Taon 6 • Blg 05 • Pebrero 7, 2007

Pinoybiz, Pebrero 1, 2007
Matinding labanan: Gary V., Angeli, Lani vs Gretchen | Boy Villasanta

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SHOWBIZ
PinoyBiz

Saan hahantong ang male chauvinism
ng bokalista ng Shamrock?

HINDI na kailangang humayon pa ang tanaw natin sa ibayong dagat o sa mga dayuhan na dumudungis sa karangalan at kapurihan ng isang babae—Pinay man o anumang lahi bagamat sa konteksto nito ay kailangang magmula sa kababayan.

Sa atin ding piling ay may mga Lance Corporal Daniel Smith, ang Amerikanong serviceman na nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa panggagahasa sa isang Pilipina na itinago sa pangalang “Nicole.” Masalimuot ang pinakahuling kabanata ng trahedya ni Smith—ang pakikialam ng pamahalaang Gloria Macapagal-Arroyo at pagpupuslit sa salarin mula sa Makati City Jail hanggang sa kanlungan ng US Embassy, isang bagay na muling yumurak hindi lang sa puri ni “Nicole” kundi maging sa katinuan at kahalagahan ng isang Pilipino at ng Pilipinas.

Maraming Daniel Smith sa hanay ng kalalakihang Pilipino at isa na rito ang bokalista ng bandang Shamrock na si Mark Tupaz. Hindi nga siya tahasan at diretsahang nanghalay ng isang Pinay subalit umigpaw pa roon ang kanyang inasta laban sa dalawang miyembro ng Butterflies, ang all-female group na alaga nina Dennis de la Cruz at Benjie Pe Benito.

Ayon kay Angela Frilles, isa sa mga kasapi ng Butterflies, nagkakilala sila ni Mark sa isang gig sa Lucena City nang sabay silang magtanghal doon. Kasama rin siyempre ni Angela ang kanyang co-member na si Grazel Santiago. Tulad ng dapat asahan sa isang pagtitipun-tipon ng mga taga-showbiz sa isang out-of-town performance, kumustahan, kilalanan, bigayan ng cellphone number at iba pang ordinaryong palitan ng mga kuwento ng buhay-buhay ang naganap kina Angela, Grazel, Mark at iba pang kasama sa banda.

“Inaamin naman po namin na naku-cute-an kami kay Mark. Pero nakisama naman kami nang tapat sa kanya kaya dapat ay tratuhin niya kami nang tao,” galit na pahayag ni Angela, isang baguhan na gumagawa ng pangalan sa pamamagitan ng paglabas-labas din sa mga TV show tulad ng “Panday” at “Walang Kapalit” na kapwa produksiyon ng ABS-CBN Broadcasting Corporation.

Dahil in na in ang banda at maraming nahahalina sa musika nito lalo na’t pambagets at may mga hitsura pa ang mga miyembro, maraming nagkakagusto — mapa-babae, mapa-bakla, mapa-lalaki o mapa-tomboy.

Sa madaling salita, nagtatawagan, nagti-text sa isa’t isa ang mga Butterflies, partikular sina Mark at Angela, Mark at Grazel—o ang bawat kampo sa isa’t isa.

Madalas ay pumapasyal at nanonood ang mga Butterflies na naturan sa mga pagtatangal ng Shamrock sa iba’t ibang establisimiyento at ayon kay Angela, nagbabayad sila sa panonood dahil kaibigan na nila at mahusay sina Tupaz.

“Pero habang tumatagal po ay napupuna ko na parang pinag-aaway kami ni Mark. Especially kami ni Grazel. Ang akala niya ay siyota na niya kami. The worst is na-a-out of context niya ang mga sinasabi namin ni Grazel,” pahayag ni Frilles. Sa ibang salita, ipinararating ni Mark sa dalawang babae ang mga pangungusap na baluktot.

“Hanggang mali-mali na ang nakakarating sa aming dalawa ni Grazel dahil iniiba ni Mark ang kahulugan. Gano’n po ba ang isang lalaki?” tanong ni Angela.

Tulad din ng dapat asahan, nagkakatabi-tabingi ang mga impormasyon na nakakarating sa mga partido dahil sa laging wala sa konteksto ang mga sinasabi at ginagawa.

“Kaya muntik na kaming magkagalit ni Grazel. Ang akala ni Mark ay patay na patay kami sa kanya to the point na nag-iilusyon na siya. Pero sa palagay ko, dahil wala naman siyang nahihita sa amin especially kung nais man niyang makaisa sa amin. Gumagawa siya ng isyu para magkasira kami ni Grazel. Kasi, pag kausap ko siya, sasabihin niya na ganito ang sinabi ni Grazel sa akin, ‘yong mga bad things,” kuwento ni Angela.

“Pag naman po ako ang kanyang kausap, may sasabihin siya sa akin na sinabi raw ni Angela na ganito. ‘Yong hindi favorable sa akin,” pahayag naman ni Grazel.

Hanggang halos mapuno na ang salop kina Angela at Grazel.

“May nakarating pa po sa akin, wrong send ng text na ipanreregalo raw ako ng mga members ng Shamrock. Do’n na po napikon at nagalit ang Mommy ko. Pati Daddy ko ay nakialam na,” salaysay ni Angela.

Nang dahil dito ay nais nang alisin ng mga Frilles ang kanilang dalaga sa Butterflies kaya dito na umaksiyon ang mga manager na sina Dennis at Benjie.

“Hindi naman kami nakikialam sa personal and private affairs ng mga talents namin pero apektado na ang career nila sa ginagawa ni Mark. Putak siya nang putak at naghahatid siya ng bad news sa mga babae namin,” katwiran ni Dennis na galit na galit na rin.

“Nagkausap kami ni Mark sa telepono dahil kailangang kausapin ko na siya sa kanyang pinaggagawa. Nakakalalaki siya, e. Kaya kailangang magtuos na kami kahit sa phone man lang. Hindi siya nakakatulong sa career ng mga alaga namin. Nakakasira pa siya,” paliwanag ni Benjie.

“Wala kaming relasyon kay Mark. Although, nagsasabi siya sa phone ng ‘I love you,’ ‘I love you.’ Crush namin siya, oo, pero hindi ibig sabihin noon ay babastusin na niya kami,” pahayag ni Grazel.

Sinabi naman ni Sharon Frilles, ina ni Angela, na nakarating sa kanya na sinabi ni Tupaz na may topak silang mag-ina. “Yon ang hindi ko mapapatawad. Nakisama kami sa kanya, sa kanila pero hindi sila dapat mangganito. Nambabastos sila,” pahayag ni Sharon.

Kaya nang magpatawag sina De la Cruz at Pe Benito ng miting sa mga Butterflies na sangkot sa isyu lalo na sina Angela at Grazel kasama si Angeline Barral (siya ang laging kasama, kabarkada at kausap ni Grazel at nakakaalam din sa mga sinasabi ng bawat isa kabilang ni Mark), tensiyunado ang paligid.

“Talagang muntik nang mag-away sina Angela at Grazel. Parang pinalalabas kasi ni Mark na magkaribal ang dalawa sa kanya. Kung anu-ano ang nakakarating sa kanila. Kaya nang dumating si Grazel sa office namin sa Mandaluyong City, hinablot ko agad si Angela nang magpanagpo. Kasi, baka biglang magsabunutan at magsampalan,” pahayag ni Dennis.

Pero dahil sibilisadong paglutas sa problema ang nais mangyari ng mga manager, pinagharap-harap nila ang mga kasangkot at nagbuga ang mga ito ng sama ng loob sa isa’t isa.

“Pero kagagawan lahat ito ni Mark Tupaz at in a way, ng kanyang mga kasama sa banda,” kongklusyon ni Mrs. Frilles.

Dito pumapasok ang usapin ng reaksiyon at pagpapamalas ng damdamin ng babae sa mga sitwasyon na nasa kanilang harapan at paligid ang kanilang crush.

Dapat bang sisihin ang pagbababad ng mga babaing fans sa gig at pagpapakita ng paghanga ng kanilang idolo?

Sa isang lipunan na mababa ang tingin sa mga aktres na nagpapaseksi lalo na sa panahon ng mahaharot na palabas ng mga sexy dancers tulad ng Viva Hot Babes, D’ Bodies, Showgirls, Sex Bomb Girls, Baywalk Bodies, Wow Girls at marami pang iba, hindi kataka-takang may pagnanasa ang mga tulad ni Mark kina Angela at Grazel dahil bukod sa magaganda, seksi, at makikinis ang balat ay batambata pa ang mga ito.

Pero ang lumagpas na sa ganitong intensiyon ng pagiging macho ay isa nang kakuwestyun-kuwestyon na adhika ng pagsasabong at pang-iintriga.

Hindi basta’t may crush ang isang babae sa isang lalaki ay pagsasamantalahan na niya ang sitwasyon dahil baka ito ay maging mitsa ng isang kapariwaraan o labag sa kalooban na pagpapailalim ng babae sa isang lalaki.

Sinasabi ng mga Butterflies na maaaring sabihin ni Mark at ng mga bumubuo ng Shamrock na gumigimik lang ang mga babaeng ito dahil sa pananaw ng soloista ay mga wala pang pangalan ang mga ito.

Pero may pangalan man o wala, pangkaraniwang tagahanga man o hindi, ang pagsala-salabirin at pagbalu-baluktutin ang mga salita ay kasalanang walang patumangga at kailangang mangibabaw ang makataong pagpapasya.

Kailangang isaisip ni Mark na magulo na nga ang showbiz, ang mundo, magulo ang bawat tahanan, ang bawat pinapasukan,- kaya huwag nang dagdagan pa ang komplikasyon nito samantalang ang kasimplehan ng buhay at pananaw ang siyang makapagpapalinaw at makapagpapa-ligaya sa karamihan.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006