| Pag-aalis ng maskara ng kababaihang Pilipino Napansin ba ninyo,
mga mare, na lagi na lang
tayong nakangiti’t nakatawa maski sa gitna ng napakahirap na sitwasyon. Nakangiti nating inirereklamo ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang batayang bilihin. Nakatawa nating inilalahad kung paanong halos malunod sa noodles o magkanda-ubo sa toyo o asin na inuulam sa kanin ang ating buong pamilya.
Ngiti at tawa, iyan ang ating paraan para pagaanin ang ating problema. Kung hindi natin aaliwin ang ating sarili, baka nga naman tayo maloka sa dami ng isyung ating kinakaharap.
Ngiti at tawa, iyan mga mare, ang maskarang ating isinusuot para itago ang ating pagdadalamhati, ang ating galit at sama ng loob sa kahirapang pilit na ipinapatanggap sa atin ng mga lider ng kasalukuyang pamahalaan. Sabihan ba naman tayong umuunlad ang ekonomiya, hindi nga lamang ito nararamdaman ng mga nasa ibaba na para bang ang pagiging manhid ang tunay nating problema.
Ang paggawa ng maskarang magpapakita sa kanilang tunay na saloobin, ng totoong nangyayari sa araw-araw nilang buhay, iyan ang pinagsikapang gawin ng mga babaing sumama sa mask-making workshop ng Gabriela at ng iba pang grupo ng kababaihan.
At mga mare, kitang-kita na ibinuhos nila ang kanilang mga damdamin sa mga maskarang kanilang nilikha. May mga maskara ng kalungkutan dahil laging walang sapat na pagkain ang kanilang mga anak. May mga maskara ng pagkadismaya dahil walang regular na trabaho para sa kababaihan. At marami ang maskara ng pagkagalit dahil sa pang-uutong ginagawa ni Gloria laluna’t kaugnay ng tunay na lagay ng ekonomiya.
Sa isang malikhaing pamamaraan, naipakita rin ng mga babae ang mga isyung bumabagabag sa kanila. Nandiyan ang karahasan laban kababaihan at ang kanilang simpatya’t pakikiisa kay “Nicole” at pagtuligsa sa presensiya ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas. Meron ding mga nagtalakay ng ginagawang panggagatas ng administrasyon sa kababaihang migrante habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo sa bansa. At marami ang nagtuon ng pansin sa pagpaslang sa mga mare nating nakikipaglaban para sa karapatan ng kababaihan at mga mamamayan.
Higit sa lahat, mga mare, ipinakita ng mga maskarang kanilang ginawa ang mapanlabang mukha ng kababaihang Pilipino, ang kanilang matatag na paninindigang ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng kababaihang Pilipino. Kanilang ipinamukha sa pamamagitan ng mga maskarang nilikha na ang kanilang mga ngiti’t tawa ay hindi tanda ng pagtanggap sa kanilang kinahinatnan, ng pagkatalo sa labanan, kundi ng kanilang lakas ng loob na sagupain ang anumang hadlang sa pag-unlad nila at ng kanilang pamilya.
Kaya mga mare, malugod namin kayong inaanyayahan sa isang produksiyon na magpapakita ng mga maskarang likha ng ating mga mare. Ito ay gaganapin sa ika-anim ng Marso, ala-sais hanggang alas-nuwebe ng gabi, sa Amoranto Stadium sa Quezon City. Sa araw na ito, sabayan natin ang ating mga mare sa pagsusuot ng mga maskarang magtatanggal sa ilusyon at maling paniniwalang ang babaing Pilipino ay matiisin at nananatiling martir na nagsasawalang kibo na lamang sa gitna ng pang-aapi’t pagsasamantala. nauna | balik
sa itaas | sunod |