Taon 6 • Blg 07 • Pebrero 23, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 16, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Kahirapan at RA 9208

Dalawang menor de edad na babae ang na-rescue sa isang bar sa Cabuyao, Laguna noong isang linggo, mga mare. Sila raw ay bibigyan ng trabaho bilang serbidera o waitres sa San Pablo, sabi ng nag-recruit sa kanila. Pero sila ay ginawang GRO sa isang bar sa Cabuyao. Buti na lang at may isang customer na nagpagamit ng kanyang cellphone upang ma-kontak ang kanilang mga magulang. At iyon ang naging daan upang sila ay ma-rescue.

Binigyan daw naman niya ng trabaho ang dalawa, sabi ng kanilang recruiter. Kaya ano ang masama sa kanyang ginawa?

Anumang dahilan ang kanyang ibigay, sex-trafficking pa rin ito at maliwanag na paglabag sa RA 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act, pagkakasalang lalong pinabigat ng pagiging menor de edad ng dalawang biktima. Siya ang nagrekrut sa dalawang menor de edad at ang nagdala sa kanila sa Cabuyao upang maging GRO. Gumamit din siya ng panlilinlang upang sila ay pasamahin sa kanya ng mga magulang. Kung masusunod, mga mare, ang Seksiyon 10 ng Anti-Trafficking in Persons Act, ang rekruter ng dalawa ay maaaring makulong ng 20 taon at pagmultahin ng isa hanggang dalawang milyong piso.

Dalawa lamang, mga mare, ang mga menor de edad na ito sa maraming nagiging biktima ng trafficking kada taon. Noong 2006, isandaan apatnapu’t anim na batang na-trapik ang naitala ng DSWD. Isandaan dalawampu’t lima rito ay babae. Dagdag pa rito ang tatlumpu’t walong kababaihang natrapik na naproseso rin ng DSWD.

Tiyak mas marami pa ang hindi naitatalang kaso ng trafficking dahil tinanggap na lang ng mga biktima ang kanilang mapait na sinapit o kung sila man ay makatakas ay hindi na lang sila kumikibo. Marami sa kanila ay sa ibang bansa dinadala kaya walang pagkakataong magsumbong man lamang. Mas marami ang nagdedesisyong tiisin ang sinapit dahil kailangan ng kanilang pamilya ng pera at wala naman silang makukuhang trabaho rito sa Pilipinas.

Sa totoo lang mga mare, hangga’t sobra ang hirap ng buhay sa ating bansa, mahirap pigilan ang trafficking ng ating kababaihan at mga bata laluna para sa prostitusyon. Sa kabila ng ipinagmamalaki ng ating pamahalaang pag-unlad ng ekonomiya, halos isa sa bawat apat na Pilipinong kabilang sa lakas-paggawa ng bansa ang naghahanap ng trabaho dahil wala silang trabaho o ang kanilang kita sa kanilang kasalukuyang trabaho ay hindi sapat sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ang ganitong sitwasyon, mga mare, ay matabang lupa upang lalong dumami ang madaling maloko ng mga rekruter at upang dumami ang masasamang rekruter. Kaya huwag tayong magtaka kung dadami pa ang katulad ng dalawang menor de edad na kababaihang na-rescue sa isang bar sa Cabuyao.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006