| Paglilinaw sa ‘fixed-term employment’
Kailan ba legal ang
tinatawag nating “fixed-period” o “fixed-term” employment? Kung ang manggagawa at ang kompanya ay pumirma sa isang kontrata kung saan may taning ang pagseserbisyo ng manggagawa sa kompanya, maari bang alisin ng kompanya ang manggagawa sa trabaho pagdating ng taning? May habol ba ang manggagawa sa kompanya kahit may hangganan o taning sa kontrata niyang pinirmahan?
Sa kasong “Noelito Fabela et. al. vs. San Miguel Corporation, G.R. No. 150658, February 9, 2007” ay tinalakay ng Korte Suprema ang usaping ito.
Nagtrabaho si Noelito at kanyang mga kasama sa San Miguel Corporation bilang mga “relief salesman”. Pumirma sila sa isang kontratang pinamagatang “Contract of Employment with Fixed Period”. Pagkatapos i-renew ang kanilang kontrata nang ilang beses, umayaw na ang kompanya. Sa madaling sabi, nawalan ng trabaho sina Noelito.
Nagsampa ng demandang illegal dismissal sina Noelito laban sa kompanya. Bilang depensa, binanggit ng kompanya ang kontratang pinirmahan nina Noelito na nagtatakda ng hangganan sa haba ng kanilang pagtatrabaho. Ayon sa kompanya, wala talaga itong intensiyon na gawing regular sina Noelito. Kailangan lamang nito ang pansamantalang salesman dahilan sa pagbabago ng sistema sa pagtitinda ng kanyang produkto. Nagpalit daw ang kompanya ng sistema sa pagtitinda mula sa isang “route system” tungo sa isang “pre-selling system”. Hanggang hindi pa natatapos ang transisyon mula sa lumang sistema tungo sa bago, kailangan ng kompanya ang serbisyo nina Noelito. Ito ang dahilan kung bakit mayrong ganu’ng kontrata sina Noelito. Dahil sa tapos na ang kanilang kontrata, wala na raw habol sina Noelito.
Sa hatol ng Labor Arbiter, panalo sina Noelito. Inutusan nito ang kompanya na ibalik sa kanilang trabaho sina Noelito at bayaran ng kanilang backwages.
Nag-apela ang kompanya. Panalo pa rin sina Noelito sa National Labor Relations Commission (NLRC) ngunit pagdating sa Court of Appeals, nabaliktad ang desisyon. Pinanalo ng Court of Appeals ang kompanya.
Dinala nina Noelito ang kaso sa Korte Suprema.
Niliwanag ng Korte Suprema na ang “fixed -term employment” ay magiging legal lamang kung hindi ito ginagamit ng kompanya upang maiwasan ang kanyang obligasyon na gawing regular sa trabaho ang kanyang mga manggagawa. Ngunit kung ito ay ginagamit ng kompanya bilang isang paraan upang maiwasan ang regularisasyon sa trabaho ng kanyang mga manggagawa, ito ay ilegal at hindi dapat bigyan ng bisa.
Sa kaso nina Noelito, maliwanag na ang kanilang kontrata ay paraan lamang ng kompanya upang hindi sila magkaroon ng “regular status” sa kanilang mga trabaho, sabi ng Korte Suprema. Binabanggit ng kanilang kontrata na kailangan lamang ang kanilang pansamantalang serbisyo samantalang nasa transition period pa mula sa “route system” tungo sa “pre-selling system” ang kompanya. Ayon sa kontrata, labindalawang (12) buwan ang kailangan bago matapos ang transition period na ito. Ngunit ang nakapagtataka, sabi ng Korte Suprema, ay kung bakit ni-renew pa ng kompanya ang kontrata nina Noelito pagkalipas ng 12 buwan. Nagpapatunay ito na hindi talaga ang sinasabing pagbabago sa sistema ang dahilan ng mga kontrata.
Isa pa, ang ilan kina Noelito ay matagal nang empleyado ng kompanya bago sila pinapirma ng kontrata. Sa madaling sabi, mga regular na silang empleyado bago ginawang “fixed-period employees”. Ito ay maliwanag na patunay na ang nasabing mga kontrata ay pakana lamang ng kompanya upang hindi nila makuha ang kanilang mga benepisyo bilang regular na mga empleyado.
Dahil dito, pinawalan ng bisa ng Korte Suprema ang kontrata nina Noelito. Idineklara silang mga regular na empleyado at inutos ang daglian nilang pagbalik sa trabaho. balik sa itaas | sunod |