| Walang katapusang ‘floating status’
Marami sa atin ang
yamot sa security guards.
Mabusisi kasi at mahigpit ang karamihan sa kanila. Ngunit alam ba natin na sila ay manggagawa rin na kadalasan ay nakakatikim ng pang-aapi ng manedsment? Ang nangyari kay Federito ay isang matingkad na halimbawa ng bagay na ito.
Nagtatrabaho si Federito bilang isang security guard sa isang ahensiya. Itinalaga siya sa isang kilalang gusali sa Makati. Isang araw, nagkasagutan sila ng nangangasiwa ng mga guwardiya sa nasabing gusali. Ayon sa huli, hinahanap niya ang lisensiya ni Federito bilang security guard, ngunit tumanggi umano si Federito. Tinanong pa di umano ni Federito kung ano ang kanyang karapatan para para maghanap ng lisensya. Sa galit ng nangangasiwa, inireklamo niya ng gross misconduct si Federito. Hiningi niya na matanggal ito sa pwesto.
Nang sumunod na araw, hindi na pinapasok sa trabaho si Federito. Nalaman na lamang niya na naglabas ng Recall Order para sa kanya ang kanyang ahensiya. Inimbestigahan siya ng ahensiya tungkol sa pangyayari at pinabulaanan naman niya ang bintang sa kanya ng kanyang nakaaway.
Lumipas ang siyam na buwan ngunit wala pa ring balita kung ano ang resulta ng imbestigasyon ng ahensiya tungkol sa kaso ni Federito. Hindi na nakatiis si Federito. Nagsampa siya ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter laban sa kanyang ahensiya.
Itinanggi naman ng ahensiya na tinanggal nila si Federito. Ayon sa kanila, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa kanyang kaso. Samantalang ginagawa nila ito, naka- “floating status” si Federito. Inalok daw naman nila ito ng ibang assignment, ngunit kusa itong tumanggi dahil ayon sa kanya, pahinga muna siya.
Kinatigan ng Labor Arbiter si Federito at inutusan ang kompanya na bayaran ng separation pay si Federito. Hindi nakontento sa desisyon si Federito at inapela ang desisyon sa National Labor Relations Commission (NLRC). Ganu’n din ang ginawa ng ahensiya.
Binago naman ng NLRC ang desisyon. Bagama’t napatunayan nito na hindi legal ang pag-alis kay Federito sa kanyang puwesto, tinanggal nito ang award na separation pay. Sa halip, inutos nito na ibalik sa kanyang trabaho si Federito ngunit wala itong makukuhang back wages.
Dinala ni Federito sa Court of Appeals ang kaso ngunit ganu’n pa rin ang hatol nito. Napilitang iakyat sa Korte Suprema si Federito.
Inilinaw ng Korte Suprema na ang katayuan ni Federito habang siya ay naka “floating status” ay walang pinagkaiba sa manggagawa na inilagay ng kompanya sa “preventive dismissal”. Wala siyang matatanggap na sahod at anumang benepisyo habang ginagawa pa ang imbestigasyon laban sa kanya.
Ganu’n pa man, kailangang tapusin ng kompanya ang imbestigasyon sa kanyang kaso sa loob ng tatlumpung (30) araw. Pagdating ng tatlumpung araw, dapat magkaroon na ng kapasyahan ang kompanya kung ibabalik ba siya sa trabaho o tuluyan nang tatanggalin. Kung nais pa nilang pahabain ang kanyang “preventive suspension” o “floating status,” kailangang bigyan siya ng sahod kahit hindi siya nagtatrabaho.
Sa nangyari kay Federito, umabot na ng siyam (9) na buwan ang kanyang “floating status” ngunit hindi pa rin siya pinababalik o pinapasahod ng ahensiya. Labag ito sa Implementing Rules ng Labor Code, ayon sa Korte Suprema. Dahil rito, dapat lamang siyang bayaran ng kanyang back wages bukod pa sa reinstatement sa trabaho.
Hindi kapanipaniwala ang sabi ng ahensiya na inalok nila ng ibang assignment si Federito ngunit ito ay tumanggi. Walang maipakitang dokumento tungkol rito ang ahensiya, puna ng Korte Suprema. Isa pa, kung talagang inayawan ni Federito ang ibinibigay na ibang trabaho, bakit pa kailangang magdemanda nito?
Ang walang taning na paglagay kay Federito sa “floating status” ay isang uri ng constructive dismissal. Dahil rito, dapat siyang ibalik sa trabaho at bayaran ng kanyang back wages, hatol ng Korte Suprema (Federito Pido vs. National Labor Relations Commission, et. al., G.R. No. 169812, Pebrero 23, 2007). balik sa itaas | sunod |