| Pagkawala ng tiwala: puwede bang duda lang?
Maaari bang tanggalin
ang isang empleyado sa
kanyang trabaho dahil sa kawalan ng tiwala sa kanya ng manedsment? Ang hinalang siya ay nagnakaw ay sapat bang dahilan upang mawalan ng tiwala sa kanya ang manedsment at matanggal siya sa kanyang trabaho?
Kabilang ang mga katanungang ito sa mga tanong na sinagot ng Korte Suprema sa kasong AMA Computer College vs. Zenaida Garay , G.R. No. 162468, January 23, 2007.
Prinsipal sa high school department ng isang kilalang eskuwelahan itong si Zenaida. Isang araw, ang cashier ng naturang eskuwelahan ay pumunta sa comfort room. Bitbit niya ang isang envelope na may lamang P47,000 humigit kumulang. Nilapag niya ito sa itaas ng toilet bowl habang sumasagot sa tawag ng kalikasan.
Pag-alis ng cashier, nakalimutan niyang kunin ang pera sa itaas ng toilet bowl. Nang maalala niya ito, agad niyang binalikan. Sa kasamaang palad, wala na ang pera. Sa kanyang pagkatanda, si Zenaida lamang ang huling nakita niyang pumasok sa nasabing comfort room.
Agad na inimbestigahan ng manedsment si Zenaida tungkol sa pangyayari. Kinapkapan ng manedsment si Zenaida. Hinalughog din nila ang kanyang opisina at tiningnan ang kanyang mga gamit. Ganun pa man, wala silang nakita.
Pagkatapos noon, dinala siya sa barangay office kung saan pina-blotter nila ang nangyari. Makalipas ang ilang araw, inilagay siya sa preventive suspension ng manedsment.
Hiningan ng paliwanag ng eskuwelahan si Zenaida sa pangyayari at agad naman siyang tumalima. Ganun pa man, nagpasya ang eskuwelahan na tanggalin siya sa kanyang trabaho dahil sa loss of trust and confidence o kawalan ng tiwala.
Ayon sa manedsment ng eskuwelahan, dahil sa pinakitang kawalan ng kooperasyon ni Zenaida noong gumagawa ang manedsment ng imbestigasyon, hindi maiwasang mawalan na ito ng tiwala sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit siya tinanggal sa kanyang tungkulin.
Nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa eskuwelahan si Zenaida sa tanggapan ng Labor Arbiter. Ipinanalo naman siya nito at inutusan ang manedsment na ibalik siya sa kanyang trabaho at bayaran pa ang kanyang back wages. Hindi natinag ang manedsment. Inapela nito ang kaso hanggang sa makarating sa Korte Suprema.
Kinampihan ng Korte Suprema si Zenaida. Ayon sa Korte Suprema, batay sa Labor Code, ang kawalan ng tiwala ay isa sa mga dahilan upang matanggal ang isang empleyado sa kanyang trabaho. Ganun pa man, upang magamit ito, kailangang ang kawalan ng tiwala ay nakabatay sa kongkretong pangyayari at hindi sa hinala o suspetsa lamang. Kailangan ding kusang ginawa ng empleyado ang isang bagay na naging sanhi ng pagkawala ng tiwala sa kanya ng manedsment.
Sa nangyari kay Zenaida, malinaw na hinala lamang ang batayan ng manedsment upang siya ay tanggalin. Wala silang ebidensiya na siya nga ang nagnakaw sa nawawalang pera. Napuna ng Korte Suprema na kaya siya inimbestigahan ng manedsment ay dahil sa nawawalang pera. Noong makita ng manedsment na mahirap idamay itong si Zenaida, bigla itong nagpalit ng akusasyon. Inakusahan nito si Zenaida ng hindi pagbigay ng tamang kooperasyon sa imbestigasyong ginagawa.
Malinaw na ang papalit-palit o pabagu-bagong akusasyon na ito sa bahagi ng manedsment ay patunay lamang na wala itong sapat na dahilan upang mawalan ng tiwala kay Zenaida. Hindi dapat abusuhin ang kawalan ng tiwala upang matanggal ang isang empleyado, paalala pa ng Korte Suprema.
Ibinasura ng Korte Suprema ang kaso ng manedsment at iniutos na ibalik sa kanyang trabaho si Zenaida. balik sa itaas | sunod |