Taon 6 • Blg 05 • Pebrero 7, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 1, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KOTEKSTOALAM NYO BA MGA MARE?KOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Komisyong Melo - wala pa ring sorpresa

Ang Komisyong Melo na nilikha ng administrasyong Arroyo para harapin ang extra-judicial na mga pamamaslang ng mga aktibista at mamamahayag ay nagsumite na ng 89-pahinang ulat kay Gng. Arroyo pero hanggang ngayon ay itinatanggi niyang isapubliko ito. Ang alam lang natin tungkol rito ay ang panimula, impormal na mga komento sa midya ng tagapangulo ng komisyon at ng kasaping obispo nito, ang mga pahayag sa midya ng Malakanyang at ang mapagpanggap, kundi man mayabang, na pananalita ni Gng. Arroyo sa mga embahador sa tradisyunal na vin d’honneur sa Palasyo.

Ang pagtanggi ng Malakanyang na ilabas ang ulat para busisiin ng lahat ng interesadong partido, laluna ng mga kamag-anak ng mga biktima ng pamamaslang, tangkang pagpatay at sapilitang pagkawala, ay makahulugang sukatan ng sinseridad at kaseryosohan ni Gng. Arroyo sa kanyang pangakong tapusin ang mga paglabag na ito at parusahan ang mga responsable. Mahalagang ipakita na hanggang ang ulat ng Komisyong Melo ay itinatago, hanggang paunti-unti ang pagsisiwalat ng baha-bahaging may silbi lamang sa Malakanyang, wala tayong puwedeng maging reaksiyong makakabuluhan munti man, kundi ang patuloy na pag-iingat o malalimang pagdududa.

Ang tanging mapanghahawakan ng publiko at ng lahat ng organisasyong pinupuruhan ng mga pamamaslang at pagdukot ay ang alam na ng marami hinggil sa Komisyong Melo – sinu-sino ang bumubuo nito, ano ang kaya lamang nitong gawin, ano ang mga gusto at kiling nito, at ano ang pamamaraan ng pag-iimbestiga nito. Sa batayang ito makakabuo tayo ng maalam na opinyon tungkol sa kung ano ang kayang gawing kongklusyon at rekomendasyon ng komisyon sa pinal na ulat nito kay Gng. Arroyo. Noon at ngayon, ang nangingibabaw na pananaw ay ang kawalan nito ng kalayaan, kredibilidad, mga kapangyarihan at pondo para makabuo ng anumang makabuluhang ulat, na, anu’t anuman ay mas malamang na gagamitin para lalo pang pagtakpan ang anumang pananagutan ng gobyerno.

Halimbawa, marami na ang nasabi hinggil sa pagsisiwalat ni G. Melo na “mayorya ng mga biktima ay mga maka-Kaliwa-aktibista-militante” at ang pinaghihinalaang mga umatake ay kabilang sa militar. Hindi sa gusto naming mang-asar, pero hindi nga ba’t ang dapat siyasatin ng Komisyon ay kung bakit pinapaslang ang ganitong partikular na kategorya ng tao? At natural lang na sabihin nito na sangkot nga sa mga krimen ang mga taong militar, dahil kung hindi, magmumukha itong bingi, bulag, at bobo sa harap ng mga datos at malinaw na padron ng nasabing mga pamamaslang na kitang-kita kahit sa mga ulat sa pahayagan.

Pero si G. Melo ay mabilis na nagsabing, “Ayaw naming idawit ang buong establisimiyento ng militar, iyun lamang mga elemento na pinayagang lumarga nang walang superbisyon ng kanilang nakatataas na awtoridad.” Kaya hayan, ang sinadyang limitasyon ng tinaguriang independiyenteng komisyon, na mababanaag nang ito’y likhain: Hindi nito puwedeng sabihin na ang extra-judicial na mga pamamaslang ay bahagi ng patakaran ng estado; walang kinalaman ang mga ito sa panata ng rehimeng Arroyo ng “todong giyera laban sa Kaliwa” at sa pinakahuli nitong mga programang kontra-insurhensiya, ang Oplan Bantay-Laya I at II, na nauukol sa “pag-niyutralisa” at “pagwasak” sa ligal, pampulitikang imprastruktura ng kilusang komunista at may malinaw na plano na gawing “target” ang mga partikular na susing indibidwal, lider at organisador ng militanteng mga organisasyong masang legal.

Dagdag pa, kahit hindi pa namin nababasa ang kumpletong ulat, masasabi namin na ang mga pahayag ng akusasyon ni G. Melo kay Hen. Jovito Palparan para sa “pananagutan ng komand (command responsibility) ay ang pinakamatinding kongklusyong kinayang gawin ng komisyon. Bakit kinailangang sabihin iyon ng Komisyong Melo at anu-ano ang mga implikasyon nito?

Lilitaw na: 1) Ang pagkakasangkot ni G. Palparan ay bulgar na bulgar kaya ang Komisyong Melo ay walang magagawa kundi ang ituro siya upang magkaroon ito ng kaunting kredibilidad; 2) Ang rehimeng Arroyo ay nangangailangan ng isang kapani-paniwala at dramatikong pagdidiskitahan; at 3) Ang krimeng “pananagutan ng komand” ay di-hamak na mas magaan kaysa sa direktang pag-uutos ng ganoong mga krimeng pasista. Ang totoo, inamin na ni G. Palparan ang “pagbibigay ng inspirasyon” sa kanyang mga tauhan at ilang sibilyan para puntiryahin ang mga rebeldeng komunista at ang kanilang mga tagasuporta. Kung hahanapin ang tunay na kahulugan, tila sinasabi ni G. Palparan na ang kanyang mga “binigyan ng inspirasyon” ay maaaring nakapatay nga ng ilang tao bunga ng labis nilang kasipagan.

Ngunit hanggang hindi gumagawa ng kongkretong mga hakbang ang gobyernong Arroyo para kasuhan, usigin at parusahan si G. Palparan kahit sa mas magaang na krimen ng pananagutan ng komand, ang napaka-sensasyunal na rekomendasyong ito ng Komisyong Melo ay sangkap sa makinarya ng propaganda ng Malakanyang, na sabik na magbigay ng impresyon sa European Union at sa pandaigdigang komunidad ng mga karapatang pantao na si Gng. Arroyo ay gumagawa ng mapagpasyang mga hakbang para tapusin ang mga pamamaslang at sagkaan ang brutalidad ng gumagawa ng mga iyon.

Inaakala nina Gng. Arroyo, ng Cabinet Oversight Committee for Internal Security at mga heneral ng militar at pulisya na tuso sila dahil nagawa nilang iwasan, muli pa, ang responsibilidad sa mga pamamaslang, tahasan man o hindi, bunga ng ginawang damage control ng Komisyong Melo. Anu’t anuman, sinadya man o hindi, idinawit ng komisyon si Gng. Arroyo mismo sa pag-akusa nito kay Hen. Palparan dahil sa galanteng mga premyo (katulad ng mabilis na mga promosyon) at masaganang papuri na ibinasbas ni Gng. Arroyo kay G. Palparan.

Samantala, sa kabila ng kritisismo bunga ng pagtangging makipagtulungan sa Komisyong Melo, ang mga biktima, ang kanilang mga pamilya at kapanalig, ay napatunayang wasto sa pagtangging magpagamit sa nakamamatay na laro ng panlilinlang ng rehimeng Arroyo. Kailangan nilang hanapin ang katarungan sa ibang lugar, gayundin ang kumilos para patalsikin ang rehimeng duguan ang mga kamay sa paulit-ulit at walang tigil na pagpatay at walang-kahihiyang pagtatakip sa mga ito.

Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 2-3 Pebrero 2007

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006