| Pagpatol ni Hope kay James Ikinaospital ni Kris
HABANG nagkakagulo sa pamilya ni Kris
Aquino — hindi lang sa pulitika kundi sa
domestikadang buhay niyang may-asawa — naghandog naman ng parangal ang Mowelfund sa mga haligi ng pelikulang Pilipino na nag-ambag ng di-matingkalang kontribusyon sa pag-unlad ng midyum sa teknikal at malikhaing aspeto nito.
Sa kauna-unahang Ani Awards na idinaos sa Aliw Theater noong ika-23 ng Pebrero, ginawaran ng karangalan sina Don Jose Nepomuceno, ang Ama ng Pelikulang Pilipino; Atang de la Rama, ang Bituin ng Zarzuela; Rogelio de la Rosa at Carmen Rosales, ang walang kamatayang tambalan; Rosa del Rosario, ang kauna-unahang Darna sa pelikula; Dolphy, ang Hari ng Komedya; Fernando Poe, Jr., ang Hari ng Pelikulang Pilipino at Joseph Estrada, ang Ama ng Mowelfund. Simple lang ang pagdiriwang subalit may dating at kurot sa puso. Bagamat puwedeng magbisikleta sa loob ng bulwagan, hindi matatawaran ang kahusayan at katuturan ng mga binigyan ng parangal.
Gayunman, namumukod-tangi ang talumpati ng pagtanggap ng anak nina Honorata “Atang” de la Rama at Amado V. Hernandez. Kung ang ibang tumanggap sa ngalan ng wala o namayapa nang mga alagad ng sining ay nagwika ng mas personal nilang damdamin at pagpapahalaga sa karangalan, paglaya ng bayan at ng indibidwal sa lipunan ang itinaghoy ng kaanak ni Atang.
Malalagom ang pahayag ng anak nina Atang at Ka Amado sa paglalangkap ng sining at pilosopiyang pang-anakpawis ng isang artista upang tumulong na palayain ang dinuduhaging bayan.
Sayang at mabibilang lang sa mga daliri ng isang kamay ang mga aktibo o kaya’y mga nasa sirkulo pa ng larangan na nagpapahalaga sa pagpapalaya ng sambayanan sa pamamagitan ng sining dahil nakakalungkot isipin na pulos kaglamoran at kasosyalan lang ang naiisip at ginagawa ng mga taga-industriya kahit na manaka-nakang tumututol sa mapang-aping sistema.
Hindi dumating si Vilma Santos bilang presentor samantalang nakabalandra na ang kanyang pangalan sa mga pahayagan at patalastas. Ayon sa mga taga-Mowelfund, umoo si Vilma subalit sa mga huling sandali ay nagbago ang kanyang isip dahil umano sa gusot at away sa pamilya Recto nang dahil sa pulitika.
Matatandaan na nangampanya si Senador Ralph Recto sa Pampanga at nasabi niyang ang kanyang asawa ang magiging kauna-unahang gobernadora ng lalawigan ng Batangas, isang bagay na nakarating kay Ricky Recto, ang bise-gobernador ng probinsiya. Nag-alburoto agad si Ricky at sinabing nakapilay sa ulirat ng mga Recto ang pahayag ni Ralph. Ayaw makompromiso ni Vi sa kanyang opisyal na sasabihin kung siya ay bubulaga sa bulwagan ng Aliw Theater dahil iuumang tiyak sa kanya ng mga TV reporter na tulad nina Mario Dumaual at Lhar Santiago ang kanilang mike para makuha ang reaksiyon ni Santos sa kontrobersiya o kaya naman ay itatapat ng mga taga-radyo ang kanilang tape recorder o cellphone para mahagip ang soundbites ni Vi o kaya naman ay handa ang mga lapis, ballpen at papel ng mga peryodista para isulat ang bersiyon sa isyu ng aktres. Gayunman, hindi naman natagalan ay nagpahayag din si Vilma na kung masisira lang ang angkan ng Recto ay hindi na siya kakandidatong gobernadora. Sa maikling salita, umiwas si Vilma.
Wala rin sina Lorna Tolentino, Rudy Fernandez, Maricel Soriano, Marianne de la Riva, Mother Lily Monteverde, Vic del Rosario, Heart Evagelista at iba pa para iabot ang tropeyo sa mga pinarangalan.
Si Boots Anson Roa—kahit nasa ICU ang kanyang asawang si Pete Roa ay aktibo sa proyekto—ang tumanggap ng award para kay Rosa; ang apo ni Rogelio na Angara ang apelyido ang kumuha ng tropeyo para sa kanyang lolo; anak ni Carmen ang umabot ng karangalan para sa kanyang ina; si Paeng Nepomuceno ang kinatawan ng pamilya para sa kanilang lolo; si Jinggoy Estrada ang representante ni Erap; si Elizabeth Poe ang tumanggap ng parangal para kay FPJ at si Dolphy ang personal na umabot ng kanya. “Sana, sa mga buhay rin ipinagkakaloob ang parangal na tulad nito,” pakiusap na ideya ng komedyante.
Pulitika ang isa sa mga nangibabaw na atmospera ng gabing ‘yon sa gitna ng sining ng pelikula. ***
Binigyan naman ng Tribung Pilipino ni Danny Dolor ang yumaong beteranong lirisista, kompositor, at musical director na si Tito Arevalo ng tribute sa National Commission for Culture and the Arts.
Mula sa Amerika ay kumanta si Sylvia La Torre ng ilang komposisyon ni Tito gayundin ang anak ng musikero na si Robert Arevalo na nagparinig ng kanyang bersiyon ng orihinal ng ama na “Minamahal, Sinasamba.”
Masayang-masaya si Danny dahil dumating si Barbara Perez; ang asawa ni Gerry de Leon na si Fely Vallejo kasama ang kanilang mga anak na si Baby, ang asawa ni Ronaldo Valdez at ina ni Janno Gibbs; at si Liberty Ilagan.
Nandoon din si Digna Santiago, ang prodyuser ng Premiere Productions; Marichu Vera-Perez Maceda ng Sampaguita Pictures at Allan Villar ng Villar Records.
Nais ng Tribung Pilipino na maiparating sa madla, lalo na sa kabataan, ang ambag ni Tito sa musikang Pilipino. ***
Kontrobersiya naman ang dulot ni Kris sa mamamayang Pilipino nang siya ay maospital dahil sa pangangaliwa ni James Yap. Nang dahil sa stress ay nagpasugod si Kris sa pagamutan dahil anim na buwan na nga naman ang nasa kanyang sinapupunan pero nang marinig at makita niya sa TV screen na magsasalita na si Hope, ang babaing kinahumalingan ng kanyang asawa, nataranta ang aktres.
Nakalabas naman nang maluwalhati si Aquino pero patuloy ang pag-ugong ng pambababae ni James.
Aminado si Hope, dating facialist ni Dra. Vicki Belo sa Belo Medical Group sa Tomas Morato. Isa sa mga kliyente ng Belo si Kris at madalas magpa-facial si Yap sa lugar na ‘yon. Doon nagkamabutihan ang basketbolista at ang katuwang ni Vicki.
“Huwag ninyo akong husgahan. Mahal na mahal ko si James. May nangyari na sa amin. Hindi ko alam na kasal na pala sila ni Kris. Walang mawawala sa kanila pero sa akin, marami,” pahayag ni Hope.
Kaya nagpasya ang dilag na magtrabaho na lang sa ibang bansa.
Pero gaano katotoong may ibubulgar naman ang isang kolehiyala na siya ay naanakan ni James?
Abangan! balik sa itaas |