| Kahalagahan ng ‘docket fee’
Kung naranasan na
ninyong magkakaso, at sa
kasamaang palad ay natalo ang inyong kaso, maaring pinayuhan kayo ng inyong abogado na huwag na lamang basta tanggapin ang pagkatalo. Maaring sinabi niya na dalhin ang kaso sa Court of Appeals o di kaya ay sa Korte Suprema.
Sa nasabing mga korte ay may tinatawag na “docket fee”. Ito ang halagang dapat bayaran upang tanggapin nila ang inyong kaso. Paano kung hindi kayo nakapagbayad ng “docket fee”?
Ganito ang nangyari sa kasong “Leopoldo V. Mendoza vs. Court of Appeals and Mechandizing Inspection Company, Ltd.”, G.R. No. 148505, Pebrero 20, 2007.
Isang manggagawa itong si Leopoldo. Ayon sa kanya, hindi na siya binigyan ng trabaho ng kanyang kompanya dahil aktibo siya sa unyon. Dahil dito, nagsampa siya ng kasong “constructive dismissal” laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Itinatwa ng kompanya ang akusasyon ni Leopoldo. Ayon sa kompanya, si Leopoldo ang nagpakita ng kawalan ng interes sa kanyang trabaho at kusang hindi na pumunta sa opisina. Sa desisyon ng Labor Arbiter, pinaniwalaan nito si Leopoldo. Hinatulan niyang nagkasala ng “illegal dismissal” ang kompanya at inutusan itong bayaran ng “back wages” at “separation pay” si Leopoldo.
Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kompanya. Binaliktad naman ng NLRC ang hatol at ipinanalo ang kompanya. Sa desisyon ng NLRC, walang batayan ang reklamo ni Leopoldo.
Nagpasya si Leopoldo na dalhin ang kaso sa Court of Appeals. Naghain siya ng petisyon sa Court of Appeals para pawalan ng bisa ang desisyon ng NLRC. Sa kasamaang palad, ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon ni Leopoldo. Simple lamang ang dahilan ng Court of Appeals: hindi nabayaran ni Leopoldo ang “docket fee” na kailangan sa kanyang kaso.
Inakyat ni Leopoldo sa Korte Suprema ang kanyang kaso. Sinabi niya na hindi dapat naging mahigpit ang Court of Appeals sa pagtanggap ng kanyang kaso. Binanggit niya na pinadala niya ang halagang pambayad sa “docket fee” sa pamamagitan ng “registered mail”. Ganu’n pa man, hiningi niya na bigyan siya ng muling pagkakataon para magbayad ng “docket fee”.
Hindi nakumbinsi ang Korte Suprema sa mga paliwanag ni Leopoldo.
Maliwanag sa batas na ang hindi pagbayad sa “docket fee” ay isa sa mga batayan upang ma-dismiss ang iyong kaso, sabi ng Korte Suprema. Walang karapatan ang husgado upang tanggapin ang iyong petisyon hangga’t hindi mo nababayaran ang “docket fee,” paliwanag nito.
May mga pagkakataong niluluwagan ng husgado ang patakaran sa “docket fee”. Ngunit nangyayari lamang ito kung may magandang dahilan kung bakit hindi nakabayad. Kabilang sa mga dahilang ito ay ang mga pangyayaring hindi natin maiwasan o labas sa ating kontrol.
Sa kaso ni Leopoldo, wala siyang naibigay na magandang katuwiran sa hindi niya pagbayad nito. Ang sinasabi niya na ipinadala niya ito sa pamamagitan ng “registered mail” ay hindi kapanipaniwala. Kung totoong nabayaran na niya ito, bakit pa siya hihingi ng pagkakataon para magbayad pang muli? Maliwanag na nagpapalusot lamang si Leopoldo, puna ng Korte Suprema.
Ano ang aral na mapupulot natin sa kasong ito?
Una, kung nagkataong may ihinain tayong petisyon sa Korte Suprema o sa Court of Appeals, siguraduhin na bayad ang “docket fee”.
Kung wala tayong pambayad, huwag magpalusot o gumawa ng anumang mababaw na dahilan. Sabihin natin sa korte ang totoo. Ayon sa batas, ang isang taong walang kakayanang magbayad ng bayarin sa husgado ay maaaring humiling na ituring siyang “pauper litigant”. Ang sinumang madeklarang “pauper litigant” ay hindi na kailangang magbayad ng “docket fee” at iba pang bayarin sa husgado.
Kung ganito ang ginawa ni Leopoldo, maaaring naiwasan niya ang sinapit ng kanyang kaso. balik sa itaas | sunod |