Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

BALITA, Pebrero 28, 2007
Sa pamamaslang: US dapat managotSa pagkakabasura ng asylum sa US: Bolante tatakas?Protesta ng bayan maraming dahilanNDF konsultant dinukotDemolisyon sa CCP inalalaSuspensiyon ng Ched Memo 14 kinundena

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITA

Ayon sa EO 21:
‘AFP sa Kamaynilaan utos ni GMA’

UTOS ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpapakalat ng mga sundalo ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa Kamaynilaan alinsunod sa EO (Executive Order) No. 21 na pinirmahan noong Hunyo 19, 2001.

Ayon kay Sen. Rodolfo Biazon, dating chief of staff ng AFP, binubuo ang EO No. 21 ng lokal na mga ISC (Internal Security Committee) para “bigyang direksiyon ang pagpaplano at koordinasyon ng pagsisikap sa internal na seguridad.”
Sang-ayon ang pagbubuo ng mga ISC sa National Internal Security Plan ng Cabinet Oversight Committee on Internal Security na pinangungunahan ni Pangulong Arroyo.

“Kung masusunod ang EO 21, hindi maaaring magpa-deploy ang militar o pulisya ng mga puwersa nito nang walang pagpapaalam sa lokal na ISC at pag-apruba ng Pangulo,” ani Biazon, tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security.

Kamakailan, inamin ni Maj. Gen. Benjamin Delorfino, hepe ng NCRCom (National Capital Region Command), na nagdeploy ang AFP ng 270 sundalo sa maralitang mga komunidad sa Tondo sa Maynila, Brgy. Commonwealth sa Quezon City, Caloocan City, at Taguig City.

Ani Delorfino, layon ng mga sundalo na sugpuin ang umano’y kultura ng rebelyon at paglaban sa gobyerno. Inihalintulad niya sa mga anay na sumisira sa bansa ang “makakaliwang mga grupo” sa maralitang mga komunidad.

Inireklamo sa Comelec (Commission on Elections) ng nasabing mga party-list na tatakbo sa halalan sa Mayo ang umano’y panghaharas at pananakot sa kanilang mga miyembro sa Kamaynilaan.

May mga platapormang nagtataguyod sa karapatan ng mga mamamayan sa sahod, trabaho, lupa, at batayang serbisyo, nanguna noong halalang 2004 ang progresibong mga party-list na matinding kritiko ng gobyernong Arroyo.

Nakiisa rin ang ilang opisyal ng gobyerno at mga obispo sa panawagang paalisin ang militar sa NCR.

Mariing binatikos ng Bayan Muna ang Comelec sa kawalang aksiyon nito sa mga reklamo na tinatakot ng mga militar ang mga taga-Maynila na huwag iboto ang militanteng mga partido tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan at Suara.

Sinabi ni Nathanael Santiago, pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna, na trabaho ng Comelec na ipag-utos ang pag-atras ng militar sa Kamaynilaan.

Kamakailan, nakuha ng Bayan Muna sa video ang isinagawang porum ng militar kung saan ipinapakita na kaalyado ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People’s Army) ang militanteng mga party-list.

Binatikos naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano si Maj. Ernesto Torres, tagapagsalita ng Philippine Army, sa kanyang pahayag na bahagi ng “pangkabuuang pagharap” sa problema ng armadong rebelyon ang pagpapakalat ng militar sa mahihirap na mga komunidad sa Kamaynilaan.

Kaugnay nito sinabi ni Santiago na walang armadong grupo sa Kamayanilaan kaya hindi umano maaaring magbulag-bulagan at magbingi-bingihan si Benjamin Abalos, Tagapangulo ng Comelec, na nakatuon ang militar sa militante at progresibong mga partido.

Pinabulaanan din ni Santiago ang pahayag ni Abalos na kontra sa ilegal na droga at kriminalidad ang pagpapakalat ng militar sa Kamaynilaan dahil trabaho umano ang mga ito ng pulis at hindi ng militar.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006