Sa pamamaslang
US dapat managot
Noel sales Barcelona / Soliman A. Santos
MAYSALA
rin ang US
sa krimen
laban sa mga progresibo at sibilyan na nabiktima ng Oplan Bantay-Laya ni Gng. Macapagal-Arroyo, ayon kay Joel Maglungsod nominado ng Anakpawis, pangkalahatang kalihim din ng KMU (Kilusang Mayo Uno) Labor Center.Sinabi ni Maglungsod na ipokrito si Embahador Kristie Kenney ng US at hindi totoo ang ipinapakita nitong pagkabahala sa lumalalang kaso ng pagpaslang sa mga aktibista sa bansa.
“Alam ng taumbayan na ang retorikang ibinoboka ni Gloria (Arroyo) hinggil sa paglaban diumano sa terorismo ay nakapadron lamang sa sinabi ni (George) Bush noong maganap ang insidenteng 9/11 bago ang pananalakay ng tropang US sa nagsasariling mga bansa,” ani Maglungsod.
“Katunayan, mismong gobyerno niya (Kenney) ang naglulustay ng milyun-milyong dolyar para lamang makapaglunsad ng giyera laban sa mga sibilyan sa iba’t ibang bansa at maingat na nagpaplano sa pagdurog sa mga organisasyong lumalaban sa mga di-makatuwirang patakaran na ipinatutupad nito (US),” anya pa. Hinuha ni Maglungsod, dahil lamang sa pandaigdigan at lokal na presyur kaya nagpalabas ng gayong pananalita si Kenney.
Sinabi naman ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilsang Magbubukid ng Pilipinas, bagamat tinatanggap nila ang panawagan ng US na itigil ang pamamaslang hindi naman umano dapat kalimutan na ang US mismo ay sangkot sa mga pamamaslang sa iba’t ibang bahagi ng mundo, partikular na sa Iraq at Afghanistan.
“Naniniwala kami na dapat may moral ascendancy ang isang bansa o institusyon sa paglalabas ng pahayag sa mga seryosong usapin tulad ng pulitikal na pamamaslang,” ani Ramos.
Hinala ni Ramos, naghuhugas lamang ng kamay ang US sa mga pamamaslang. “Anim na taon nang nagaganap ang pamamaslang, bakit ngayon lamang nagsalita ang embahador ng US? Takot ba silang makita na maaaring sangkot din ang US sa pamamaslang?” Tanong ni Ramos.
Kasabay nito, hinamon ng dalawa si Kenney na agad ipahinto ang nagaganap na pagsasanay Balikatan sa Mindanaw at maging ang susunod pang mga ehersisyong pangmilitar. Hamon ng Anakpawis maging ang pagsuko sa pangangalaga kay Lance Cpl. Daniel Smith, na nanggahasa sa 22-anyos na Pinay na si “Nicole” sa Subic noong Nobyembre 1, 2005. Mga Kandidatong senador hinamon ng Bayan
Samantala,hinamon ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) ang mga kumakandidatong senador mula sa oposisyon at administrasyon na kondenahin ang mga pampulitikalang pamamaslang at mga may kagagawan nito.
Hinamon ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, ang mga kandidato na gawin ang lahat ng kanilang magagawa para matigil na ang pamamaslang na ginagawa umano ng militar.
Sinabi pa ni Reyes na ilang kandidato pa lamang ang nagsalita tungkol sa pamamaslang at nananatiling tahimik at walang pakialam ang iba pa.
Nagbabala ang Bayan na hindi dapat ipagkibit-balikat ng mga kandidato ng administrasyon ang pampulitikalang implikasyon ng mga pamamaslang.
balik sa itaas | sunod |