Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

Pinoybiz, Pebrero 28, 2007
Pagpatol ni Hope kay James Ikinaospital ni Kris | Boy Villasanta

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SHOWBIZ
PinoyBiz

Ara Mina banta sa pambansang seguridad?

ANG buhay sa loob at labas ng showbiz ay kung anik-anik.

At ang anik-anik ay hindi basta-basta. Ito ay ang mga katotohanan ng buhay. Ang anik-anik ay seryoso. Mga bagay-bagay sa ating paligid.

Anik-anik ang pag-endorso nina Sharon Cuneta at Anthony Pangilinan kay Kiko Pangilinan bilang senador. Anik-anik ang pagbibigay-daan ni Vilma Santos sa kanyang bayaw na si Ricky Recto sa kandidatura ng pagkagobernador ng Batangas at isakripisyo ang kanyang plano sa pulitika. Ang sabi naman ng isa sa mga miyembro ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon ay pabayaan na lang si Ricky na kumandidatong gobernador ng Batangas at si Vilma ay tumutok na lang sa Kongreso.

Siyanga pala, sa kaanik-anikan din ng YCC, huling taon na rin ito ni Nonoy sa samahan dahil magreretiro na siya ngayong sumapit na ang patay-guhit ng kanyang kamiyembruhan sa grupo. Maiiwan si Patrick Flores na mas bata pala sa kanya.

Sa “Sine-Sipat” ng paggawad ng organisasyon ng mga kritikong akademiko mula sa UP at Ateneo sa UP Faculty Center sa March 8, 2007, aapir si Maricel Soriano, ayon kay Nonoy at pumayag ang manager ng aktres na makipagbuno ng utak sa talakayan tungkol sa estado ng pelikulang Pilipino sa Pilipinas.

Patuloy tayo sa kaanik-anikan ng mundo halimbawa’y ng paglaban ni Lito Lapid kay Jejomar Binay sa pagkaalkalde ng Makati City. Sabi ni Lito, mas sanay siyang mangasiwa ng mga bayan at probinsiya bagamat hindi niya sinabing hindi siya sanay sa Senado o baka ‘yon ang implikasyon no’n.

May away sa pamilya ng mga Estrada dahil sa sigalot sa pagitan nina Jinggoy Estrada at JV Ejercito kung saan ay balak kumandidatong senador ni JV pero pinigilan siya si Erap na tumakbo at pinakiusapang maglakad na lang ng mga rekotitos ng Genuine Opposition o GO. Lumala pa ang usapin sa loob ng angkan nang may mang-intriga na inaalis na bilang tagapayo ng partido si JV at ipapalit si Jinggoy. Gayunman, nanatili ang pulitikahan sa loob ng Estrada clan nang mangibabaw muli ang patriraykiya ni Erap na kesehodang ano pa ang mangyari, babalansehin niya ang mga sitwasyon kahit nagtatarakan na ng mga patalim sa likod ng isa’t isa ang mga kaanak. Lumutang pa ang pangalan ni Guia Gomez na gusto yatang humabol sa pagmemeyor ng San Juan kung sakaling iakyat nga sa pagkasenador si JV. Di kasi pa’y nabulabog din ang iba’t ibang kampo at kontrol ng mga puwersa ni Erap—personal man o propesyunal, kabit man o tunay na asawa, kabig man o kabig-kabigan—kaya kailangang pumapel kahit sa likod man lang ng kamera si Erap. Ang ending ay napanuto lahat at ayos muli ang butu-buto ng charingan.

Hindi naman magpapahuli si Mikey Macapagal-Arroyo sa kaanik-anikan ng buhay dahil sa kanyang katabaan. Nakalimutan nang ipalabas ang kanyang fantasy film dahil kung hindi ay hindi siya makakalipad. Kumpare rin niya si Mark Lapid at kailangang makisawsaw sa pulitika ng may pulitika para mapanatili ang grasya at importansiya gayundin ang impluwensiya.

Aba’t ang hitad na si Sarah Geronimo, join din sa pulitika sa pagkanta ng patalastas at pag-eksena kay Edgardo Angara gayundin ang pagpailanlang ng boses ni Boy Abunda sa lahat ng sulok ng Pilipinas sa kanyang pakikipag-‘tol kay Mike Defensor.

Sino ngayon ang magsasabing hindi pulitika ang showbiz?

O kahit hindi pa magi-eleksiyon na tulad nito’y magkadugtong na at magkapatong, magkadikit, magkanugnog at magkapatid ang showbiz at pulitika at ang pulitika at ang showbiz.

Anik-anik din ang pagsalimbay ng pulitika—hindi lang kaugnay sa halalan—sa pagkabuking ni Kris Aquino sa pagpatol ni James Yap kay Hope Centeno sa Belo Medical Group ni Dr. Vicki Belo.

Ngayong nanganganib ang ugnayang James at Kris, pumagitna ang lider ng People Power, ang dating pangulo ng bansa na si Tita Cory Aquino at sinabihan si Kris na bumalik na lang ang aktres sa kanilang bahay sa Times Street sa Quezon City at doon na lumipat. Ipinasasama ni Tita Cory si Joshua, ang anak ni Kris kay Philip Salvador, sa kanilang orig na tahanan.
Ang sabi ni Kris ay magulo sa Times Street hindi sa emosyonal at sikolohikal na kaayusan ng bahay at namamahay kundi sa eleksiyon dahil kandidato si Noynoy Aquino bilang senador. Mai-imagine mo na punung-puno ng mga election paraphernalia ang kabahayan ng mga Aquino—poster ni Noynoy, banner, streamer, tarpaulin, flyers at kung anu-ano pang abubot na may kaugnayan sa makulay na drama ng pagalingan at patalbugan sa Mayo 14.

Kahit ang mga kandidato na walang identipikasyon sa mga taga-showbiz ay showbiz na showbiz din o maaaring sabihing tradisyunal na pulitiko dahil ang makita lang sa TV ang isang gustong magserbisyo publiko ay ka-showbiz-an na dahil ang saligan at basehan ng telebisyon ay showbiz, negosyo ng aliw at walang masama rito sabihin mang showbiz ang TV dahil hindi naman kasinungalingan ang showbiz kundi katotohanan ng buhay. Nadala lang ang kamalayan ng madla mula sa mga komonsepto ng konteksto at ibig sabihin ng katagang “showbiz” na ang pagiging showbiz ay pagiging walang katuturan, tsismis, intriga, ilusyon, bulastog at ilusyon subalit sa kabaligtaran nito, ang showbiz ay mahalaga, katotohanan, katwiran, kongrektong nangyayari, tunay at nandirito. Pansinin ang pagganap nina Prospero Pichay, John Osmeña, Migz Zubiri, Koko Pimentel o maging ni Richard Gomez na showbiz dahil gumaganap sila bilang mga aktor na may script na sinusunod sa paggiling ng kamera sa komersiyal na kampanyang pampulitika. Huwag nang isama pa ang pagkaartista ni Loren Legarda mula noon pa nang siya ay nasa Channel 4, Channel 9, Channel 2 at Channel 5 pa. Wala nga silang ibang kasamang taga-pelikula sa kanilang political ad, sila man mismo ay mga aktor at aktres. Ano pa nga ba?

Sasayaw at kakanta rin sila. Mag-“Boom Tarat-Tarat” nga sila o mag-“Itaktak Mo, Itaktak Mo.” Anong masama sa pagsayaw at pagkanta ng mga kandidato kung sinumang pigurang pulitikal?

***

At ang kaanik-anikan ng paghawak ng mikropono ni Jose Maria Sison, ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines kahawak-kamay—kulang na lang ay kumanta ng “Magkaisa” na parang tumataghoy sa Edsa 1—si Ara Mina sa The Netherlands isang araw ng Kapaskuhan.

Aba’t ang kaanik-anikan ng mga militar ay kinalkal ang mga litrato ni Joma sa website nito at inilantad sa publiko bilang tunggalian ng kapangyarihan at diyalektiko ng buhay-Pinoy.

Mereseng sumayaw si Joma sa isa sa mga bisita sa piging.

O, e, di, magsayawang lahat kahit na ang mga kadre sa bundok.

Walang pakialam sa good time na may baha-bahagdan ng pagsasayaw.

Oy, ang sabi ni Ara ay pamilyar sa kanya ang pangalang Jose Maria Sison nang tawagin na ang rebeldeng lider sa entablado upang siya ay tabihan at sayawan.

“Pero noon ko lang siya nakita. Hindi ko alam na siya pala ay ‘yong tao na ‘yon na naririnig ko na ang pangalan,” pahayag ni Ara.

Madaya si Ara. Kailangan nga ba niyang itago na nakapiling niya si Joma dahil may oryentasyon din siya na labag sa batas ang komunismo na namana niya sa isang konserbatibong lipunan at angkan?

Nang kausap ko siya noong bago mag-Pasko ay hindi niya naikuwento na nakadaupang-palad niya si Sison sa Europa nang mag-concert siya roon at ang naibida lang niya ay ang mayamang Arabong prinsipe na nanliligaw sa kanya.

Pati si Janno Gibbs, nakasama sa souvenir photo nina Mina at Sison.

O, ‘yan ba ang sasabihing hindi pulitikal ang mga artista?

Pero teka, kung epektibo na marahil ang Anti-Terror Law ay maaaring kasuhan si Ara ng terorismo.

Ito ay kung pagbabatayan ang akusasyon ng US at Euopean Union na terorista si Joma at ang NPA.

Nakasaad kasi sa mga probisyon ng batas kontra-terorismo na kung sinuman ang makipag-usap o dumikit sa isang hinihinalang terorista ay puwedeng sampahan ng kasong terorismo o banta sa kaligtasan ng humanidad.

Aba’t ang taas na ng posisyon ni Ara sa lipunan dahil kahanay na siya ng bigating mga pultiko dahil una na’y mula siya sa angkan ng pulitika bilang anak ng dating kongresista ng Quezon City na si Chuck Mathay na kakandidato raw muli sa pagka-congressman sa May 14 elections kaya kuntodo hasa ar preparasyon na si Ara sa pangangampanya.

Banta nga ba sa seguridad ng bansa si Ara? O si Janno?

Ewan sa kaanik-anikan ng lahat sa loob at labas ng showbiz.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006