| Nagmula sa Malaysia
at nakarating sa Pilipinas
sa pamamagitan ng
islang Borneo ang Malayan Black Bug (MBB) ayon sa pag-aaral ng Masipag (Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura) , isang pambansang samahan ng mga magsasaka, mga non-government organization at mga siyentista.
Likas na naaakit sa liwanag ang MBB. Aktibong umaatake ang magulang na MBB nang tatlong linggo o mahigit. Pinakamarami at pinakamalaking pinsala naman ang nagagawa ng nimpa na tumatagal ng anim na linggo habang isang linggo ang itinatagal ng itlog nito.
Ayon pa sa Masipag, hindi natural na peste sa Pilipinas ang MBB, wala rin itong natural na kaaway kung kaya’t walang paraan upang masugpo ang mabilis na pagdami nito. Umaatake ito pitong araw bago, sa panahon, at matapos ng kabilugan ng buwan.
Pero sa obserbasyon ng mga magsasaka, kapag malaki ang populasyon nito ay umaatake kahit wala sa panahon. Ilan pa sa sumusunod ang mga obserbasyon- kung ang lupa ay inihahanda sa pamamagitan ng rotavator, ang natirang mga nimpa ng MBB ay gumagapang patungo sa katabing palayan; nililimliman ang mga itlog ng babaing MBB; maaaring maging pagkain ng MBB ang mga “ratoon” ng palay. Napag-alaman din na ang peste ay uri ng insektong sumisipsip kaya mas malaki ang pinsala ng mga ito kung nasa ibabang bahagi lamang ng halaman.
Ayon pa sa grupo, kung mayroong 20-25 MBB bawat tudling o 500 MBB bawat metro kuwadrado, mayroong limang milyong MBB sa isang hektarya ng palayan.
Unang nakapaminsala ang peste sa Timog ng Palawan noong 1982. May mga naiulat ding pag-atake sa Zamboanga, Bikol, at Sorsogon noong 1992 at sa Midsayap, Libungan at Tinglawan sa Cotabato noong 1996. Sa sumunod na taon, naging pangunahing peste naman ito sa Tulunan at Malang sa Hilagang Cotabato at nakarating din hanggang sa dulong bahagi ng Negros at Leyte.
May mga aral namang nalikom hinggil sa karanasan ng mga magsasaka sa pagsugpo sa MBB. Ilan dito ang sabay-sabay na pagtatanim, paglilipat-tanim ng palay pagkatapos ng kabilugan ng buwan, pagsasabog ng binhi imbes na lipat- tanim, o kaya’y pagpapa-iga sa palayan limang araw bago ang kabilugan ng buwan. Karanasan din ang pagpatay sa itlog ng MBB sa pamamagitan ng pagbaha sa palayan o di kaya’y ang paggamit ng klase ng palay na malakas ang resistensiya laban sa MBB katulad ng M31, M11, M30-10-1B, M48-2-2, M35, M5-BD, M30, San Pablo, M45-1, Red Borong, at Abra White. May mga “light trap” din na ginagawa ang ilang magsasaka laban sa MBB. Kailangan din ang lubusang paggamit ng naging natural na mga kaaway ng MBB kagaya ng Hawaiian Bullfrog, Lynx Spider, egret o malabun-ak at tagak.
Sa pagsugpo ng pesteng ito, mahalaga rin na magkaroon ng karagdagang tradisyunal na klase ng palay upang makapamili ng mas maresistensiyang klase ang mga magsasaka. Gayundin, dapat na magpasa ang barangay ng ordinansa o programa na araruhin ang sakahan sa loob ng 7-14 araw pagkatapos ng anihan upang sirain ang tahanan ng MBB.
Ayon pa sa Masipag, magandang mag-alaga ng bibe upang makatulong sa pagkontol ng MBB. Kung magsasabog ng binhi sa palayan, kailangang magkaroon ng estratehiya upang makontol ang damo na maaaring makatulong sa pagkontrol ng MBB. At higit sa lahat, mahalaga na mag-eksperimento upang makatulong sa pananaliksik hinggil sa mapanirang insektong ito. balik sa itaas
|