Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 28, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Ano Na Nga Ba Ang Totoo, Kuya?

MAY embalsamadong utak na lamang marahil ang maniniwala pa sa ipinangangalandakan ng mga opisyal ng militar, lalo na ni Hen. Hermogenes Esperon, hepe ng estado mayor ng Hukbong Sandatahan o AFP, na “walang kinalaman sa eleksiyon at bahagi lamang ng gawaing sibiko” ang paggala-gala ng armadong mga sundalo – araw man o gabi – sa lugar ng mga maralita sa Kamaynilaan.

Makikita ang naglisaw na armadong mga sundalo sa mga 26 na barangay sa Kamaynilaan na sinasabing malakas ang mga party-list, lalo na ang Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela na pinagbibintangan ng militar na prente diumano ng Partido Komunista ng Pilipinas gayong, kung tutuusin, legal na ang pagiging miyembro sa naturang partido dahil matagal nang ibinasura ang mapanikil na R.A. 1700 o batas kontra-subersiyon.

Batay sa pahayag ng mga residente sa nasabing mga barangay ng mga maralita – Commonwealth at Payatas sa Quezon City, Sta. Mesa, Pandacan, Parola, Del Pan at Isla Puting Bato sa Maynila, gayundin sa maraming lugar sa Caloocan – itinatanong ng mga sundalo kung sinu-sino ang mga opisyal at miyembro ng militante’t progresibong mga party-list at, higit na masama, nangangampanya pa ang mga itong huwag iboto sa darating na eleksiyon ang Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, at Kabataan.

Malinaw na halimbawa ang nangyari noong Pebrero 26 kay Alberto Corbes, miyembro ng Bayan Muna sa Payatas. Habang naglalakad, pinahinto siya ng isang sundalo at pasinghal na itinanong kung bakit may dala siyang mga polyeto ng Bayan Muna. Pagalit pang sinabi nito: “Di mo ba alam na prente ng NPA ang Bayan Muna? Tigilan mo ang pangangampanya at pagkuha ng miyembro!” Nang sabihin ni Corbes na hindi sila mga NPA, nanakot pa ang sundalo: “Baka hindi mo na makita ang Semana Santa!”

Natural, hindi dapat makialam o makilahok sa partisanong pulitika ang sinumang militar o pulis at tungkulin lamang nilang pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na nga sa panahon ng mahokus-pokus, marahas at madugong eleksiyon sa bansa. Mula sa liderato ng AFP, maliwanag ang kautusang ito, ayon na rin kay Ten. Kor. Ricardo Visaya, hepe ng yunit ng CMO (civil military operations) sa Kamaynilaan pero, batay sa paratang ni Rep. Liza Maza ng Gabriela sa kanyang isinampang reklamo sa Comelec laban kina Hen. Hermogenes Esperon, Sekretaryo Norberto Gonzales, at Sekretaryo Sergio Apostol, “ginagamit ng mga ito ang kanilang posisyon at pondo ng gobyerno para aktibong ipangampanyang huwag iboto ang progresibong mga party-list.”

Sapagkat nakaugalian na ng kasalukuyang rehimen ang mabilis na pag-uutos ng mga kinauukulan ng mabuladas na mga imbestigasyong kalimitang wala namang malinaw na resulta – tulad ng maraming kaso ng katiwalian at hindi masawatang mga pagpatay na pampulitika – agad ding sinulatan ni Tagapangulong Benjamin Abalos ng Komisyon sa Eleksiyon si Hen. Ben Dolorfino, hepe ng AFP sa Kamaynilaan at sinabing “paimbestigahan agad” ang “diumano’y pagbabahay-bahay ng mga sundalo, pananakot ng mga sibilyan, at aktibong pangangampanyang huwag iboto sa darating na eleksiyon ang ilang kandidato at party-list.”

Kahit ipinangalandakan din ni Hen. Esperon na “dapat paimbestigahan” ang naturang mga sundalong pinaratangang nananakot at nangangampanya para sa darating na eleksiyon, agad naman nitong pinawalang-sala ang mga iyon at binigyang-diin agad na “hindi armado ang mga iyon… at sangkot lamang sila sa mga gawaing sibiko.” Sinabi pa niyang ang mga residente sa naturang mga lugar ang ayaw sa mga party-list gayong pinatunayan na ng nagdaang mga eleksiyon na balwarte ng militante’t progresibong mga party-list ang lugar ng mga laging biktima ng inhustisya’t pagsasamantala, ng mga alipin ng karalitaan at kawalang-pag-asa sa isang lipunang ang naghambalang na tradisyonal na mga pulitiko ang muli’t muling walang sawang naghahari-harian.

Maliwanag na tandisang paglabag sa mga batas sa eleksiyon ang gayong mga hakbang ng naturang mga sundalo at, sa kabilang banda, pikit-mata silang nagagamit ng mga diyus-diyosan para patuloy na makapangunyapit naman ang mga ito sa kapangyarihan. Hindi tuloy maiwasang hinalain na naman ng mga kritiko ng administrayon na, sa bagay na ito, may nagmamaniobrang kamay mula sa Malakanyang para walising parang layak – sa anumang paraan – ang mga tumutuligsa sa kapalpakan ng kasalukuyang rehimen, lalo na nga ang mga kalaban ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa nakasusukang pulitika. Hindi tuloy maikakaila, ayaw na ayaw ni La Gloria na maging 79 ang bilang ng kakontra niyang mananalong mga kongresista – kabilang na ang mga kinatawan ng party-list – sapagkat maaaring matagumpay nang maisulong sa Kamara ang kasong “impeachment” laban sa kanya at malinawan ng sambayanan ang mga katotohanan at kahiwagaan sa likod ng inodoro ng kapangyarihan.

Natural, kung mayorya – sa Senado at lalo na sa Kamara – ang mananalong mga basalyos ni La Gloria, tiyak na tuloy ang ligaya’t rigodon ng mga mapagsamantala, at itatambak na lamang sa poso negro ng pulitika ang mga katotohanan sa likod ng nangyaring mga eskandalo’t anomalya tulad ng jueteng payola, nawalang pondo sa pataba, mahiwagang mga kontratang Venable LLP at Northrail, Macapagal Boulevard, at iba pa, at iba pa, mga pagsalaula sa Konstitusyon at paglabag sa lehitimong mga karapatang sibil ng sambayanan at, higit sa lahat, ang pinalabo’t patuloy na pinagtatakpang “Hello Garci” na paulit-ulit na umuukilkil sa tainga ng sambayanang uhaw sa sagradong katotohanan.

Bagaman ang kasaysayan – bilang makapangyarihang batas ng sibilisasyon – ang hahatol sa lahat-lahat at magbabandila sa katotohanan, hindi naman maiwasang paulit-ulit na itanong ng mga mamamayan ngayon sa mga diyus-diyosan ng naghaharing rehimen: Ano na nga ba ang totoo, Kuya?

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006