
Palsipikado na Namang Halalan
MULA nang magharap ng kandidatura sa
pagka-senador ang naghambalang na
mga pulitiko para sa eleksiyon sa darating na Mayo 14, ipinagsigawan na ng mga kritiko ng administrasyon na magiging higit na marumi’t madugo’t palsipikado ang Halalan ’07, lalo’t masidhi ang pagnanasa ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na mailampaso ang mga kalaban niya sa pulitika sa anumang paraan.
Sapagkat lumilitaw na pinakananais ni La Gloria na makontrol ng kanyang mga payaso’t sirkero ang mayorya sa Senado at obsesyon niyang hindi umabot ng 79 ang bilang ng mga kongresistang maaaring magtagumpay nang maisulong ang kasong “impeachment” laban sa kanya, hindi na katakatakang mamudmod siya ng kuwarta ng bayan, manggipit at manakot at mandahas ng mga kalaban, magsalamangka ng mga boto o sukdulang ibenta ang pambansang soberanya’t ipagahasa ang ekonomiya sa mapandambong at mapambusabos na dayuhang mga interes, lalo na sa diyus-diyosang mga Amerikano, kapalit ang suporta sa kanyang mga basalyos – multimilyong dolyar man o manipulasyon sa eleksiyon ng mga ahente ng CIA (Central Intelligence Agency) ng Estados Unidos na pinatunayan na ng kasaysayan sa gayong gawain sa halos lahat ng bansa sa mundo na gusto nitong mapagharian. Hindi maikakaila, parang tabak ni Damocles na nakaamba pa rin sa ulo ni La Gloria – at maaaring isang iglap na magpatalsik sa kanya sa kapangyarihan – ang umaalingasaw pa ring “Hello, Garci” na nagwasak sa kredibilidad ng kanyang panalo sa eleksiyong pampanguluhan noong 2004. Naririyan pa rin nga ang multo ng maanomalyang mga kontratang Northrail, Venable LLP, konstruksiyon ng Macapagal Boulevard, at iba pa. Nariyan pa rin nga ang pinagtatakpang “fertilizer scam” at, mga ilang buwan pa lamang ang nakararaan, bumili mula sa Tsina ng 10 X-ray na makinang pangkargamento ang Kawanihan ng Adwana o Customs sa halagang $2.5-M ang isa – at bibili pa ng 20 yunit ang kinauukulang mga “komisyoner” – kahit hindi mapaandar hanggang ngayon ng mga ekspertong mula pa sa Tsina ang naturang mga makina.
Mabigat na nakapatong pa sa kanyang ulo ang mga paratang na pagsalaula sa Konstitusyon na pinatunayan na ng mga desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga kautusan at proklamasyong ipinalabas niya noon. Idagdag pa nga rito ang paglabag ng kanyang rehimen sa mga karapatang sibil at pantao ng sambayanan na hayagang pagbasura na rin sa demokratikong mga proseso, kaya patuloy pa rin ang pampulitikang mga panggigipit at pagpatay, pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag, marahas na pagbuwag sa lehitimong mga kilos-protesta ng iba’t ibang sektor ng lipunan at pag-iral, sa maikling salita, ng mga patakaran nitong militarista’t pasista.
Sapat-sapat na nga ang mga nabanggit para hingin ng makabayan at mulat sa reyalidad na mga mamamayan na magbitiw na si La Gloria sa kapangyarihan at, batay sa kanyang naturalesa, hinding-hindi niya kusang magagawa iyon kaya – sa kabila ng marawal na pambansang kalagayan – pilit pa niyang pinababango ang lahat-lahat sa mata ng opinyon publiko at, sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga estadistika, ipinangangalandakan niyang umuunlad ang ekonomiya at bumubuti ang bansa. Hindi na nga katakataka ngayon na gawin niya ang lahat maipanalo lamang sa darating na eleksiyon ang kanyang mga basalyos na, sa kabilang banda, labis din ang paghahangad – tulad niya – na manatili siya sa kapangyarihan hanggang 2010, o habangbuhay kung maaari, dahil sa sangkatutak na grasya’t pribilehiyong parang sariwang karneng pamasak sa kanilang mga bunganga.
Natural lamang, kung gayon, na paghariin ng kasalukuyang rehimen ang iba’t ibang maruming taktikang pampulitika ngayong panahon ng eleksiyon upang makapangunyapit sa nakababaliw na poder ang mga kinauukulan. Katunayan nga, malakas ang hinalang may kamay ang Malakanyang sa pagkandidato sa pagka-senador nina Joselito “Peter” Cayetano at Theodore Aquino para basagin at mapawalang-saysay ang ibang magiging mga boto nina Alan “Peter” Cayetano at Noynoy Aquino. At, dahil nagpaimprenta pa diumano, ayon kay Sen. Panfilo Lacson – bagaman pinabulaanan ni Tagapangulong Benjamin Abalos ng Comelec — ng karagdagang apat (4) na milyong opisyal na mga balota ang komisyon, tiyak, ayon sa mga kritiko ng administrasyon, may gagawing hokus-pokus ang mga ekspertong salamangkero para maipanalo ang mga kandidato ni La Gloria.
Higit na masama, dahil sa takb ng utak ng lumilitaw na reinkarnasyon ng pulitikong si Joseph Raymond McCarthy ng Amerika – na walang iba kundi si Sekretaryo Norberto Gonzales, tagapayo ni La Gloria sa pambansang seguridad — ipinababasura pa sa Comelec ang militante’t makabayan at progresibong mga party-list, unang-una na ang Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela na biktima na ng mga pamamaslang na pampulitika. Tulad ni McCarthy noon, puno ng hakahakang nakaugaliang iparatang agad ni Gonzales na maka-Komunista o Komunista na ang gayong mga organisasyon o sinumang makabayan at nagmamalasakit lamang sa pambansang kapakanan. Nasabi tuloy ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna na “bahagi (ito) ng panggigipit at paninikil” ng rehimeng Macapagal-Arroyo upang hindi sila “makakilos ngayong panahon ng kampanya.” Batay pa nga sa dokumentong nakuha ng Anakpawis kamakailan mula sa militar, lumilitaw na gagamitin ang boto ng mga sundalo upang matalo sa eleksiyon ang naturang lehitimong mga organisasyon.
Ano pa nga ba ang bago? Hindi na rin nga katakataka na nagpatawag pa ng sesyon espesyal ng Kongreso si La Gloria (Pebrero 19-20) para mapagtibay agad ang batas kontra terorismo na magagamit pa ng Estado sa terorista nitong mga hakbang laban sa inosenteng mga mamamayan, lalo na laban sa mga kritiko ng rehimen tulad ng mga organisasyong makabayan, militante’t progresibo. Natural, regalo ito ni La Gloria kay Presidente George W. Bush ng Estados Unidos kapalit ng pinakananais niyang anumang suporta ng Amerika para maipanalo lamang ang kanyang binasbasang mga basalyos sa isang tiyak na marumi pa rin, madugo’t palsipikadong eleksiyon nang, sa gayon, hindi mapatalsik naman sa poder ang Reyna ng Malakanyang kahit manatili siyang manyikang de susi ng mga diyus-diyosan sa Washington.
balik sa itaas |