Palasyo di aapela sa CGFNS
Noel Sales Barcelona
WALA TALAGANG balak
iapela ng Palasyo ang
naging desisyon ng CGFNS (United States Commission on Graduates of Foreign Nursing Schools) na huwag tanggapin ang mga nars na nakapasa sa kontrobersiyal na pagsusulit noong Hunyo 2006 bagaman tuloy pa rin ang PRC (Professional Regulations Commission) sa gagawin nitong pakikipagdiyalogo sa CGFNS para bawiin ang naunang desisyon nito.
Mismong si Atty. Sergio Apostol, tagapayong legal ng Malakanyang ang nagsabing “walang rason ang Palasyo para umapela sa CGFNS dahil ang naging desisyon nito ay nakabatay sa umiiral na batas sa Estados Unidos.”
Pinayuhan pa ni Apostol ang mga nars na nakapasa sa eksaminasyon noong Hunyo 2006 na kumuha na lamang muli ng pagsusulit. Para ito aniya tuluyan silang makapasok sa US bilang mga nars bagaman maaari rin naman silang kumuha ng trabaho sa ibang bansa na hindi kinakailangan ang lisensiya mula sa CGFNS.
Kasabay nito, nagsumite na ng borador ng isang kautusang ehekutibo (executive order) si Sek. Arturo Brion ng Paggawa o Dole (Department of Labor and Employment) sa Pangulo na nagmamando sa lahat ng mga umeksamen noong Hunyo 2006 na muling kumuha ng pagsusulit para sa kanilang lisensiya.
Sa naturang kautusan, mismong ang Dole, sa pakikipagtulungan ng Board of Nursing ng PRC, ang mamamahala pagpapa-eksameng muli sa mga nars na nakapasa noong Hunyo 2006.
Nananatili naman ang paninindigan ng Health Student Association, ang organisasyon ng progresibong mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralang medikal at pang-nars, na hindi ang pagpapaeksameng muli ang lulutas sa suliranin hinggil sa pandarayang nagaganap tuwing may ganitong uri ng eksaminasyon.
Anila, dapat na papanagutin ang mga pangalang natukoy sa imbestigasyon na naging daan para madaya ang eksaminasyon. Dapat din na kilalaning hindi pribilehiyo kundi isang karapatan ang edukasyon na patuloy na inaabandona ng gobyerno, anila pa.
balik sa itaas | sunod |