Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 28, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Diskarte at diskurso sa motorsiklo

Mapanganib ang mga lansangan hindi lang dahil sa masasamang elementong naglipana sa lipunan.

Nariyan din ang sitwasyong ang mga batas-trapiko ay hindi iginagalang ng ilang taong walang pakundangang magmaneho ng kanilang sasakyan. Ang mga batas na ito ay liberal ding ipinapatupad ng ilang pulis-trapikong ang konsepto ng buwanang sahod ay kasama ang arawang nakukuha sa mga kawawang drayber.

Nagiging magulo tuloy ang ayos ng trapiko sa mga lansangan. Ito ang dahilan ng maraming pagtatalo hindi lang sa pagitan ng mga motorista kundi ng mga taong halos mamuti na ang mata sa kahihintay sa mga kasamahang nagmistulang “bilanggo” ng trapiko.

Ang ganitong anarkiya sa lansangan ay nagbubunga ng “kultura ng diskarte” sa mga motorista, na kung saan ang pangunahing layunin ay makaalis sa pinanggalingan at makarating sa paroroonan sa pinakamabilis na paraan. Hindi bale kung nalalabag ang mga batas-trapiko dahil wala namang pulis-trapikong nakabantay. At kung sakali mang bumulaga ang nagtatagong pulis-trapiko, nakakaya naman sa “pakiusapan” ang negosasyong nagsisimula sa pagkakamot ng ulo ng motorista at nagtatapos sa “pagpapadulas” ng ilang dadaanin sa kamay ng pulis-trapiko.

Masasabing ang ganitong kultura sa lansangan ay repleksiyon ng kaisipan ng nakararaming mga mamamayan, partikular ang mahihirap. Nawawala ang kultura ng pagsunod sa mga itinakdang batas na pangunahing nilalabag ng mismong mga dapat magpatupad ng mga ito. Nariyan ang kontradiksiyong ang mga tinaguriang public servant ay umaastang nakatataas sa mga dapat nilang pagsilbihan. Mahirap ding paniwalaan ang mga politikong nagsasabing kaisa sila ng mga naghihikahos samantalang hindi nila lubos na nakikita ang reyalidad ng kahirapan mula sa bintana ng kanilang mansiyon at mga mamahaling sasakyan.

Sa panahong ang mga lansangan ay kinakikitaan ng kaguluhan, masasabing ang motorsiklo ay isang solusyon para “lumaya” ang isang tao sa tindi ng trapiko. Dahil dalawa lang ang gulong, madali itong nakalulusot sa pagitan ng mga sasakyang may apat o higit pang gulong. At depende sa modelong gamit at kondisyon ng makina, mas mabilis din itong umarangkada sa hudyat na berde ng ilaw-trapiko. Sa konteksto ng “kultura ng diskarte” sa mga lansangan, hindi hamak na natutugunan ng motorsiklo ang pangangailangang makarating sa paroroonan sa mas maikling oras!

Pero hindi maikakailang kailangan ng matinding pag-iingat sa pagsakay sa motorsiklo. Hindi ba’t pana-panahong naibabalita ang mga aksidente dahil sa motorsiklo na nauuwi kundi man sa pagkakaospital ng mga nakasakay ay sa pagkamatay nila? At dahil lahat ng mga motorista ay nagkakaisa sa pangangailangang dumiskarte nang mabuti, nararapat lang na maging listo sa mga kondisyon sa paligid habang nagpapatakbo ng motorsiklo.

Totoong ang aksidente ay puwedeng mangyari kahit na walang kasalanan ang nakasakay sa motorsiklo. Ang walang pakundangang pagmamaneho ng isang motorista ay maaaring maging mitsa ng buhay ng iba pang nasa tabi niya. Kaya nga ang dapat isaisip ng mga gumagamit ng motorsiklo sa mga lansangan: “Ako ay maingat kahit ang iba ay hindi.”

Sa isang banda, nagiging mitsa rin ng buhay ang pagsakay sa motorsiklo oras na umiral ang yabang. Madalas na nananaig ang yabang para patunayang ang motorsiklo ng isa ay hindi hamak na mas maganda kaysa sa sinasakyan ng iba, lalo na’t kung siya ay nauunahan ng huli. Maaari namang sumobra ang kumpiyansa ng nakasakay sa motorsiklo sa sitwasyong mas gusto niya ang mabilis na pagpapatakbo kahit na unti-unti nang dumarami ang mga sasakyan sa harapan niya.

Kung malalabanan ang yabang at sobrang kumpiyansa sa pagsakay sa motorsiklo, hindi matatawaran ang napakaraming bentahe nito, lalo na sa maiikling biyaheng hindi masyadong pagpapawisan, kung mangyari man, ang nakasakay.

Isinasaisip marahil ng mga taong walang paggalang hindi lang sa batas-trapiko kundi sa karapatang pantao ang ganitong diskurso sa motorsiklo dahil ginagamit nila ito para tumakas sa eksena ng krimen matapos patayin ang mga tumutuligsa sa pamahalaan.

Hindi man natin alam kung naging mahaba o maikli ang kanilang biyahe papunta sa kung saan man sila nanggaling, madaling isiping hindi sila pinagpapawisan dahil ang pagpatay para sa kanila ay katulad ng nakagawian ng ilang pulis-trapiko – handang lumingon sa ibang direksiyon basta’t may handang magpadulas!

Sa huling pagsusuri, ang buhay ng tao sa lipunan ay parang motorsiklo sa lansangan. Sa kabila ng ibayong pag-iingat, hindi natin malalaman kung kailan tayo aabutan ng mga walang pakundangan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006