Pagpapakumbaba ni Alcano
Pacman, gahaman?
Priscilla Pamintuan
NAGMISTULANG
hayok sa kuwarta si
Manny “Pacman”
Pacquiao sa ulat ng LA Times kamakailan. Ayon sa naturang ulat, inabutan ang ating Pambansang Kamao ng isang briefcase ng naglalaman ng naghuhumiyaw na $250,000 (sa malutong na $20 bills) ni Oscar dela Hoya nang magkita ang dalawa sa Los Angeles Airport.
Nangyari umano ito noong Setyembre 2006. Pumunta si Pacman sa LA, USA para magsimulang magsanay sa kanyang laban. Pinuntahan ni Dela Hoya si Pacman para hikayating muling magpa-promote sa pag-aari niyang Golden Boy Promotions. Ang $250,000 ay suhol ng Golden Boy sa ginintuang boksingero ng Pilipinas.
Matapos ang transaksiyon, tumataginting na $500,000 ang naisuhol ni Dela Hoya kay Pacman. Pagkatapos kasi ng pagbigay ng Golden Boy ng punung-punong suitcase, idinaan pa ni Dela Hoya ang natitirang $250,000 sa bangko ni Pacman.
Sari-saring batikos ang natanggap ni Pacman at ni Dela Hoya matapos lumabas ang istorya sa LA Times noong nakaraang linggo. Ayon kay Kevin Iole ng Las Vegas Review-Journal, “unethical” ang ginawang panunuhol ni Dela Hoya kay Pacman, gayong malinaw naman sa lahat na nakapirma noong panahong iyon si Pacquiao sa Top Rank Promotions.
Sa naturang eksena, napapirma agad si Pacquiao ng deal sa Golden Boy. Inihahabol ngayon ng Top Rank sa mga korte na ilegal ang naturang pagpirma ni Pacman sa Golden Boy, dahil kagagaling pa lamang niya sa eroplano at wala pa sa kapasidad na maghusga sa pipirmahang kontrata.
“Siguradong alam ni Dela Hoya na mahilig si Pacquiao sa sugal,” isinulat ni Iole. “Ang pagbigay ng ganoon kalaking salapi sa isang taong mahilig sa sugal at magwaldas ng pera tulad ni Pacquiao ay salungat sa lahat ng ipinapahayag ng Golden Boy hinggil sa komitment sa mga boksingero at kagustuhang baguhin ang pamamaraan ng pagnenegosyo ng boksing.” Oo nga, nagmukhang garapal ang pamamaraan ni Dela Hoya. Pero sa kabilang banda, ganitong ganito rin ang naging pamamaraan ni Bob Arum ng Top Rank. Noong Disyembre 2006, matatandaang pinakitaan ni Arum si Pacman ng $1,000,000 para pumirma ang boksingero sa Top Rank at bilhin sa halagang $500,000 ang kontrata niya sa Golden Boy.
Pero ang pinakamasama ang imahen ngayon, higit pa kina Arum at Dela Hoya, ay si Pacman mismo. Nagmukha siyang gahaman sa salapi. Pinakitaan lang ng dolyar, nagkukumahog nang pumirma. Ito ba ang uri ng boksingerong binansagan nating “People’s Champion”? ***
Samantala, habang panibagong kontrobersiya na naman ang kinasasangkutan ni Pacman, ipinapamalas naman ng isang bagong Pinoy na kampeon ang magandang ehemplo ng pagpapakumbaba sa kabila ng tagumpay.
Wala pa ring patid ang tagumpay na nakakamit ni Ronato “Ronnie” Alcano, manlalaro ng bilyar, matapos magwagi sa World Pool Championship noong nakaraang taon. Ngayon naman, pinamunuan niya ang kampanya ng mga Pinoy sa 3rd World 8-Ball Championship sa Fujairah, United Arab Emirates kamakailan.
Pinangungunahan ngayon ni Alcano ang koponan ng beteranong mga manlalarong Pinoy tulad nina Francisco “Django” Bustamante, Efren “Bata” Reyes, ang kampeon ng World Pool League na si Dennis Orcullo, at ang OFW o overseas Filipino worker na si Elvis Calasang.
Si Alcano ang pinaka-prominenteng manlalarong Pinoy ngayon sa bilyar, matapos magwagi sa World Pool Championship. Ngunit sa kabila nito, ipinapahayag ni Alcano ang pagtingala niya sa mga kasamahang manlalaro. Laluna siyempre, sa iniidolo niyang si Bata. Pansin sa laro ni Alcano ang tangkang pagkopya sa estilo ni Bata. Maging ang pagpapabungal niya, idineklara niyang tribute o pagpupugay sa tinaguriang “pinakamagaling na manlalaro sa kasaysayan ng bilyar”.
Kasalukuyang nasa Round 3 ang laro, at natitirang Pinoy sa kompetisyon sina Alcano, Bustamante, Reyes, Orcullo at Calasang.
balik
sa itaas |