Taon 6 • Blg 05 • Pebrero 7, 2007

Editoryal at Opinyon, Pebrero 1, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KOTEKSTOALAM NYO BA MGA MARE?KOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Dinastiyang Pampulitika: Lumot sa Bayan

SA KABILA ng anumang batas na tandisang magbabawal sa dinastiyang pampulitika, waring imposible nang mahadlangan ang talamak nitong pag-iral sa iba’t ibang panig ng bansa. Hindi na nga kailangan ang malinaw na mata upang makita ang pami-pamilyang namamayagpag sa poder. Kalakaran na o tradisyon na ito ngayon, o noon pa, na magrigodon sa kapangyarihan ang iilang maimpluwensiya’t mayamang mga pamilya.

Mula pa sa panahon ng kanilang mga lolo hanggang sa mga apo ngayon, monopolyo na nila ang pulitika sa kani-kanilang lugar, at maging sa buong bansa. Nariyan sila, parang buwayang nakaabang sa anumang puwestong puwedeng sakmalin ng mga miyembro ng pamilya – asawa man o anak o apo o kahit mga bayaw at hipag – at kulang na lamang na magpatibay sila ng batas na maaari nang ipamana sa kanilang kadugo ang kanilang poder sa gobyerno, presidente man o senador, kongresista man o gobernador, alkalde man o konsehal, o kahit kapitan de barangay.

Sa kampo man ng administrasyon o ng oposisyon – at sapagkat uso naman sa kanila ang ipamunas lamang ng puwit ang prinsipyo’t karangalan – puwede pa nga silang magsatipaklong na magpalipat-lipat ng bakod-pampulitika (sa Liberal man o Kampi, sa Nasyonalista man o Lakas, Partido ng Masang Pilipino, o Laban o anuman) masunod lamang ang makasariling mga ambisyon at makapanatili sa kapangyarihan. Walang mahalaga kundi muling maibandila ang apelyido ng pamilya sa malasarsuwelang pulitika kahit magtaling-pusod at mag-amuyan ng kilikili ang dating magkalaban at magsaksakan ng sikmura’t magputulan ng bituka ang dating magkatropa’t magkaibigan.

Sa pambansang tanghalan, nariyan ang mga Roxas at Osmeña, ang mga Magsaysay at Macapagal, ang mga Marcos, Aquino, Recto, at Estrada. Nadagdag pa rito ang mga Santiago, Pimentel, Cayetano, Biazon, at iba pang nais gumanap sa pambansang sarsuwela o bodabil. Sa Kamaynilaan, namamayagpag ngayon sa entablado ng pulitika ang mga Asistio, Atienza, Binay at iba pang nabibilang sa Kamag-anak Inkorporada. Sa mga lalawigan, nariyan ang mga Joson ng Nueva Ecija, ang mga Remulla at Revilla ng Cavite, ang mga Villafuerte, Lagman, Imperial at Escudero ng Bicol, ang mga Lapid at Macapagal ng Pampanga. Marami pang halimbawang mababanggit ngunit abangan na lamang ang pagtatanghal ng mga ito sa sinasabing supermegang produksiyon ngayong Mayo na paglulustayan ng mga P7- B pondo ng titiguk-tigok na sambayanan.

Kahit umiiral ang mga dinastiyang pampulitika sa bansa na pare-parehong ayaw magpatalo at kalimitang utak ng mga dayaan at karahasan sa mga halalan dahil kalimitang may pribadong hukbo ng mga maton at mamamatay-tao, parang hindi alam ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na dugo’t terorismo, pera at dayaan, ang namamayaning batas sa anumang eleksiyon sa bansa kaya nangangarap pa siyang nanawagan kamakailan para sa “isang malinis, mapayapa at kapanipaniwalang eleksiyon” sa Mayo.

Lubha tuloy balintunang nagkalakas-loob siyang manawagan nang gayon lalo’t isasaalang-alang na dahil sa “Hello Garci,” nawalan ng kredibilidad ang panalo niya sa halalan noong 2004 at, sa kabilang banda, lalong tumibay ang mga hinalang may garapalang dayaan nang gantimpalaan niya ng mataas at magatas na mga puwesto sa mga ahensiyang militar at pamahalaang sibil ang mga nabanggit na opisyal sa “Hello Garci” na pawang malaki diumano ang pinapel sa maeskandalong pagkakaluklok niya sa Malakanyang.

Kailan nga ba naging kapanipaniwala, malinis at mapayapa ang eleksiyon sa bansa? Kamakailan pa, nagsimula na ang patayan ng mga posibleng magkakalaban sa halalan na, tiyak, habang papalapit ang Mayo, o maging pagkatapos pa nito, lalong madaragdagan ang mga biktima. Kailan hindi nakialam ang militar o ginamit ng mga nasa poder sa kanilang ambisyong pampulitika?

Sa kabilang banda, kahit may kasunduang babawalan ang militar na makisangkot sa pulitika, iginiit pa rin kamakailan ng bagong kauupong Sekretaryo Hermogenes Ebdane ng Tanggulan o DND na puwedeng gamitin ang mga sundalo sa paghahatid ng mga urna ng balota at, kung kinakailangan, maaari ring gamitin ang mga trak at eroplano ng militar sa bagay na ito at, dahil isa siya sa mga nabanggit sa “Hello Garci,” hindi maiwasang hinalain ng mga kritiko ng administrasyon na may magaganap na garapalang manipulasyon ng boto sa darating na eleksiyon.

Higit na kaduda-duda pa nga, ngayon o noon pa, ang integridad ng Komisyon sa Eleksiyon o Comelec, lalo na’t maimpluwensiya’t makapangyarihan ang mga dinastiyang pampulitika. Bihira marahil sa mga natatalong kandidato – bagaman hindi aaminin ng mga nanalo kahit alam na alam nila – na kalimitang nabibili, sa tamang presyo, at namamaniobra ng mahuhusay na salamangkero sa naturang komisyon ang resulta ng mga eleksiyon. Napatunayan na ito ng maraming pangyayari kaya, hindi katakataka, namumutiktik sa inaamag na mga protestang elektoral ang sistema ng halalan sa bansa.

Sa mga nabanggit, hindi maikakailang malaking papel ang ginagampanan ng masalapi, maimpluwensiya’t makapangyarihang mga dinastiyang pampulitikang sumisikil sa tunay na tinig at damdamin ng masang sambayanan sa anumang dapat na demokratikong prosesong pang-eleksiyon at, gayundin, bumabansot sa matagal nang ninanasang pambansang kapayapaan at kaunlaran. Totoo na nga marahil ang sinabi ng binitay ng mga Kastila noong 1872 na si Padre Jose Burgos na sa bansang ito, “ipinanganganak na parang lumot ang mga pulitiko” – pami-pamilya na nga – “sa kahihiyan at kapinsalaan ng bayan.” Ngayon pa lamang, nakabalandra na nga ang kanilang mga mukha sa pader ng kasaysayan.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006