Kiray sa kapitalismo
U.Z. Eliserio
"Beautiful mornings served everyday” ang bagong tagline ng McDonald’s. Ano’ng nangyari’t pati magandang umaga’y nakabase na sa iyong kakayahang bumili? ‘Pag pumasok ka kahit sa mga fast food restaurant, ngingitian ka’t babatiin ng mga empleyado. Pagkatapos mong kumai’y magpapasalamat sa iyo at aayain kang bumalik. Ngunit mawawala lahat ng ito kung wala kang pera. Pera ang nagpapatakbo sa ating lipunan. Hindi na mahalaga ang mga tao bilang tao. Kailangang ang tao’y mapagkikitaan.
Sa ganitong sistema hindi na nakapagtataka ang pagkanta ng mga bata ng “No Touch” sa Goin’ Bulilit noong Pebrero 5. Gag show ito sa ABS-CBN, pero ano ba ang nakakatawa sa mga 9 hanggang 11 anyos na mga lalake at babae na umiindayog sa “Pahipo naman. Pahawak naman. ‘Di na kita matsansingan”? Isa sa kanila’y si Kiray, kulot ang buhok at morena. Sa maraming episode ng Goin’ Bulilit, siya ang tampulan ng insulto. “Pangit” kasi si Kiray, sa istandard ng patriyarkal at kontra-Pilipinong lipunan, kaya s’ya ang gumaganap na biyenan, o multo, o kaya’y iwinawaksi ng mga lalake (na pilit pa ring naghahabol). Ito’y pang-aabuso sa bata, na naglalantad sa pagiging ipokrito ng Channel 2, na ipinagmamalaki ang kanilang misyon ng pagsasalba sa proyektong Bantay Bata at Gawad Kalinga.
Sa kapitalismo, hindi nakikita ng isang manggagawa ang kanyang relasyon sa buong proseso ng produksiyon, kaya hindi n’ya natatanto na wala ang sistema kung wala siya. Hindi natin nakikita ang ating mga sarili bilang manlilikha, kundi bilang mamimili na lang. Sintomas nito ang pagtutunggali ng Kapamilya (Channel 2) at Kapuso (Channel 7). Ito na ang paraan ng iyong pagbibigay-kahulugan sa buhay, sa iyong identidad: ano ang iyong channel na tinatangkilik? Ano ang iyong kinokonsumo? Wala na tayong awtentikong komunidad, wala na tayong organikong relasyon sa isa’t isa. Kaya nga ngingiti, sasayaw at magpapalait ako sa iyo, basta merong pera.
Tutal, nabanggit na ang McDonald’s, magtungo naman tayo sa Jollibee. Kamakailan kinanta ko sa aking mga estudyante ang “Sabado Song,” iyong “Isang tulog na lang, Jollibee na naman. Ang araw lulubog, bukas mabubusog…” Mangilan-ngilan lang ang nakakilala sa awit. Paano’y laos na. Sino naman ang aalala sa isang ad? Ngunit sa kapitalismo, lahat nagiging ad. Halimbawa, ang ating mga damit at pantalon, dapat prominente ang brand para maipagmalaki. Sa telebisyon, hindi lang sa pagitan ng mga palabas kundi sa loob mismo, merong ad. Sa pelikulang Feng Shui, na dapat ay horror, nasira ang dating nang magbenta si Kris Aquino ng Purefoods Chunky corned beef. Sa radyo naman, kung saan napakaimportante ng boses, sa iisang tinig nagbabalita at nagbebenta ng Liveraid si Mike Enriquez.
Ngunit kung ang kultura nati’y kultura ng ad, hindi tayo magiging buo bilang bayan. Kung ako ay maka-Ginebra at ika’y maka-Alaska, mas madali tayong masasakop. At, sa totoo lang, hindi nga ba’t sakop naman tayo? Kaninong mga pelikula, kaninong mga sapatos, kaninong paraan ng pamumuhay ang ating gustung-gusto? Kung dumating na nga ang ating kinakakatakutan at papakialaman ang ating Konstitusyon, maaari nang ariin ng mga dayuhan ang lupa sa Pilipinas nang isang daang porsiyento! Mayroong magsasabi: kailangan natin ng mga banyaga para sa puhunan! At iyon na nga, bumabalik tayo sa kung ano nga ba ang kahulugan ng pagpalit ng dangal at dignidad para sa pera. Nakalimutan kasi natin na wala ang mundong ito kung wala ang ating lakas-paggawa, na tayo ang lumilikha ng mundo. Nakikita na lang natin ang ating mga sarili bilang binibili at mambibili.
Parating na ang eleksiyon, at katulad ng dati’y pare-pareho ang mga kandidato: mga balimbing, mga trapo, mga artista - mga taong sa sobrang kapal ng mukha, hindi pa simula ng kampanya, nakikita na natin ang propaganda sa telebisyon at kalsada. Pagpunta mo sa McDonald’s o Jollibee, puwede kang pumili ng Coke o Sprite, pero hindi ng Pepsi. Paano, bago ka pa man pumili, may pumili na para sa iyo. At ganito rin ang takbo ng mga eleksiyon sa Pilipinas, parang multiple choice exam na ang A, B, C at D ay mali lahat. Ngunit ang esensiya ng Leninistang kalayaan, ayon sa pilosopong si Slavoj Zizek, ay hindi ang pagpili sa napagpilian na, kundi sa pagpili ng pagpipilian. O, sa ibang salita, hindi tayo dapat manatili sa lebel ng maka-Arroyo o maka-Estrada ba ang ating pipiliin. Ang tanong ay: pagkaalipin ba o kalayaan? “Beautiful mornings served everyday” ba o kasarinlan? Tubo o tao? Kiray—o rebolusyon?
balik sa itaas
| sunod |