| Programang “supermaids”
ni Gloria, hindi makalipad
Lina Magbanua
UMAANI ngayon ng malawak na
pagbatikos ang inilabas na POEA
Guidelines on the Deployment of
Household Service Workers (HSW), mas kilala bilang programang “supermaids” ni Gloria.
Ang bagong Guidelines na nagkabisa noong Disyembre 16, 2006 ay nagtatakda sa lahat ng household service worker na: 1) kailangang 25 taong gulang pataas; 2) may National Certificate for Household Service Workers (HSW-NCII) ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda); 3) may Country Specific Language and Culture Certificate of Competence o certificate of attendance ng Overseas Workers Welfare Administration (Owwa); 4) may PDOS (Pre-Departure Orientation Seminar) Certificate; 5) may minimum salary na US$400; at 6) walang placement fee na babayaran.
Naharang agad ang maraming aplikante. Umangal maging ang mga rekruter. At may mga employer na “nagsasauli” ng mga empleyado kahit may kontrata na.
Sa harap ng mga protesta, ang Pebrero 1, 2007 na cut-off date sa mga bagong kontrata ay iniusog ng POEA sa Marso 1, 2007. Nagtatawaran pa ngayon sa edad, treyning at placement fee. Lahat ng bagong kontrata ay dapat alinsunod sa bagong Guidelines. Kahit matagal nang nagtatrabaho, kapag bago ang kontrata, apektado.
Apektado ng Guidelines ang may 40% ng land-based new hires na OFW. Kabilang dito ang mga domestic helpers o DH, caregivers at caretakers. Karamihan sa kanila’y kababaihang manggagawa. Mala-impakto ang epekto
Ayon sa gobyerno, ito raw ay “proteksiyon” at “propesyunalisasyon” sa trabaho. Pero sa totoo, ito ay regulasyon sa dagsa ng dumaraming mga naghahanap ng trabaho sa labas ng bansa bunga ng malalang kahirapan at kawalan ng trabaho. Tinaasan ang edad, tinakdaan ng presyo, at pinatawan ng maraming rekisito.
Ang “supermaid” na mala-Darna, naging babaeng tuod.
Inilagay ng POEA Guidelines sa isang grupo o kategorya ng mga OFW ang mga DH, caregiver at caretaker. Tinawag silang household service worker (HSW). Sa pagtatakda ng mga treyning at dagdag na mga “sertipiko”, may gayak na “propesyunal” ang trabaho.
Sa pagtatakda na “skilled” ang mga manggagawang ito, nailalagay sila sa usapang pangkalakalan tulad ng General Agreement on Trade in Services (Mode 4) sa ilalim ng World Trade Organization at sa bilateral labor agreements na pinapasok ng gobyerno sa pagbebenta sa mga OFW. Ayon sa mga nakakuha ng 21-araw na “treyning” ng Tesda para sa “supermaid,” ito raw ay isang malaking raket lamang.
Wala naman talagang kasanayang itinuturo. Ang itinuturo ay matagal na nilang alam – tulad ng pagbukas ng refrigerator, pagkilala sa microwave, plantsa at vacuum cleaner, atbp.
Ang pag-aaral sa ibang “kultura at wika” ay hindi talaga pagpapalawak ng kaalaman kundi nakatuon para manilbihan lamang sa dayuhang amo. Hindi nito itinataas ang katayuang panlipunan ng OFW sa bansang pupuntahan.
Ang “treyning” at sertipiko ay bihis lamang na kunwa’y “propeyunal” na ang HSW. Pero ang totoo’y pagkurakot pa ito ng gobyerno. Pagbabayarin ang aplikante sa Tesda at kukunin pa ang pondo ng mga OFW sa Owwa para sa mga treyning.
Sa pagtatakda ng bagong regulasyon, lalaki pa ang kurakot ng gobyerno. May treyning, sertipiko, beripikasyon sa rekruter at employer, beripikasyon sa job order at kontrata, at iba pa. Lalaki rin ang puwang para sa korapsiyon. Pabalat-bungang proteksiyon
Ayon sa Migrante International, ang minimum na $400 ay pang-silaw lamang sa OFW at pambulag sa publiko. Mataas ito sa umiiral na $100-$150 sa Middle East at Gulf States pero mababa pa ito sa aktuwal nang kinikita sa Hong Kong, Canada, o Italy.
Manapa, walang “minimum” ni labor standards sa maraming bansa at kahit International Labor Organization (ILO) ay nagbawas sa mga pamantayan sa pasahod at trabaho. Sa Pilipinas mismo, binasag ang minimum wage.
Ganito rin ang sinang-ayunan ng gobyerno ng Pilipinas sa unified contract sa Saudi, wage cut sa Hong Kong at Taiwan, trainee system sa Korea, live-in caregiver sa Canada at marami pang iba.
Ang paghihigpit ng regulasyon sa HSW ay lalong naghihikayat na dayain ang mga panuntunan tulad ng sa edad at pagdaan sa mga fixer.
Nagtatakda ang Guidelines ng beripikasyon ng mga foreign placement agencies (mga rekruter sa labas ng bansa) sa kalagayan sa trabaho ng HSW. Hihingin din ang beripikasyon ng Philippine Overseas Labor Office (Polo). Pero hindi edad, treyning at pinapirmahang pangako ng rekruter at employer ang garantiya laban sa pang-aabuso.
Ipinapasa lamang ng gobyerno ang responsibilidad nito sa rekruter, employer at sa mismong OFW. Habang nagpapanggap na nagbibigay ng “proteksiyon” sa OFW, pinalakas lamang ang pagkontrol at pagkurakot ng gobyerno.
Maging ang mga job order at kontrata para sa low/semi-skilled na kababaihang manggagawa, direct hire man o sa dayuhang rekruter, ay dadaan muna sa Polo bago iproseso ng POEA.
Sa adjudication naman ng POEA, mas malaki ang kinikita ng POEA kaysa biktima. Noong 2005, sa P3-Milyon na naibigay sa mga biktima, may P11-M ang kinolekta ng POEA. Hindi pa kasama rito ang multa sa mga rekruter.
Iginigiit ng Migrante International na dapat nang alisin ang regulasyon ng POEA. Isinaad ito sa Migrants Act of 1995 pero binago ang batas at ibinalik sa POEA ang regulasyon. Sa halip na magkaroon ng deregulasyon, nagkaroon ng ibayong kontrol ang estado sa pamamagitan ng POEA.
Iginigiit din ng Migrante na alisin ang $100 na “processing fee” ng POEA at iba pang singil ng estado. Dapat umano tumigil sa pagbebenta ng mga OFW at alisin ang papel ng gobyerno sa rekrutment. Pumapapel rin ang POEA sa mga legal na kaso na talagang tungkulin ng labor courts at regular na korte’t mga husgado.
Sa huli, panawagan ng Migrante na ibasura ang programang “supermaids” ni Gloria, kasama si Gloria.
balik sa itaas | sunod |