Comelec nananatiling ‘marumi’
Ilang-Ilang Quijano
Nananatiling
marumi at
nanganganib ang kredibilidad ng Comelec (Commission on Elections) sa halalan sa Mayo dahil nasa puwesto pa ang mga election supervisor na nasangkot sa pandaraya noong halalang 2004.
Dagdag pa, na-promote ang mga opisyal ng Comelec na nagsagawa umano ng mga operasyong “dagdag-bawas” sa Mindanaw at Bisaya, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel.
Kabilang dito sina Atty. Francisco Pobe at Atty. Renayto Magbutay na nakipag-usap kay dating Comelec Komisyuner Virgilio Garcillano ayon sa nairekord sa kontrobersiyal na “Hello Garci” tapes. Ginawang Asst. Comelec Regional Director ng rehiyon ng Caraga si Pobe, mula sa pagiging election supervisor sa Surigao del Sur. Ginawa namang Acting Comelec Regional Director ng Kanlurang Bisaya si Magbutay. Ginawa namang Acting Comelec Regional Director si Atty. Ray Sumalipao, dating election supervisor sa mga probinsya ng Lanao del Norte at Lanao del Sur. Itinala ang malawak na pandaraya sa nasabing mga probinsiya noong 2004.
Isa pang diumano’y bata ni Garcillano, si Atty. Remlane Tambuang na dating election supervisor sa Davao Oriental, ang ngayo’y Acting Comelec Regional Director sa Timog Mindanaw.
Sinabi ni Pimentel na tila walang kongkretong aksiyong ginagawa ang gobyernong Arroyo para masiguro ang malinis at mapayapang halalan.
“Dapat maging mapagbantay ang taumbayan sa darating na Mayo,” dagdag ng senador.
balik sa itaas | sunod |