinsiya. Nangyari na nga ito sa maraming insidente ng marahas na pagbuwag ng puwersa ng Estado sa lehitimo’t mapayapang mga kilos-protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan. Nangyari na nga ito sa hindi masugpo’t malutas na mga pagpatay na pampulitika sa mga mamamahayag at militanteng mga makabayang kilalang kontra-Gloria na, batay sa ulat ng Komisyong Melo at ni Philip Alston ng UN (United Nations), malinaw na may pananagutan sa mga pagpatay na iyon ang umiiral na rehimen sa pangunguna ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at ng mga basalyos niyang tulad ni retiradong Hen. Jovito Palparan.
Paulit-ulit na mangyayari pa nga ang gayong mga pagsalaula sa demokratikong mga proseso lalo na kapag ipinatupad na sa Hulyo ang HSA (Human Security Act) o batas kontra-terorismo. Sa naturang batas, sisikilin maging ang kalayaan sa paniniwala at pagpapahayag ng malayang opinyon, lalo na kontra sa administrasyon at pambansang liderato, at maaari nang basta hulihin at ikulong – kahit walang matibay na ebidensiya – ang sinumang pinaghihinalaan pa lamang na terorista. Sapagkat tinatakan ng pakialamerong Amerikano na “terorista” ang NPA at Partido Komunista ng Pilipinas, hindi malayong abusuhin ng mga kinauukulan ang nasabing batas at maging kahabag-habag na mga biktima ang mga miyembro’t lider ng militante, makabayan at progresibong mga organisasyon – tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at iba pa – na prente diumano ng CPP-NPA batay sa takbo ng embalsamadong utak ng mga basalyos ni La Gloria.
Katunayan, itinuturing na nina Hen. Hermogenes Esperon, hepe ng estado mayor ng Hukbong Sandatahan o AFP at (Ret) Hen. Jovito Palparan, batay sa kanilang mga ipinahayag sa pagdinig ng Komisyong Melo kaugnay ng mga pamamaslang na pampulitika, na mga “kaaway ng Estado” ang diumano’y “maka-kaliwang mga organisasyong pampulitika” halimbawa na nga ang Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela. Sinabi pa nga ni Palparan sa isang pagkakataon na: “Gusto kong lipulin ang mga Komunista… hindi lamang ang armado nitong mga rebelde, kundi maging ang itinuturing na prente nitong mga organisasyon na kinabibilangan ng maka-kaliwang mga partidong pampulitika.”
Binigyang-diin pa nga kamakailan ni Sekretaryo Ricardo Buenaflor, pangalawang kalihim ng Pambansang Tanggulan o DND, na kapag ipinatupad na ang batas kontra-terorismo maaari nang ideklarang mga “teroristang organisasyon” ang CPP-NPA, hindi mga “rebolusyonaryong nakikibaka para sa pambansang kasarinlan at pagbabago” kaya, kailangan diumano, na sumuko na ang mga ito. Binansagan pa ni Hen. Benjamin Dolorfino, hepe ng AFP sa Kamaynilaan, kaugnay ng pagpapakalat nito ng mga sundalo sa lugar ng mga maralita sa kalunsuran para “mangampanyang huwag iboto” diumano ang maka-kaliwang mga party-list, na “mga anay na sumisira sa bansa” ang maka-kaliwang mga grupo kaya kailangang “sugpuin” ang mga ito.
Malinaw, kung gayon, na patakaran na ng Estado – at ni La Gloria – ang mga pahayag ng kanyang masusugid na basalyos. Ang nangyari, at mangyayari pa, na mga pagpatay na pampulitika at mga pagsalaula sa demokratikong mga proseso, at ang kaso ngayon ni Rep. Satur Ocampo, gayundin ang idinikta ng Amerikang batas kontra-terorismo, ay maituturing, samakatuwid, na bahaging lahat ng kampanya ng administrasyon na walising parang layak ang itinuturing nilang “mga kaaway ng Estado,” lalo na ngayong panahon ng eleksiyon at nanganganib ang pananatili sa poder ni La Gloria kung mananalo ang oposisyon at kanyang mga kritiko, kabilang na nga ang pinag-iinitan at binibiktimang mga party-list.
Mahalaga tuloy ngayon para sa administrasyon na mapagtakpan sa mata ng opinyon publiko ang mga krimen at baho ng rehimen, lalo na ang pampulitikang mga pagpatay na kinukondena na maging ng nagmamalasakit na pandaigdig na mga organisasyon, kaya hindi nga katakatakang ibintang kay Ocampo (kahit nakakulong ito noon) – at sa mga kagaya niya – ang nangyari diumanong mga pagpatay naman sa panig ng mga NPA laban sa pinaghinalaang mga ahente ng militar sa kanilang hanay.
Kung nagagawang salaulain ng pambansang liderato ang demokratikong mga proseso laban sa mismong mga opisyal ng gobyerno, tulad ng mga Tupas at Ocampo — makapangunyapit lamang sila sa kapangyarihan — paano pa kaya ang ordinaryong mga mamamayang nagpapahayag lamang ng kanilang malayang paniniwala at opinyon laban sa kabulukan at kapalpakan ng umiiral na rehimen? Kahit makabayan lamang at progresibo, ituturing na ba silang mga terorista ng mga tagapagtanggol ng bulok na status quo?
“Lahat tayo ngayon ay para nang tumutulay sa alambre,” sabi nga ni Sen. Jamby Madrigal kaugnay ng batas kontra-terorismo at mapanikil na patakaran ng rehimeng Macapagal-Arroyo.
balik sa itaas |