Suara:
Boses ng sambayanang Moro
Kenneth Roland A. Guda
WALANG PATID na pananakop at panggigiyera. Eksploytasyon at pagpapabaya. Diskriminasyon. Ilan lamang ito sa pinakamatitinding suliraning kinakaharap ng mga mamamayang Moro. At sa pagsikat at paglubog ng mga administrasyon, nagpatuloy at lumala ang mga ito.
Kauna-unawa, marahil, kung mahirap nang makumbinsi ang mga botanteng Moro sa bisa ng halalan.
“Napakatagal nang walang sapat na representasyon ang sambayanang Moro sa pamahalaan, pati na sa Kongreso,” paliwanag ni Zaynab Ampatuan, pangkalahatang kalihim ng Suara Bangsamoro, isang partido-pulitikal na tumatakbo sa halalang party-list. Batid ni Ampatuan ang mahaba at mapait na karanasan ng mga Moro, at maging ng Lumad o katutubo ng Mindanaw, sa kamay ng mga pamunuang nagpabaya at nagkanulo sa kanila. Hanggang sa kasalukuyan, tahimik pa rin ang mga aklat ng kasaysayan sa tunay na panunupil at pagsasamantala sa Moro ng mga nagdaang mananakop. Kahit ang kaganapang naghudyat sa kilusang mapagpalaya ng Moro noong dekada ’70 – ang masaker sa mga Moro ng militar ng diktador na si Marcos sa Corregidor noong Marso 18, 1968 na tinaguriang Jabidah Massacre – ay hindi pa rin itinuturo sa mga paaralan.
“Ganito pa rin ang nagaganap sa kasalukuyan,” sabi ni Ampatuan. Katunayan, ang kanyang partido, ang Suara Bangsamoro, ay unang itinatag bilang tugon sa nakakaalarmang kakulangan ng boses ng pagkondena sa kampanyang “all-out war” ni Pangulong Estrada noong 2000. At nang pumalit si Pangulong Arroyo ay nagdeklara ito ng sarili niyang “all-out war” laban sa Moro noong 2001 at 2003. “Kita at dama namin ang epekto ng bawat madugong deklarasyong ito pero tila iilan lamang sa mga mambabatas, halos wala nga, ang kumondena noon.”
Sa loob ng panahong ito, nagtipun-tipon ang maraming grupo at lider ng Moro para itatag ang Suara. Nakita nila ang pangangailangan ng isang partido na magiging boses ng mga mamamayang Moro sa Kongreso. Sa hanay ng masa
Mula nang itatag ang Suara, determinado silang patunayang bukod-tangi ang partido sa iba pang mga grupong tumatakbo sa halalan at nangangampanya sa mga komunidad ng Moro at Lumad. Noong 2004, sa panayam ng PINOY WEEKLY kay Amirah Ali Lidasan, pangalawang tagapangulo ng Suara, sinabi niyang simula’t sapul ay ipinakita ng nasabing partido na hindi lamang ito panghalalan kundi pangmatagalan.
“Bagaman hindi sila umaasang magbabago agad ang kalagayan ng Moro, nakita nilang kaiba ang Suara sa tradisyunal na mga partido-pulitikal,” paliwanag noon ni Lidasan. Ito ay pagkat sa bawat miyembro na nirerekluta nito, inililinaw ng mga coordinator at organisador na hindi namimigay ng pera ang Suara tulad ng ibang grupong mahilig sa “dole-out” (pamumudmod ng perang limos na walang iniwan sa suhol).
“Kumikilos ang aming coordinators sa di ‘tradisyunal’ na paraan… Nakikita nilang seryosong maglingkod ang Suara dahil nauuna pa nitong hinihingi ang komitment ng bawat miyembro kaysa mag-alok ng benepisyong makukuha sa paglahok dito,” sinabi pa ni Lidasan.
Kuwento naman ni Ampatuan, noong una’y may mga komunidad na hindi mainit ang pagtanggap sa Suara. “Hindi sila satisfied sa klase ng mga datihang pamumuno na nakasanayan nila, kaya hindi sila agad nagtitiwala,” kuwento ni Ampatuan.
Ngunit nagpursigi ang mga organisador ng Suara na patunayang seryoso sila sa paglilingkod. Sa loob ng maikling panahon, naging boses ang Suara ng ordinaryong mga mamamayang pinagkakaitan ng karapatan, ng mga pinagbibintangang “terorista” kahit walang batayan, ng mga inabuso’t tinatakot.
“Sa Cotabato City at North Cotabato, noong una, ang impresyon sa atin ay panay na lamang ang pagrarali,” ani Ampatuan. Ngunit nang maganap ang sunud-sunod na pagdukot ng militar sa mga sibilyan na pinagbibintangang miyembro ng Abu Sayyaf noong 2006, tanging Suara ang naging sandigan nila. Suara ang nag-ingay sa publiko. Suara ang umayuda sa mga kaanak ng mga biktima. At Suara rin, siyempre, ang nanguna sa mga protesta at pagkondena.
Sa napakaraming pagkakataon, kinatawan ng Suara sa publiko ang mga biktimang Moro. Aktibo nilang tinuligsa ang mga proyektong nanghihimasok sa mga komunidad ng Moro. Nilabanan nila ang walang humpay na militarisasyon, at pagtugis sa MILF (Moro Islamic Liberation Front) at MNLF (Moro National Liberation Front). Pati ang inosenteng mga sibilyan na di-makatarungang ipiniit sa Kampo Bagong Diwa at nadamay sa pagsalakay ng pulisya noong 2005. At, nitong huli, ang pagdukot at pananakot sa mga sibilyan na pinagbibintangang Abu Sayyaf. Leksiyon sa eleksiyon
Noong 2004, nakipagsapalaran ang Suara Bangsamoro sa halalang party-list. Ayon sa kalkulasyon ng mga lider nito, nakakuha ang Suara ng sapat na boto para makapagpaupo ng isang kinatawan sa Kamara. Ngunit naging biktima diumano ito ng pandaraya.
Kung paniniwalaan ang “Hello Garci” tapes, o ang mga rekord ng usapan ni Arroyo at Commission on Elections Commissioner Virgilio Garcillano noong Mayo 2004, Mindanaw ang naging puntirya ng pandaraya. Paliwanag ni Ampatuan, napatunayan ito ng Suara, sa laki ng nabawas na boto sa kanila.
“Naging biktima kami ng dagdag-bawas,” ani Ampatuan. Sa opisyal na bilang ng Comelec, nakakuha ang Suara ng 164,000 boto. Ngunit paliwanag ni Ampatuan, higit na mas marami pa ang aktuwal na bumoto sa partido.
“Maraming boto ang Suara na hindi nabilang pagdating sa canvassing. Kasama rito ang 37,000 na hindi ibinilang sa Cotabato, pati ang 37,000 na ipinagkait sa amin sa Basilan,” sabi pa niya. Isama pa riyan ang pagsasagawa ng canvassing sa loob ng mga kampo ng militar sa Cotabato at iba pang bahagi ng ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao). Kung susumahin, mahigit 200,000 boto sana ang nakuha ng Suara, sapat na sapat para makaupo ang isang kinatawang Moro sa Kamara.
“Pero natuto na kami sa karanasang ito. Mas magiging mahigpit ang pagbabantay namin. May inaalyado kaming mga lider-Moro na makakatulong sa pagmamatyag sa dayaan,” sabi ni Ampatuan.
At kung dayain man, sinisiguro ng Suara na mahihigitan nito ang nakuhang boto noong 2004. Matapos mabigo sa halalan, ipinagpatuloy ng mga organisador at coordinator ng partido ang lalong pagpapalawak, pagtatatag ng mga tsapter, at pagrerekluta ng mga miyembro.
Sa kasalukuyan, ani Ampatuan, posible nang magtarget ng tatlong kinatawan ang Suara. Tiwala siyang dahil sa ipinapakitang komitment ng Suara, susuklian ito ng mga mamamayan ng malakas na suporta. “Ramdam nila at tiwala silang magiging boses nila ang Suara sa Kamara.”
Maging ang gobyernong Arroyo, batid ang lumalakas na impluwensiya ng Suara. Noong idineklara ang Proklamasyong 1017, kabilang ang partido sa mga binansagang “prente ng komunista”. Panahon iyon nang mapabalita ang tangkang pag-aresto sa ilan sa kanilang mga lider. Magmula noong 2006, marami rin sa mga miyembro nila ang dumanas ng panghaharas, ang ilan pa’y dinukot.
Masasabing tanda ito na nagiging epektibo ang Suara sa pagbibigay-kapangyarihan sa ordinaryong mga mamamayang Moro at Lumad. At sa pagsapit ng halalan, umaasa silang ipapakita ng kanilang masa ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagboto sa partidong kabalikat nila sa kanilang buhay-at-kamatayang mga pakikibaka.
Pangkalahatang programa
ng Suara Bangsamoro |
1. Igiit ang karapatan ng Bangsamoro sa pagpapasya sa sarili sa pamamagitan ng pagwasak sa mapanupil na mga batas at programa na yumuyurak at nagkakait ng batayang mga karapatang pantao ng mga mamamayang Moro;
2. Itaguyod ang isang ekonomiyang nagsasarili sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga programa para sa repormang agraryo, sustenableng pag-unlad sa pamamagitan ng makatotohanang industriyalisasyon, at paglaban sa pagsasamantala sa ating mga yaman ng makapangyarihang mga puwersang pang-ekonomiya;
3. Palakasin ang pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng Bangsamoro at mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagsagawa ng kolektibong mga aksiyon sa magkakatulad na mga problema at hangarin;
4. Magsagawa ng mga programa at mekanismo na tutugon sa patuloy na sapilitang pagpapaalis sa mga mamamayang Moro sa kanilang lupain, at pagpigil sa pagsasamantala at panghihimasok sa mga lupain at yamang Bangsamoro;
5. Itaguyod ang mga inisyatiba na mangangalaga sa panlipunang kagalingan ng mga mamamayang Moro na lumipat na isa iba’t ibang bahagi ng bansa at ibang lugar ng trabaho;
6. Magpunyagi para sa pagkakamit ng kapayapaan na nakabatay sa panlipunang katarungan sa pamamagitan ng pagsuporta sa usapang pangkapayapaan na tutugon sa ugat ng armadong tunggalian, at magsagawa ng mga diyalogo na mag-uugnay sa mga Moro at Kristiyano, at magsagawa ng mga proyekto at programang inter-faith at inter-people;
7. Itaguyod ang batayang karapatang pantao at kalayaan ng mga mamamayang Bangsamoro, at siguruhin ang katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag sa kanilang karapatang pantao;
8. Itaguyod at paunlarin ang kulturang Bangsamoro para palakasin ang pagkakaisa sa mga Kristiyano at iba pang etnikong mga mamamayan;
9. Itaguyod ang makatarungang patakaran sa relasyong internasyunal na independiyente at makakabuti sa Bangsamoro at kabuuang mga mamamayang Pilipino; itaguyod ang pagkakaisa sa iba pang grupong Islamiko at bansa, at manindigan at gumawa ng hakbang laban sa imposisyon ng pampulitika at pang-ekonomiyang mga interes ng mga dayuhang mga kapangyarihan na sumasalaula sa interes ng malawak na masa ng iba’t ibang mga mamamayan at lahi.
|
| Sulyap sa Moro |
1 Ang populasyong Moro sa Pilipinas ay tinatayang walo hanggang 10 porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa. Ibig sabihin, ang bilang nila ay mula sa walo hanggang mahigit 10 milyon.
2 Ang populasyong Moro ay nahahati sa 13 grupong etno-lingguwistiko, na karamihan ay matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanaw. Sa islang ito, 20% sila ng populasyon. Ang tatlong pinakamalaking grupo ay ang Magindanao ng Pulangi River Basin (Gitnang Mindanao), Maranao ng Lanao Lake (Gitnang Mindanao) at Tausug ng Jolo (Sulu). Sa kasalukuyan, mayorya ng Moro ay konsentrado sa Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi. Sa Luson at Kabisayaan, ang Moro ay nakatira kadalasan sa mahihirap na pook sa mga nayon at lungsod.
3 Mga kolonyalistang Kastila ang unang tumawag sa kanila na “Moro” dahil ayaw nilang pasakop, gaya ng mga Muslim na kalaban ng Kastila sa Mauritania at Morocco. “Pirata” at “bandido” ang unang pakahulugan sa “Moro.”
4 Itinuloy ng mga kolonyalistang Amerikano ang patakaran ng pagtugis sa Moro bilang “masasamang tao.” Sa patakarang ito, mula 1902 hanggang 1914, may 20,000 Moro ang pinatay ng mga Amerikano. Ang “kasalanan” ng Moro: pagtatanggol sa kanilang lupang kinakamkam ng mga dayuhan.
5 Ang pakikibaka ng sambayanang Moro ay nagpatuloy kahit na diumano’y pinalaya na ng Amerika ang Pilipinas noong 1946. Ang naging esensiya ng kanilang pakikibaka ay pagtatanggol sa lupa at sa karapatan sa pagsasarili.
6 Isinilang ang rebolusyonaryong mga organisasyong Moro noong dekada ’70. Kinaharap nila ang walang patlang na operasyong militar na naging sanhi ng mga masaker gaya ng Jabidah at Pata Island Massacre.
7 Sa ngayon, buong giting na nilang inaangkin ang pangalang Moro at Bangsamoro o Sambayanang Moro bilang pagpapatuloy sa tradisyon ng pakikibaka para sa lupa, buhay at mga kalayaan.
8 Kumpara sa pambansang average, halos doble ang bilang ng mahihirap sa Autonomous Region of Muslim Mindanao, na kinabibilangan kalakhan ng Moro. Tinatayang umaabot lamang sa P15,760 kada taon ang kita ang bawat indibidwal rito.
balik sa itaas |
balik sa itaas | sunod |