Lansangan bilang lunsaran
Dito sa Pilipinas, ang lansangan ay hindi
lang simpleng daanan.
Pinagkukunan ito ng kabuhayan ng mga taong desperadong kumita. Sari-saring bagay ang ibinebenta sa mga motorista’t naglalakad sa bangketa – diyaryo, sigarilyo, basahan, laruan, sampagita at kahit birheng dalaga para sa isang hayok sa laman.
Pagsapit ng gabi, ang lansangan ay nagsisilbi ring tirahan para sa mga taong walang matulugan. Ang bangketang dating daanan ng mga tao ay nagiging pansamantalang tahanan ng mga pamilyang ang konsepto ng bubong at dingding ay pinagtagpi-tagping karton at kahoy.
Dahil sa kalidad ng mga materyal na ginamit nila para sa kanilang bahay, nagiging matingkad ang kabulukan ng pundasyon at estrukturang dapat na nagbibigay-proteksiyon sa mga nakatira rito. Umaasa ang pamilyang nasa loob ng mga pinagtagpi-tagping karton at kahoy na hindi bibigay ang bahay – kung bahay mang matatawag ito – kahit sa magdamag lamang.
Pero nakaamba ang posibilidad ng paggambala sa mapayapang pagtulog dahil ang estrukturang itinayo ay likas na mabuway. Kailangang patuloy na bantayan kung may bibigay ba sa mga itinayong dingding at bubong. At kung sakali mang tumagal ang estruktura sa magdamag, hindi pa rin kayang lubusang makapagpahinga ang pagod na katawan dahil sa lamig ng sahig na hindi naiibsan ng maninipis na karton o kahoy, lalo na sa paglalim ng gabi na kung saan dapat ay mahimbing na ang tulog.
Maaari ring maalimpungatan sila sa pagtulog kapag sapilitan silang pinapaalis ng mga taong ang konsepto ng pag-aari ay kasama ang lansangan at bangketang nasa tapat ng kanilang bahay o establisimiyento. Ang mga taong ito ay hindi nakikinig sa katuwiran at wala sa bokabularyo nila ang awa. At dahil sila’y kinikilalang “nakatataas” dahil sa taglay na yaman, nakakaya nilang ariin ang mga lansangan at bangketang hindi naman sa kanila.
Para sa kawawang pamilyang walang materyal na yaman, mabilis silang napapaalis sa lansangan. Pero ang mga sasakyang nakaparada sa lansangan at nakabalandra sa dinaraanan ng mga motorista, hindi basta-basta nagagalaw, lalo na ang mga mamahaling modelo at may pulang plaka.
Mapapansing hindi naman ganito ang kaso sa ibang mga lansangang napakaluwag at napakalinis. Wala ang anarkiyang dulot ng lakas-loob na pagsalubong sa mga nakahintong sasakyan ng mga gusgusing bata’t matatandang nagpapalimos o nagbebenta ng kung anu-ano. Hindi rin siksikan ang mga bangketa dahil ang mga nagtitinda, kung mayroon man, ay hindi nakaharang sa dapat na daanan.
Ang mga ganitong napakagandang lansangan ay malapit sa mga lugar na kinaroroonan ng opisina’t bahay ng mga nasa kapangyarihan at iba pang “nakatataas” sa lipunan. Pinapanatili nila ang ilusyon ng kaayusan sa mga lansangan dahil mas nagiging kapani-paniwala ang mga retorika nila ng kaunlaran at kapayapaan.
Kung wala sa bokabularyo ng mga katulad nila ang awa, hindi na nakakagulat na iba rin ang konsepto nila ng hustisya. Nasa kanila ang kapangyarihang itakda ang mga alituntuning dapat sundin, at sa konteksto ng lansangan ay nangangahulugan itong pagtatanggal sa mga tao’t bagay na sa tingin nila’y masakit sa mata. Ito ang hustisya para sa kanila, at hindi na nila pinoproblema kung saan na pupulutin ang mga taong tinanggal nila na kadalasa’y sapilitang ginagawa.
Ang ganitong tunggalian sa lansangan ay repleksiyon ng kontradiksiyong nangyayari sa lipunan. Totoong ang mga problemang kinakaharap ng nakararaming mga mamamayan ay nagresulta sa iba’t ibang gamit ng lansangan na dapat sana’y simpleng daanan lang ng mga sasakyan.
Dahil sa tensiyong dulot ng tunggalian, ang lansangan ay nagsisilbi nang lunsaran ng protesta. Tulad ng gobyerno, may sarili na rin itong parlamento at ang mga mamamayang pinagkaitan ng karapatang mabuhay nang mapayapa ay nagsisilbing hukom. At ang kanilang hatol: Maling mali ang pagpapaalis sa kanila sa mga lansangang napilitan nilang pagkunan ng ikabubuhay at gamitin bilang tahanan.
Ang parlamento ng lansangan ay lumilikha ng sariling trapiko na pansamantalang nakagagambala sa paglalakbay ng mga motorista. Para sa mga nakakaramdam ng gutom at iba pang hirap sa buhay, kailangang intindihin kung bakit kailangang mangyari ang mga pagkilos na ito. Pero ang mga nasa kapangyarihan ay ginagawa ang lahat para ang ilusyong itinataguyod nila ay isiping katotohanan ng lahat. Hindi sila nagdadalawang-isip na gamitin ang puwersa – pagbabanta, pananakit at kahit pagpatay – para lang manahimik ang mga mulat sa tunay na kaayusan, hindi lang ng lansangan kundi ng buong lipunan.
Kaya sa ating pagbiyahe sa mga lansangang inaari ng “nakatataas” at “nakabababa” sa magkaibang dahilan – ang una ay dahil sa ilusyon at ang ikalawa ay dahil sa desperasyon – suriin natin ang nasa likod ng pamamalimos at pagbebenta. Hindi nila kailangan ng awa kundi ng pang-unawa. Tulad ng mga pansamantalang tirahan sa bangketa sa pagsapit ng gabi, nagiging mabuway ang haligi ng lipunan dahil hinahayaan ng mga nasa kapangyarihang magpatuloy ang ganitong kaayusan.
Ang lansangan ay nagsisilbing alternatibong lunsaran at ang mga lumalahok dito ay may iisang karanasan ng pagkakait at panggigipit. Iba’t ibang babala ang makikita sa mga lansangan, pero sa pamantayan ng “nakabababa,” iisang babala ang pinakaimportanteng isapuso ng lahat: “Huminto, Tumingin at Makinig.”
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |