Taon 6 • Blg 09 • Marso 6, 2007

LATHALAIN , Pebrero 28, 2007
Maruming laro sa eleksiyon

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
LATHALAIN

Kababaihang palaban para sa bayan

APAT NA babaing naninindigan at ngayo’y lumalaban, hindi lamang para sa kanilang kagalingan kundi maging para sa iba. Ngayong Buwan ng Kababaihan, angkop na kilalanin ang mga gaya nina Nanay Flora, Ma’am Luz, Bai Zaynab at Ella — mga babaing palaban para sa bayan.

Nanay Flora: Mula Sagada at Hong Kong hanggang Kamara
Isinilang siya sa tribong Kankanaey noong Marso 12, 1958 sa Madongo, Sagada, Mountain Province. Naulila sa ina sa edad 13, si Nanay Flora Baniaga-Belinan ang naging katuwang ng ama sa pagpapalaki sa kanyang anim na kapatid bagaman pang-apat siyang anak.

Para mapag-aral ang sarili, nakipanuluyan siya sa isang kamag-anak. Nagtinda siya ng brownies na luto ng isang tiyahin, at tumulong din sa bukid ng kanyang mga kamag-anak kapag Sabado’t Linggo. Tinapos niya ang B. A. Social Work sa St. Louis University noong 1982.

Una siyang nasangkot sa pakikibakang masa nang magtrabaho sa Upac (Urban Poor Assistance Center), samahang tumutulong sa maralita ng Baguio. Bilang organisador, nakilala niya ang kanyang naging kabiyak, si Paul Belinan na kasapi ng Cordillera Labor Center. Dalawa ang kanilang naging supling, sina Michael, 24, manunulat sa isang progresibong pahayagan sa Baguio at Michelle, 16, na nag-aaral naman bilang nars.

Dahil sa hirap ng buhay, napilitan si Nanay Flora na mangibang bansa. Labindalawang taon siyang naging DH (domestic helper) o katulong sa Hong Kong. Dahil likas na organisador, itinatag niya ang Pinatud a Saleng ti Umili sa Hong Kong, samahan ng mga DH, at naging tagapayo rin ng Cordillera Alliance-Hong Kong.

Pag-uwi mula Hong Kong, itinatag naman niya ang Migrante-Metro Baguio. Si Nanay Flora ngayon ang ikatlong nominada ng Guwapa (Gabriela Women’s Party).
 
Luzviminda Ilagan: Kinatawan ng kababaihan ng Mindanao
Beterana ng Batas Militar, si Ma’am Luz ang isa sa mga pioneer ng Gabriela, ang pinakamalawak at pinakamilitanteng pederasyon ng kababaihan sa bansa, na itinatag noong 1984. Bago nito, noong 1982, sa tulong ng iba pa, itinatag niya ang Women’s Alliance for True Change-Mindanao na buong tapang na lumaban sa diktadurang Marcos.

Naging delegado sa United Nations International Conference on Women noong 1985, isa si Ma’am Luz sa nakipagtaltalan nang husto para maideklara ang Pandaigdigang Dekada ng Kababaihan na nagbigay-daan sa higit na pagkilala sa kapakanan at karapatan ng kababaihan sa lipunan.

Ngayong naghahari ang militarisasyon sa Mindanaw, isa si Ma’am Luz sa mga nangunguna sa laban ng kababaihan para sa tunay na kapayapaan at katiwasayan sa isla. Aniya, sa militarisasyon, unang-unang dinadahas ang kababaihan at ang kanilang mga anak at iba pang mahal sa buhay.

Isang batikang edukador, naging propesor siya sa Ateneo de Davao mula 1966 hanggang 2004. At sa pulitika, hindi masasabing bagito si Ma’am Luz dahil itinalaga siyang konsehala ng Lungsod ng Davao mula 1986 hanggang 1988 at muling nahalal bilang konsehala noong1998 at nanungkulan hanggang 2001.

Sa kanyang pagiging nominada ng Guwapa, nakatitiyak ang kababaihan na may malakas silang tinig sa Kongreso.
 
Zaynab Ampatuan: Tinig ng Moro at Lumad
Bagaman o marahil dahil biktima ng militarisasyon, si Bai Zaynab Ampatuan, 27, tubong Cotabato, ay masasabing isa sa pinakamatapang na babaing Moro sa buong bansa.

Hindi man siya naging ganap na abogado na gaya ng pinapangarap noon, pangunahin naman siyang tagapagtanggol ngayon ng inaaping sambayanang Moro at maging ng Lumad.

Nagsimula siyang makisangkot sa pakikibakang masa sa kolehiyo, huling bahagi ng dekada 90. Kumukuha siya ng AB Development Communication sa University of Southern Mindanao sa Kabacan nang maging kasapi ng League of Filipino Students.

Mula noon, walang pagod na nakipagbuno sa tiwaling sistema si Bai Zaynab. Tunay na pagkalinga sa Mindanaw ang nagtulak para sumama siya sa pagtatatag ng Suara Bangsamoro (Tinig ng Bayang Moro) at maging unang nominada nito sa Kongreso.
 
Ella Colmenares: Bata pa, lider na
Malapit sa puso niya ang kabataan, maralitang tagalungsod at manggagawa. Bagaman tapos ng Political Science sa PCU (Philippine Christian University), pinili ni Angela “Ella” Colmenares na maging ganap na organisador ng kabataan at mga mamamayan.

Sa UST (Unibersidad ng Sto. Tomas) na una niyang pinasukan, si Ella ay nagsilbing tagapagsalita ng Alliance of Concerned Thomasians nang lumaganap ang hepatitis sa kampus dahil sa maruming tubig. Nang matigil sa pag-aaral, naging kawani siya ng isang non-government organization ng maralitang tagalungsod at manininda sa Caloocan.

Samantala, sa PCU, naging pangkalahatang kalihim siya ng Konseho ng mga Mag-aaral at opisyal ng Student Christian Movement. Bilang nominada ngayon ng Kabataan Party-list, si Ella ay nahaharap sa mas malawak na pagsisilbi sa masang kabataan at buong bayan.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006