Lobong nagdamit-tupa Napakatumbalik, na
habang ang buong mundo,
kabilang ang mga mamamayan ng Estados Unidos, ay nagigising na sa Malalaking Kasinungalingan ng administrasyong Bush hinggil sa “giyera kontra terorismo”, ang mga Pilipino ay patuloy na pinapalamon ng rehimeng Arroyo ng nasabing kasinungalingan. Ang totoo, kinukumpleto ng huli ang pagratsada sa tinatawag na Anti-Terrorism Bill (ATB) na resulta ng litaw na pagla-lobby at pambabraso ng matataas na opisyal ng gobyernong Bush. Nagpatawag si Gng. Arroyo ng dalawang araw na espesyal na sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa ratipikasyon ng panukala upang agad niya itong mapirmahan at maging batas.
Ang administrasyong Bush, na pursigidong igitgit ang solong dominasyon ng US sa ekonomiya, pulitika at militar sa mundo, ay nagsamantala sa kahindik-hindik na mga pangyayari ng 9/11 para lumikha ng malawakang pagkapraning (paranoia) sa “terorismo” (o sa tinawag nitong “terorismo”) at lumikom ng bulag na suporta sa ibinabando nitong “giyera kontra terorismo,” na ang totoo’y isang imperyalistang giyerang terorista.
Sa proseso, nagpadaloy ito ng daang bilyon sa pinapaborang mga kontraktor sa military-industrial complex. Pinakawalan nito ang dogs of war sa di-makatarungang pagsakop, paghahari at pagwasak sa Afghanistan at Iraq. Pinagtibay nito ang mapanupil na mga batas katulad ng Patriot Act (Pinagkakaisa at Pinalalakas ang Amerika sa pamamagitan ng Pagbibigay ng Angkop na mga Kagamitan na Kailangan para Harangan at Hadlangan ang Terorismo) at Military Commissions Act ng 2006. At todo-todong nanagasa sa pandaigdigang mga pamantayan ng karapatang pantao at humanitarian law sa pagpayag sa paggamit ng tortyur at hindi makataong pagtrato sa mga bilanggong inaakusahan ng “terorismo” at sa pagkakait sa kanila ng batayang mga karapatan para ipagtanggol ang sarili sa hukuman.
Sa pagpapataw ng itim-o-puting tipo ng pampulitika at pangmilitar na kampihan (na ang ibig sabihin ay “alinman sa kakampi namin kayo o kalaban”), ang US ay nanlinlang, nang-akit, at sa totoo’y nagbanta sa buong mundo na sumama o sumuporta sa mga giyera nito ng agresyon at interbensiyon sa pagpapanggap na naglulunsad ng walang-hangganan at walang-katapusang giyera kontra “terorismo.”
Sa totoong kontekstong ito natin nasasaksihan ang pagsasabatas sa ating bansa ng “Human Security Act of 2007” o “Batas na Nagsasanggalang sa Estado at Nagtatanggol sa mga Mamamayan mula sa Terorismo” na naglalayong manlinlang at magtakip hinggil sa di-makataong katangian at layunin ng batas.
Ang naunang mga bersiyon ng panukalang batas ay lantad na mga piraso ng pasistang lehislasyon na malinaw na insulto sa mga karapatang sibil, pampulitika at pantao ng mga mamamayan, kaya hindi makatindig sa isang senadong sa kalakhan ay oposisyonista (huwag nang banggitin pa ang mangilan-ngilang senador na pumuposturang tagapagtanggol ng karapatang pantao). Ang bicameral na panukalang batas na ito, gayunman, ay sinasabing tinanggalan na ng pangil kaya hindi na mapanganib.
Mariin kaming tumututol. Ang ATB na kating-kating maipasa ni Espiker de Venecia sa kanyang pamumuno at atat na atat na mapirmahan ni Gng. Arroyo ay isang lobo na nagdamit-tupa. Sa madaling salita, ang panukalang batas ay naglalatag ng legal na batayan para sa hindi deklaradong batas militar o pagbabalik ng pasistang diktadura na nagkukunwang bahagi ng “giyera kontra terorismo” na pinangungunahan ng US. Ang sinasabing mga safety net laban sa abuso na isiningit ng dating mga kalaban ng batas ay walang silbi at hungkag.
Ang ATB ay maaari pa ring gamitin ng rehimeng Arroyo at ng mga tauhan nitong militar at pulisya para ipagbawal at supilin ang lahat ng legal na paglaban at pagtutol sa pamamagitan ng unilateral na pagdedeklara na ang mga ito ay “terorista” batay sa gawa-gawang mga intelligence report at pahayag ng mga pekeng saksi. Gagamitin din nila ang batas para suportahan sila kapag pinagpapalit-palit nila ang mga katawagang “rebelde” at “terorista.” Sa isang bigwas, maipipinta nilang demonyo ang mga rebelde at mapagmumukhang isang bungkos ng walang puso’t kamuhi-muhing mga kriminal ang isang rebolusyunaryong armadong kilusan na may hindi maitatangging kasaysayan ng paglaban sa pasistang diktadurang Marcos at pakikibaka para sa komprehensibong pampulitikang programa ng mga batayang reporma.
Dahil ang ebidensiya ng “nagbabantang” teroristang atake ay madaling imbentuhin ng militar o pulisya, sinumang pinaghihinalaan ng rebelyon o insureksiyon – na, siya nga pala, ay itinuturing na mga aksiyong terorista sa Sek. 3 ng panukalang batas – ay maaaring idetine nang walang taning sa utos ng isang opisyal na pangmunisipyo. May masamang gawi pa naman ang militar at pulisya ng pagbibigay ng maling babala tungkol sa New People’s Army at/o mga rebeldeng Muslim na sasanib sa mga rali at demonstrasyon para maghasik ng takot. Sa ganito magagamit ang ATB bilang dagdag sa kasalukuyang mga batas hinggil sa mga arestong walang mandamiyento ng pinaghihinalaang mga rebelde – na inabuso na sa napakahabang panahon tulad sa kilalang kaso ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran.
Itinuturo ng mga abogadong pangkarapatang pantao at mga taguyod ng mga kalayaang sibil ang kasuklam-suklam na mga probisyon ng batas kontra-terorismo. Kasama na ang mapanganib, dahil malabo at masaklaw na pakahulugan ng “terorismo,” na halos pinapalis na ang lehitimong mga protesta at winawasak ang mga prosesong pangkapayapaan sa rebolusyunaryong kilusang komunista at Muslim para sa pambansang pagpapalaya. Gayundin ang pagtatakdang ilegal ang mga organisasyong idineklarang “terorista” ng isang Anti-Terrorism Council na pamumunuan ni Gng. Arroyo at siniksik ng sagadsagaring mga militarista at pasista sa kanyang Gabinete. Kasama rin ang pinatindi at walang pinipiling wiretapping na mag-aalis sa mga garantiyang konstitusyonal sa privacy at maghahantad sa mga kritiko at lumalaban sa gobyerno sa di- makatarungang pang-uusig at pampulitikang panggigipit.
Bakit nagmamadaling ipasa ang batas bago ang eleksiyon? Bukod sa dagdag-karangalan ito para sa pangkating Arroyo-de Venecia – na parehong sabik na paligayahin ang kanilang mga tagasuporta sa US habang humaharap sa isang problematikong eleksiyon – naniniwala kaming ang pasistang batas na ito ay inihahanda para sa inaasahang buwelta laban sa tinatanaw na sistematiko at lansakang pandaraya ng administrasyong Arroyo sa darating na halalan sa Mayo.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World,
16-17 Pebrero 2007
nauna
| balik sa itaas |