Taon 6 • Blg 06 • Pebrero 16, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 7, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTOTALINONG KANTOKOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
La Solidaridad
at alternatibong pamamahayag ngayon

Lumabas ang unang isyu ng La Solidaridad noong Pebrero 15, 1889 sa Barcelona, Espanya. Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas, alam nating ang La Solidaridad ay nagsilbing boses ng Kilusang Propaganda na pinangunahan nina Jose Rizal, Graciano Lopez-Jaena at Marcelo H. del Pilar.

Regular itong lumabas bawat 15 araw sa loob ng halos pitong taon. Ayon sa isang sanaysay ni Louie Baclagon na may titulong “La Solidaridad: Paving the Way from Reform to Revolution, 1889-1895” noong 1988, layunin ng publikasyong (1) iulat ang kalagayan ng mga Pilipino; (2) ipagtanggol ang mga Pilipino sa pang-aatake ng mga prayle sa ibang publikasyon at fora; at (3) maglabas ng mga obhetibong pag-aaral sa Pilipinas at itaguyod ang siyentipikong pag-unlad ng Pilipinas.

Nagsimulang repormista ang La Solidaridad dahil nanindigan lang ito para sa Pilipinisasyon ng mga simbahan at aktibong partisipasyon ng mga Pilipino sa pamahalaang Kastila, partikular ang representasyon sa Cortes. Sa katunayan, nanawagan pa itong gawing probinsiya ang Pilipinas ng bansang Espanya. Makikita rin ang matinding impluwensiya ng mga liberal na ideya sa pagtataguyod nito ng kalayaan sa pamamahayag.

Pero nagkaroon ng rebolusyonaryong katangian ang huling isyu ng La Solidaridad noong Nobyembre 15, 1895. Suriin ang salin sa Ingles ng isang bahagi ng editoryal na sinulat ni Del Pilar (mula pa rin sa sanaysay ni Baclagon): “We are persuaded that all sacrifices are too little to win the rights and the liberty of a nation that is suppressed by slavery.” Makikita samakatwid ang pag-unlad ng pampulitikang kamulatan ng mga kasapi ng Kilusang Propaganda dahil napansin nilang hindi na sapat ang panawagan para sa reporma lamang. Para sa kanila, ang pang-aalipin ay nangyayari sa ilalim ng kolonyal na paghahari at kailangang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino at ang kalayaan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, mapapansing ang ganitong klaseng pamamahayag ay nagpapatuloy pa rin. Sa akademya, tinatawag itong alternatibong pamamahayag.

Ang huli ay ibang iba sa konsepto ng mainstream na pamamahayag na kung saan ang mga organisasyong pang-midya ay natatali sa interes ng mga nagmamay-ari nito at ang pangunahing layunin ay kumita. Sa pagkakataong ang mga organisasyong pang-midya ay hindi kumikita, pinapanatili pa rin ang mga ito para ipagtanggol at itaguyod ang pampulitika o pang-ekonomiyang interes ng mga may-ari. Sa ganitong konteksto dapat suriin ang ibinabalita ng mga ito, gayundin ang paraan ng pag-uulat sa mga isyu. Dahil sa komersiyalisadong katangian ng pamamahayag, mas nakatuon sa tsismis at trivia ang mga balita.

Nababahiran din ng tinatawag na infotainment ang paraan ng pagbabalita. Umaagaw sa atensiyon ng mga nanood sa telebisyon, halimbawa, ang tila galit na boses ng mga tagapagbalita. Isinisiksik ang napakaraming balita sa kahit maikling oras at espasyo, at hindi binibigyan ng pagkakataong malalimang suriin ang mga importanteng usapin sa bansa. Maikli raw kasi ang atensiyon ng publiko at walang panahong makinig sa pagsusuri na magpapahaba sa mga balita.

Sa bahagi ng mga organisasyong pang-midya na nagtataguyod ng alternatibong pamamahayag – tulad ng PINOY WEEKLY at Bulatlat Online Magazine – walang komersiyal na interes na nakikita dahil hindi isyu ang pagmamay-ari ng mga ito. Tinatalakay nila ang mga importanteng isyung kinakaharap ng mga Pilipino at walang lugar ang mga tsismis at trivia. Sa tingin nila, sapat ang atensiyon ng publiko para maintindihan ang malalimang pagsusuri sa mga isyung kinakaharap ng bansa.

Tulad ng mga nasa mainstream, may interes din namang ipinaglalaban ang mga nagtataguyod ng alternatibong pamamahayag. Pero ito ay ang interes ng mga batayang sektor ng lipunan na, sa kanilang pagsusuri, ay patuloy na pinagkakaitang mabuhay nang matiwasay ng mga nasa kapangyarihan.

Ang alternatibong pamamahayag ngayon ay pagpapatuloy ng tradisyon ng La Solidaridad. Bagama’t wala na tayo sa direktang kontrol ng mga dayuhan, nananatili pa rin ang mga kondisyong nagbubunsod sa pagkilos ng mga mamamayan para sa pagbabago. Mayroon ding likas na kahinaan ang mainstream na organisasyong pang-midya para ilahad ang mga tunay na nangyayari sa bansa. Sadyang matindi ang presyur ng komersiyalisasyon, halimbawa, kaya hindi maaaring masyadong maging seryoso ang mga balita. Kung mayroon mang seryosong usapin sa pulitika o ekonomiya, kailangang haluan ang mga ito ng “magagaang” balita tulad ng tsismis sa mga paboritong artista.

Sa okasyon ng ika-118 na anibersaryo ng unang isyu ng La Solidaridad, sana’y maging pagkakataon ito para palakasin ang alternatibong pamamamahayag sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga ito. Tulad ng naganap noong panahon ng mga Kastila, masasabing may susing papel ang alternatibong pamamamahayag ngayon sa ninanais na pagbabago sa bansa dahil ito ang sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga batayang sektor sa lipunan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006