| Cinekatipunan sa Mag:net Gallery Café sa Katipunan Avenue
Espasyo sa alternatibong pelikula
Priscilla Pamintuan
Sa panahong maraming
independiyenteng manlilikha ng
pelikula ang nilalamon ng mainstream
o ng “regular” na mga trabaho (tulad ng advertising), may isang espasyo sa Katipunan Avenue na naglalayong bigyan sila ng puwang at odyens para manatiling independiyente at makalikha ng makabuluhan at masining na pelikula.
Sa naturang kalsada matatagpuan ang isa sa mga gallery ng Mag:net, pag-aari ng sikat na pintor na si Rock Drilon. Dito linggu-linggong ipinalalabas ang samu’t saring pelikulang di masisilayan sa SM, Gateway o sa alinmang kilalang sinehan. Nagsimula noong Oktubre 2006, binansagan ang proyekto bilang Cinekatipunan.
Ayon kay Kiri Dalena, tagapangasiwa ng Cinekatipunan, inisyatiba talaga ng mga kapwa-artista at independent filmmakers ang proyekto. “Dahil na rin ito sa pagkilala na matagal nang kailangan ng pinakamaraming bilang ng lugar na susuporta sa mga independent filmmaker na matagal nang nangangailangan ng mga daluyan para sa maayos na pagtatanghal ng kanilang mga obra,” sabi niya. Kinuha ni Drilon si Dalena dahil isa rin siyang independent filmmaker, bilang isa sa mga tagapagtatag ng STEx (Southern Tagalog Exposure), alternatibo at progresibong grupong audio-visual sa Timog Katagalugan.
Linggu-linggo ang pagpapalabas ng mga pelikula sa Cinekatipunan. Samu’t sari ang mga ipinalalabas dito, mula sa dayuhang pelikula (hindi mula sa Hollywood) tulad ng mga dokumentaryo ng progresibong filmmaker na si Malcolm Guy, hanggang sa gawa ng batang mga mag-aaral ng pelikula at filmmaker tulad ng UP Silip (Sining at Lipunan), Sipat (Sine Patriyotiko), STEx at University of Makati Film Society.
Naging matagumpay ang proyekto at agad na nagkaroon ng regular na mga tagapagtangkilik sa loob ng apat na buwan ang Cinekatipunan. “Ikinagagalak naming makita na sa pagdaan lamang ng apat na buwan ay may napapaunlad na itong regular na odyens mula sa iba’t ibang unibersidad, larangan ng sining, at katayuan sa buhay,” kuwento ni Dalena.
Sa loob ng maikling panahon, naging espasyo ang Cinekatipunan para makahalubilo ng mga filmmaker ang mga manonood nila, laluna yaong mga nag-aaral ng sining at nagbabalak na maging filmmaker sa hinaharap.
Limitado pa rin ang odyens nito sa mga nakakaalam at may akses sa lugar na kalimita’y dinadaanan lamang ng mga estudyante at mga nasa panggitnang uri. “Pinakamarami pa rin sa mga tagapanood ay mula sa mga eskuwelahan. Mga estudyante at guro. Marahil ay dahil malapit ang Cinekatipunan sa malalaking unibersidad gaya ng UP, Ateneo at mga kolehiyo gaya ng Miriam at Kalayaan,” paliwanag pa ni Dalena.
Gayunman, kahit sa mga estudyante, unti-unting lumalawak ang reputasyon ng Cinekatipunan bilang espasyo ng seryoso at masining na mga pelikula. “Ang nakakatuwa, madalas na may dumadayo pa na mga estudyante mula sa UST, Trinity College, University of Makati at La Salle,” ani Dalena. Hindi rin naman sarado ang Cinekatipunan sa publiko, kahit yaong ordinaryong mga mamamayan na may panahong manood ng kakaiba at de-kalidad na mga pelikula. Katunayan, libre ang panonood dito. Humihingi lamang sila ng kahit magkanong donasyon sa mga kayang magbigay, bilang suporta sa mga filmmaker na nagpapalabas ng kanilang mga obra.
“Mula sa mga filmmaker, tingin ko ay very supportive sila sa inisyatibang ito. Sa katunayan, ang kanilang pagtangkilik at malugod na pagbibigay ng pahintulot na maipalabas ang kanilang mga pelikula ang bumubuhay sa Cinekatipunan,” sabi pa ni Dalena.
Paliwanag pa ni Dalena, marami pa ang maaaring paghusayin sa Cinekatipunan. “Masasabing may sariling buhay at dinamismo na ang Cinekatipunan subalit malaki pa ang dapat na iunlad nito sa mga teknikal, administrative at creative na aspeto. Higit sa lahat, kinakailangan ang patuloy na paggabay sa programming at mga interactive na kakabit nito para matiyak na mananatili itong daluyan at palitan ng diwa at sigla ng alternatibong pelikula at sining, at magagawa lamang ito kung magpapatuloy ang suporta sa Cinekatipunan ng mga filmmaker, film producer at tagapanood.”
balik sa itaas
| sunod |