Taon 6 • Blg 08 • Pebrero 28, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 23, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Diwa ng Edsa: Sino ang tunay na kahiya-hiya?

SA TALUMPATI ni La Gloria sa ika- 21 anibersaryo ng unang Pag-aalsa sa Edsa, tahasan niyang sinabi na “kahiya-hiya na ang mga Pilipino sa mundo” kung magkakaroon ng isa pang edisyon ang nasabing pangyayari. Aniya pa, kung magaganap muli ang pag-aalsang katulad noong 1986 at 2001, kokondenahin na ng pandaigdigang komunidad ang Pilipinas dahil hindi matatag ang gobyerno’t pulitika nito.

Kakatwa. Sa bunganga niya na nakinabang sa pag-aalsang bayan noong 2001 (na kawangis ng naganap na pag-aalsa noong 1986) namutawi ang ganoong bokadura. Kunsabagay, puna ng ilang mapagmasid, kung nakakuwintas sa iyo ang iba’t ibang kontrobersiyang maaaring ipag-alsang muli ng diwa at damdaming makabansa ng taumbayan, aapuhapin mo nga ang kahit anong pangangatwirang magsasalba sa sariling katawan.

Naririyan ang hindi matapus-tapos na tanong tungkol sa sinasabing pandaraya noong eleksiyong 2004; ang paggamit diumano sa pondong pangkalusugan ng mga migrante’t magsasaka at pondo sa abono para makaungos sa halalan; ang pagkamahal-mahal na Diosdado Macapagal Boulevard; ang Naia 3; ang nawawalang pondo ng mga empleyado ng gobyerno sa Government Service Insurance System; ang labis-sa-presyong modernisasyon ng mga riles ng Philippine National Railways; at iba pang bintang ng katiwalian at pangungulimbat sa kabang-yaman ng bayan.

At — idagdag pa ang daloy ng dugo sa sariling mga kamay bunga ng malupit niyang “giyera kontra-terorismo.” Sa kanyang gobyerno isinisingil ang mahigit sa 800 buhay na kinitil at 190 kaluluwang hindi malaman kung nasaan. Mismong ang pandaigdigang komunidad ang nagsasabing dapat siyang managot sa naturang mga krimen, sampu ng kanyang mga alipures na nagkrokis ng makahayop na Oplan Bantay-Laya.

Sabi pa ng mga mapanuri, hindi totoong ang sambayanan ang nagpapahapay sa sistemang pampulitika sa Pilipinas kundi ang mismong nakaluklok sa poder at mga basalyo niya. Siya na numero-unong umangkin ng kapangyarihan ang lalo pang nagpapabulok sa gobyerno at sa buong lipunang Pilipino. Kung kaya ayaw ni La Gloria ng panibagong Edsa ay dahil siya mismo, wala nang iba, ang puntirya nito. Aligaga siya na ang nagpabagsak kina Ferdinand Marcos at Joseph Estrada ay siya ring magpapabagsak sa kanya. Sa Edsa’y multo ang nakikita ni La Gloria.

Hindi totoong buong mundo ang aayaw sa pag-aalsang katulad ng naganap noong 1986 at 2001 na nagpatalsik sa mga rehimeng sukdulang tiwali, kundi ang mga dambuhalang kapitalista at pulitiko sa musoleong nakatirik sa pusod ng Washington, DC. Mahigit 20 taong sinuportahan ng US ang gobyernong Marcos, at mahigit dalawang taon ang gobyernong Estrada – para lamang iwaksing walang iniwan sa nakapapasong patatas nang dumaluyong na ang protesta ng muhing taumbayan sa hindi mahulugang-karayom na Edsa.

Tanong nga ng karaniwang mga mamamayan, mayroon bagang magrereklamo kung maayos ang patakbo ng gobyerno? Wala nga naman. Ang taong walang ipagpoprotesta, hindi magmamartsa sa Edsa. O sa Malakanyang. O sa embahada ng Amerika. Ngunit palibhasa’y batbat ng krisis ang bansa, aburido sina Juan at Maria. At ang diwa ng Edsa’y nariyan, lagi’t laging nagpapaalala sa dapat nilang tuparing higit pa sa 1986 at 2001: Bangon sa pagkakabusabos…

Buweno, kung ayaw ni La Gloria na magkaroon ng panibagong Edsa, hayo na nga’t sundin ang kanyang dalangin. Maaari namang ganapin, at marahil ay mas angkop nga, na ang pag-aalsang bayan ay mag-alimpuyo kung saan humahantong ang daang nanunulay sa Mendiola. Kagila-gilalas man kung saan hinuhugot ni La Gloria ang kanyang postura, hindi natin ikamamangha ang kahahantungan ng mga gaya niyang takot sa diwa ng kasaysayang likha ng sambayanan.
Sa malao’t madali ay magkakaalaman kung sino ang tunay na kahiya-hiya.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006