Para sa isang magtatapos sa kolehiyo
Isang buwan na lang at matatapos na ang
ikalawang semestre. Malapit ka nang lumaya
sa apat na taong “pagkakabilanggo” sa kolehiyo. Haharapin mo na ang hamon ng sinasabi mong “tunay na mundo.” Sa tingin mo, handa ka na ba?
Ngayon pa lang, pinag-iisipan mo na kung saan ka magtatrabaho. Simple lang naman ang mga pamantayan mo: Alin bang kompanya ang handang magbigay ng mataas na suweldo? Ano ba ang pinakamalapit sa bahay para makatipid sa pamasahe?
Sa iyong pagbabasa ng classified ads sa diyaryo, hindi mo na masyadong iniisip kung kaya mo ba ang trabahong kursunada mo. Sa isang banda, madali namang matutunan ang mga bagay-bagay kaya hindi na bale kung malayo sa tinapos mong kurso ang posisyong aaplayan mo. Alam mong kailangang magkaroon kaagad ng trabaho dahil ikaw na ngayon ang inaasahan ng pamilya mo. Hindi nagpakahirap ang mga magulang mo para ka lang tumambay buong maghapon!
Bukas ka sa posibilidad na magtrabaho na lang sa ibang bansa dahil hindi hamak na mas mataas ang kikitain doon. Totoong napakahirap maghanap ng trabaho dito sa Pilipinas. Kung makapasok ka man, baka mababa pa sa minimum ang ipasuweldo sa iyo. Hindi mo rin sigurado kung magiging permanente ka sa trabaho matapos ang limang buwan. Tandaan mo, inaasahan ka ng pamilya mo kaya hindi ka puwedeng maghintay sa kawalan.
Kung susuriin ang datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong 2005, umabot sa halos 2,700 Pilipino ang umalis araw-araw para makipagsapalaran sa ibang bansa. Tinataya namang may 2.6M Pilipino ang walang trabaho noong Oktubre 2006, ayon sa Labor Force Survey ng National Statistics Office (NSO). At para sa mga may trabaho noong panahong iyon, halos kalahati sa kanila ay may klasipikasyong own-account (12.1M) at unpaid family worker (4.3M).
Bagama’t ang tinatawag na wage and salary workers ay umabot sa 16.8M, alam mong hindi garantiya ng disenteng pamumuhay ang pagkakaroon ng regular na suweldo dahil sa sobrang liit ng natatanggap kumpara sa mataas na presyo ng mga bilihin, bukod pa sa kawalan ng kaseguruhan sa trabaho.
Ganyan kahirap ang buhay rito sa Pilipinas at malinaw sa iyo ang reyalidad na ito. Hindi ba’t kahit sa murang edad ay naramdaman mo ang kagipitan sa pera ng mga magulang mo sa mga pagkakataong hindi ka mabigyan ng baon? O sa mga okasyong hindi makabayad ng mga tumataas na bayarin sa eskuwelahan?
Pero sa kabila ng napakaraming balakid, pinilit ng mga magulang mong makapagtapos ka. Kaya nga ang pangako mo ngayon sa sarili, gagawin mo ang lahat para makatulong sa kanila. Iaangat mo sila sa kahirapan para maramdaman man lang ng nanay at tatay mo ang kaunting ginhawa sa buhay.
Nararapat lang na tumulong ka pero kinakailangan ding isakonteksto ang karanasan mo sa pinagdaanan at patuloy na pinagdaraanan ng mga kababayan natin. Alam mong hindi ka nag-iisa sa mga paghihirap na dinaranas mo, at kung tutuusi’y medyo nakakaangat ka nga kumpara sa napakaraming kabataang hindi man lang nakatuntong sa kolehiyo.
Ayon mismo kay Education Secretary Jesli Lapus sa isang pagdinig ng Senado noong Enero 2007, sa bawat 100 batang pumasok sa Grade 1, 66 lang ang umabot sa Grade 6; 58 sa First Year High School; 23 sa unang taon ng kolehiyo; at 14 lang ang nakapagtapos sa kolehiyo.
Malinaw na karamihan sa kabataan ay napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay. Sa katunayan, inamin mismo ni Lapus na may 200,000 batang anim na taong gulang (o walong porsiyento) ang napagkaitan ng pormal na edukasyon. Idinagdag din niyang sa 2.6M batang pumasok sa Grade 1, mahigit sa 800,000 sa mga ito ay hindi nakatapos ng Grade 6.
Mahirap paniwalaang “masuwerte” ka pa sa karamihan sa kabataang hindi man lang naranasang mag-aral sa kolehiyo. Hindi na kailangang ulitin ang katotohanang matindi ang krisis na kinakaharap natin ngayon.
Totoong kailangan mong tulungan ang iyong pamilya, pero hindi ba’t nararapat ding ang mga katulad mong nakapagtapos sa kolehiyo ay tumulong para mabago ang kasalukuyang kaayusan?
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |