Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 28, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Ituloy ang magiting na tradisyon ng kababaihang Pilipino

Marso 8 na ulit, mga kabaro, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ang araw natin. Muli na naman tayong bubuhos sa kalsada at sama-sama nating isisigaw ang ating galit sa mga nagpapahirap sa atin. Sama-sama nating tututulan at lalabanan ang mga karahasang sumasagpang sa atin bilang babae, ang karahasan sa ating kabuhayan at ang karahasan sa ating pampulitikang karapatan.

Sawang-sawa na tayo sa kahirapan – puros Lucky Me o tuyo o asin na lang ang laging naihahain. Kapag nagkasakit, wala namang pampaospital dahil kulang ang sahod. ‘Yun ay kung may trabaho dahil halos kontraktwal na lang ang nahahanap ngayon kahit ng mga bagong graduate. Kung may edad ka na, aba’y sa sub-con ka na lang na sentimo lang ang bayad per piraso. Magtinda ka man ng ihaw-ihaw, isang hilera na kayong magkakapitbahay ang nagtitinda nito. Haaay, naku, Gloria! Hirap na hirap na ang kababaihan!

Hindi kasi ang interes nating kababaihan ang dinadala ng babae pa namang presidente. Mas unang pinagsisilbihan ni Gloria ang amo niyang Estados Unidos. Nang pinatakas ni Gloria ang sundalong Amerikanong rapist na si Daniel Smith matapos mahatulan itong maysala, pinatunayan niyang muli na ipagpapalit n’ya ang dignidad ng kababaihan at ng bayan para sundin ang dikta ng imperyalistang Estados Unidos.

At nang magpatawag si Gloria ng special session ng Kongreso, kunwa’y para talakayin ang ilang mahahalagang panukalang batas. Sa totoo lang, mga mare, gusto niya lang ipasa ang Anti-Terrorism Bill (Human Security Act na ang tawag). Minadali niya ito para makaayon sa teroristang giyera ng amo niyang Estados Unidos. Kung may Patriot Act ang presidente ng US na si George Bush, may Human Security Act naman si Gloria. Kaya’t kapag nagkuwentuhan kayo ng mga kapitbahay ninyo at inireklamo ang ating kadusta-dustang kalagayan dahil walang silbi ang gobyerno ni Gloria, hala, terorista ka na raw.

Pero pa’no ka naman hindi magrereklamo? Beinte porsiyento ng dagdag na buwis dahil sa E-vat. Bumaba nga ng 11 beses ang presyo ng LPG, tumaas naman ‘to ng 14 beses. Suma total, P34.50 ang itinaas ng LPG. Ayon sa pag-aaral, P766 ang kailangan ng isang pamilya para mabuhay sa isang araw pero P350 o mas mababa pa ang sahod ng manggagawa. Kaya kapos tayo ng P416 araw-araw. Hindi kataka-takang may utang tayo sa tindahan, sa Bumbay, sa lending at sa lahat ng pwede nating utangan.

Kapag nasa probinsiya naman, inaagawan ng lupa para gawing golf course o para ipa-mina sa dayuhang korporasyon. Kapag naiisip mong mag katulong sa ibang bansa, aba’y may kickback pa rin ang gobyerno ni Gloria dahil sa bagong POEA Guidelines para sa mga DH na abot sa P10,000 ang mga dagdag na bayarin samantalang inutil naman ang gobyerno sa pagtatanggol sa mga migranteng kababaihan. Matapos huthutan ng remittances ang mga OFWs ($11.4B o 10 porsyento ng ipinagmamalaki ni Gloria na gross domestic product), umuuwi ang mga kabaro natin na bugbog-sarado, tulala, nasiraan ng bait o kaya’y nasa kabaong na.

Sa tindi ng hirap na nararanasan natin, hindi maaaring hindi tayo magreklamo. Dahil sa mga pahirap at teroristang pakana ni Gloria, lalo lamang nagpupuyos ang damdamin natin bilang manggagawa, magbubukid, ina, babae o bilang Pilipino. Wala tayong masulingan kundi ang sama-sama at organisado nating pagkilos. Tayo mismong kababaihan, kasama ang sambayanan, ang siyang makikipaglaban para sa ating interes at karapatan.

Kaya’t mga mare, sa Marso 8, magkita-kita tayo sa Liwasang Bonifacio. Sama-sama nating lalabanan ang karahasan at terorismo ni Gloria at ipagpapatuloy natin ang magiting at militanteng tradisyon ng pakikipaglaban nating kababaihang Pilipino.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006