Taon 6 • Blg 08 • Pebrero 28, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 23, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Ang Ulat Alston

Ang panimulang ulat ni UN Rapporteur Philip Alston hinggil sa kanyang imbestigasyon sa extrajudicial na pamamaslang sa Pilipinas ay nagpapatunay na wasto ang posisyon ng mga pamilya ng mga biktima at masigasig na mga taguyod ng katarungan tulad ng Karapatan, aktibistang mga organisasyon ng mga mamamayan at samu’t saring lokal at pandaigdigang grupo at institusyong pang-akademiko, propesyunal at mananampalataya. Sa kabuuan, ayon kay G. Alston, ang extrajudicial na pamamaslang ay totoo, matimbang ang bilang at epekto, at gobyerno ang responsable sa “halos todo-libreng klima ng pamamaslang” kung kaya ang mga mamamatay-tao ay walang pananagutan sa mga krimen at ang patayan ay nagpapatuloy nang walang hadlang.

Ang ulat ng UN ay isang mahapding tuligsa sa tuluy-tuloy na koro ng pagtanggi ng pangulong de facto na si Gng. Macapagal-Arroyo, matataas na opisyal ng Gabinete na bumubuo sa Cabinet Oversight Committee on Internal Security (COC-IS), at ng mga pinuno ng militar at pulisya tungkol sa suliranin ng extrajudicial na pamamaslang at sa nakapailalim at posible nitong mga sanhi.

Idiniin ni G. Alston na “Ang epekto ng kahit kaunting pamamaslang na tulad ng iniuulat ay mapanira sa maraming paraan. Sinisindak nito ang marami sa mga taga-civil society, sinasabi nito na ang lahat ay nanganganib maliban sa may matitinding koneksiyon, at labis nitong minamaliit ang pampulitikang pag-uusap na napakahalaga sa pagresolba sa mga suliraning nakamulaga sa bansang ito.”

Dagdag dito, direktang tinanggihan ni G. Alston ang paliwanag ng gobyerno na ang pamamaslang ay una, propaganda lamang ng CPP-NPA at ng kanilang “prenteng mga organisasyon”. Ikalawa, na gawa-gawa lamang ang mga ito at sa gayon ay labis na pinalaki. Ikatlo, na mga ito ang “pagpupurga” sa hanay at sa loob ng kilusang komunista. At ikaapat, na ang iilang kasong maisisisi sa AFP ay ginagawa ng tinatawag na “masasamang elemento” at sa gayon ay hindi nagdidiin sa buong establisimiyentong militar.

Malinaw niyang itinuro ang establisimiyentong militar kaugnay ng mayorya ng pamamaslang. Sinita niya ang kawalan ng kakayahan ng sistema ng batas para magbigay ng katarungan, na nakaugat sa pagkabigo ng gobyerno na magsagawa ng epektibong imbestigasyong pampulisyang dapat ay humantong sa aktuwal na paghahabla at pagpaparusa sa mga maysala.

Tila hindi kinagat ni G. Alston ang linyang pilit inilalako ng gobyernong Arroyo: Na dahil sa isang matigas at matagal nang insurhensiyang komunista – na may sopistikado at masaklaw na imprastruktura ng pampulitikang suporta mula sa baseng masa nito sa kanayunan hanggang sa mga sentrong urban, kasama na ang mismong Kongreso – kung kaya kailangan ang patakaran ng paghihigpit, o lubusang pag-aalis, ng “lehitimong espasyo para sa maka-kaliwang mga grupong pampulitika.”

Wasto niyang binanggit na samantalang “ang sistemang party-list at pagpapawalambisa sa Anti-Subversion Act ay hindi binabawi ng Kongreso… ang sangay ehekutibo, na hayagan at masiglang tinutulungan ng militar, ay mapagpasyang nagmamaniobra para ikutan ang dalawang lehislatibong desisyon sa pamamagitan ng paghadlang sa mga grupong party-list at paglalagay sa alanganin ng kanilang karapatang kumilos nang malaya.”

Tinanggap ni G. Alston na habang ang gayung mga aksiyon ay maaaring “…binalak na hindi kasama ang dahas, may mga kasong ang mga ito, tiyak sa lokal na antas, ay humantong sa pamamaslang nang extrajudicial laluna sa mga hindi maabot ng mga prosesong legal.” (Ibig sabihin: Dahil ang gobyerno ay hindi makapagsampa ng angkop na mga kasong legal laban sa mga hindi armado’t hayag na mga aktibista, may katwiran itong gumamit ng extrajudicial na pamamaslang para permanenteng wakasan ang matagal nang suliranin ng subersiyon at suporta sa rebolusyunaryong armadong pakikibaka.)
Kagulat-gulat na pinansin ng ulat ni Alston na “ang pagdami ng pamamaslang na extrajudicial nitong huling mga taon ay maisisisi, sa ilang bahagi sa minimum, sa pagpihit ng estratehiyang kontra-insurhensiya…” Sa partikular, “sa ilang lugar, ang pagkabig sa mga puso at isipan ay sinasamahan ng pagtatangkang pasamain ang mga organisasyong kiling sa kaliwa at takutin ang mga lider ng gayung mga organisasyon. Sa ilang pagkakataon, ang nasabing pananakot ay rumururok sa extrajudicial na pagpatay.”

Matapos kilalanin ang mayor na positibong mga punto sa panimulang resulta, kailangan nating pansinin ang malinaw na nagbabanggaan at hindi nagtutugmang mga pahayag sa ulat. Ang matingkad ay ang mga kongklusyon hinggil sa solong pananagutan ng AFP kalakip ang madalian at kategorikal na pagpapawalang-sala sa pinakamataas na pampulitikang awtoridad. Ayon kay G. Alston, “hindi ako naniniwalang mayroong patakaran sa itaas na nakadisenyo o nag-uutos ng mga pamamaslang.” Aniya, “Malinaw ako hinggil rito.”

Walang patunay na ang pamamaslang ay inihudyat sa itaas? Para saan kung gayon ang Oplan Bantay-Laya I, ang komprehensibong planong kontra-insurhensiya na nariyan na noon pang 2002, at ang bagong OBL II na sinimulan nitong nakaraang taon? Sinasabi ni Gng. Arroyo na hindi lamang siya Presidente kundi bonafide Punong Komander pa. Si Gng. Arroyo ay hindi bihag ng militar kundi buung-buong sumasang-ayon at nagpapatibay sa tinatawag ni G. Alston na “pagpihit sa estratehiyang kontra-insurhensiya” na siyang nagluwal ng extrajudicial na pamamaslang.

Kawalan ng pananagutan ng mga kriminal? Bakit hinahayaan ni Gng. Arroyo ang establisimiyentong militar na maging arogante sa pagtugon sa mga akusasyon ng paglabag sa mga karapatang pantao? Bakit walang seryosong imbestigasyon ng pulisya pero may direktang pagtanggi at pagtatakip? Bakit binigyan ng mabilis na promosyon ni Gng. Arroyo ang mga katulad ni Heneral Palparan, huwag nang sabihin pa ang pagtatangi sa kanya sa State of the Nation Address, masaganang papuri at malinaw na pagsang-ayon sa kanyang kontrobersiyal na mga pamamaraang kontra-insurhensiya?

Ang Task Force Usig at Komisyong Melo ay hindi pagpapakita ng mabuting motibo ni Gng. Arroyo sa pagtugon sa mga alegasyon kundi mabagal na reaksiyon sa lumalawak na pagtuligsa sa maruming rekord sa karapatang pantao ng kanyang gobyerno. Ang layunin ng mga ito ay tulungang pagtakpan ang pananagutan ng rehimeng Arroyo sa pampulitikang pamamaslang sa pamamagitan nga ng pagsasagawa ng engrandeng panlilinlang sa pagtatayo ng diumano’y “independiyente at makapangyarihang komisyong imbestigatibo”. Ang Komisyong Melo ay hindi umani ni katiting na tiwala at kumpiyansa ng mga nakaligtas sa pamamaslang at ng pamilya ng mga pinaslang.

Ang paglalabas sa publiko ng ulat ng Komisyong Melo dahil sa pagigiit ng kinatawan ng European Union at ng UN Rapporteur ay patunay na ang pinakakapani-paniwala at dramatikong mga bahagi ng ulat ay inilabas nang mas maaga para lamang sa mga layuning pampropaganda. Alalahaning ginamit ni Gng. Arroyo ang press release ng Palasyo tungkol sa ulat ng Komisyong Melo para ulitin ang kasinungalingang ang extrajudicial na pamamaslang ay labis na pinalaki at CPP-NPA ang nasa likod ng mga ito.

Sinita ni G. Alston ang militar sa “halos todong pagtanggi sa tungkulin nitong tumugon nang epektibo at makatotohanan sa matimbang na bilang ng pamamaslang na kapani-paniwalang isinisisi sa kanila.” Nakaligtaan niya na ang buong rehimeng Arroyo, simula kay Gng. Arroyo mismo, ang lubos at absolutong tumatanggi sa katotohanan.

Nakakapanghinayang na ang Ulat Alston ay kinapos sa pagtukoy sa mga sanhi ng pamamaslang kung kaya, tulad ng hula ng isang nakaligtas sa death squad, mas marami pang pamamaslang ang malamang na maganap. Nasa kamay na ng mga mamamayang Pilipino ang mapagpasyang pagpigil sa mga ito sa pamamagitan ng pagwawakas sa rehimeng Arroyong suportado ng US, na siyang tunay na utak ng patakarang extrajudicial na pamamaslang ng estado.

Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 23-24 Pebrero 2007

nauna | balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006