Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

OFW, Pebrero 28, 2007
Palasyo di aapela sa CGFNSRasismo sa mga Pinoy sa Canada lumalalaSimbahang Aglipayano sa Hong Kong, tutol sa alituntunin ng POEA | Para sa Diyos at Bayan, Fr. Dwight dela Torre, IFI

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITANG OFW

Babae ang mukha ng migrasyon

Sa gitna ng dilim
Ako ay nakatanaw
Ng ilaw na kay panglaw
Halos ‘di ko makita

“Pagbabalik”, Asin

SA papatinding kahirapan sa buhay ng sambayanang Pilipino, napipilitan ang kababaihan na iwan ang kanilang pamilya para mangibang bayan at magtrabaho roon. Katunayan, sa ulat ng NCRFW (National Commission on the Role of Filipino Women), 51% ng rehistradong mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa tanggapan ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) ay kababaihan.

Nangangahulugan na sa bawat 10 Pilipinong umaalis ng bansa para maging OFW, pito ang babae. Karaniwang destinasyon nila ang mga bansang Japan, Saudi Arabia at Hong Kong para magtrabaho bilang mga kasambahay (domestic helper), tagasilbi ng pagkain, tagapag-alaga ng maysakit at mga entertainer.

Sa 112,812 na umalis para maging manggagawang panserbisyo noong 2004, 90% nito ang kababaihan. Maging sa tinatawag na mga propesyonal at mga manggagawang may kaalamang teknikal, malaking bulto nito ang kababaihan.
Sa talaan ng POEA, sa 280,475 na mga manggagawang may sapat na kakayahan na nasa ibang bansa ngayon, 208,411 ang babae. (Ulat ng Migrante International/ NCRFW Factsheet on Filipino Women, March 2006/ POEA Annual Report 2004).

Sa kabila ng napakataas na bilang ng kababaihang nagtrabaho sa ibang bansa, nananatiling mababa ang kanilang ambag pagdating sa pagpapadala ng pera sa Pilipinas dahil karaniwang napupunta ang kababaihan sa mga trabahong may mababang pasahod at karaniwan ding hantad sa mga panganib at pang-aabuso at hindi nakatatanggap ng anumang proteksiyon na nararapat sa kanila ayon sa ulat ng NCRFW.

Katunayan, sa 1,000 kaso ng pang-aabuso sa OFW na naitala ng Migrante noong 2006, karamihan ay kaso ng pang-aabuso sa kababaihan na nagtatrabaho sa mga bansang nasa Gitnang Silangan. Apat sa mga kasong ito ay kaso ng panggagahasa at ang isa ay menor-de-edad ang biktima—isang 16 anyos na dalagitang nangangatulong sa bansang Kuwait.

Si Jean at ang pangarap na pagbalik as Hong Kong
Si Jean Gocotomo, 22 anyos ay dating kasambahay sa Hong Kong. Doon, nasaksihan niya ang iba’t ibang paraan kung paano inaabuso ang isang babaing manggagawa—hindi lamang pisikal kundi sikolohikal at maging pinansiyal dahil sa manlolokong mga rekruter. Subalit, kahit ganoon, may balak pa ring bumalik si Jean sa Hong Kong.

Gayunman, parang nilulunod ng malakas na alon ang kanyang pag-asa. Ayon sa bagong patakarang ipinatutupad ng POEA, ang mga 25 anyos lamang pataas ang pahihintulutang umalis para mangatulong sa ibang bansa. Ibig sabihin, hindi kuwalipikado si Jean para muling bumalik sa Hong Kong dahil 24 anyos lamang siya.

Aniya, ang dalawang taong, paghihintay ay katumbas ng dalawang taong pagkabaon sa utang dahil hanggang ngayon, binabayaran pa rin niya ang kayang ipinanlagay sa ahensiyang nagrekrut sa kanya.

Bukod pa rito, kailangan din niyang sumailalim sa serye ng pagsasanay at pagsusulit para lamang maging katulong sa ibang bansa. Ibig sabihin, panibagong gastusin na naman para sa kanya.

Si Grace, rape survivor
Tapos ng sikolohiya, nagtungo si Grace sa Qatar upang magtrabaho. Umasa sa mas magandang buhay na pangako ng pangingibang bansa, iniwan ni Grace ang kanyang trabaho bilang guidance councilor sa isang paaralan sa Caloocan para maging katulong sa Qatar.

Nangako ang ahensiyang nagrekrut sa kanya ng QR700 (katumbas ng P9,376.57) na suweldo kapalit ang pag-aalaga sa isang limang taong gulang na paslit. Gayunman, may usapang hindi muna siya susuweldo ng dalawang buwan dahil komisyon na ito ng ahensiya. Wala siyang nilagdaang anumang dokumento. Purong laway niya.

Pagdating niya roon, dinanas niya ang iba’t ibang pang-aabuso, kabilang ang panggagahasa sa kanya sa isang ospital ng kanyang amo na gusto niyang takasan.

Ang pinakamasakit na alaala niya sa Qatar ay kaugnay ng tahasang pagbalewala sa kanya ng mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa Qatar na una niyang hiningan ng tulong ang mga taga-embahada na dapat sana’y pangunahing tutulong at magmamalasakit sa kanya dahil isa siyang kababayan, isang Pilipina.

Dalawa lamang ang kuwentong ito tungkol sa paghihirap ng mga Pinay sa ibang bansa. Marami pa silang umaawit, marahil, ng mga linyang ito ng kanta ng Asin:

Sa pagsibol ng araw
Hanggang dapit-hapon
Malamig na hangin
Ang aking kayakap

Huwag sanang hadlangan
Ang aking nilalandas
Sapagkat ako’y sabik
Sa aking sinilangan…

Ngunit laging nahahadlangan dahil sa hirap ng buhay rito sa Pilipinas.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006