Taon 6 • Blg 05 • Pebrero 7, 2007

SURING BALITA, Pebrero 1, 2007
Sumulong ka Anakpawis!
Ka Bel at Ka Paeng: Pinapanday ang kinabukasan, inihahasik ang mga binhi ng pagbabago

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SURING BALITA

Guwapa ang Gabriela Women's Party
Natatangi at nangungunang partido ng kababaihan

Balita sa telebisyon isang tanghali noong nakaraang araw ang paglaban ng mga tindera at kababaihan ng Gabriela sa demolisyon sa Cultural Center of the Philippines Complex. Sa pagitan ng brodkas ng balita, ipinalabas ang isang patalastas ng Gabriela, kinatatampukan ng ilang artista at isang senador, na nanawagang iulat ng publiko sa Gabriela ang anumang kaso ng pang-aabuso sa kababaihan. Sa gabi, tampok naman sa TV ang palabas na “Asian Treasures” na pinagbibidahan ni Angel Locsin bilang matapang at palabang babae. Ang kanyang pangalan: Gabriela.

Halimbawa ang mga ito ng lawak at saklaw ng pagkakilala sa Gabriela, ang natatangi at nangungunang koalisyon ng mga organisasyong pangkababaihan sa bansa.

“Iniluwal ito ng 20 taong pagkilos ng Gabrielapara sa karapatan at kagalingan ng mga kababaihan,” paliwanag ni Cristina Palabay, Pangkalahatang Kalihim ng Gabriela Women’s Party, ang tanging partido ng mga kababaihan sa ika-13 Kongreso. Dahil sa tuluy-tuloy na pagdadala ng mga isyu ng kababaihan mula nang itatag, naitatak na sa isip ng publiko ang pagkakakilala sa Gabrielabilang imahe ng kababaihang lumalaban.

Tampok sa makulay na kasaysayang ito ang nakaraang tatlong taon, nang ang Gabriela ay sumabak sa parlamentaryong pakikibaka sa pamamagitan ng paglahok ng Gabriela Women’s Party sa eleksiyong party-list noong 2004. Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ipinaglaban nito ang interes ng “babae, bata at bayan.” Nagiging bukambibig na ang palayaw na Guwapa, ibig sabihin ay maganda o mainam, bilang tawag sa GWP.

Pakikilahok
Bilang natatanging partido ng kababaihan sa Kongreso, lumahok ang Gabriela Women’s Party sa maiinit na usaping pampulitika. Kinatawan nito ang tindig ng malawak na bilang ng kababaihan sa naturang mga usapin.

Isa sa mga nanguna ang Gabriela at Gabriela Women’s Party sa pagsasampa ng impeachment laban kay Pangulong Arroyo sa salang pandaraya sa halalan, pagsisinungaling at panunupil sa mga kritiko niya. Sa mga naturang reklamo, kinatawan ng Gabriela ang pulso ng mayorya ng maralitang kababaihan. Ayon sa mga sarbey, nais ng mga ito na panagutin si Arroyo sa mga seryosong alegasyon.

Para kay Palabay, halimbawa ang dalawang kampanyang impeachment noong 2005 at 2006 kung paano naging aktibong kalahok ang kababaihang constituency ng Gabriela sa mga ehersisyong pulitikal. Noong 2005, may 100 kababaihang maralita mula sa iba’t ibang komunidad na kinikilusan ng Gabriela ang nagbantay sa deliberasyon ng Kamara. Dito umano nila tuwirang nakita kung paano pinilit na ikubli ng administrasyon ang katotohanang magdidiin kay Arroyo.

“Dahil sa paglahok sa proseso, nasasabi ng kababaihan kung paano nila sinubaybayan ang impeachment pero wala pa ring nangyari,” ani Palabay. “Kaya natutunan nila na dapat magpalakas pa tayo sa labas (ng Kongreso).”

Sa marami pang isyung pampulitika, sinikap ng Gabriela na direktang isangkot ang kababaihan. Sa pamamagitan ng mga konsultasyon sa kinatawan nito, gayundin sa paglahok sa mga kilos-protesta, pag-oobserba sa mga prosesong lehislatibo at iba pang gawain, nasasanay ang kababaihan na makialam sa mga ehersisyong pampulitika na nagpapagalaw sa bansa.

“Pagsasanay ang mga ito para sa higit pang pampulitikang paglahok at pamumuno ng kababaihan sa mga usapin (ng sektor at bayan),” paliwanag naman ni Kinatawan Liza Largoza Maza. Bilang bukod tanging representante ng Gabriela sa Kongreso, mabigat ang gawaing nakaatang sa balikat niya.

Malaki rin ang iniaambag ng kilusang kababaihan sa labas ng Kongreso sa “pagpapayaman at pagpapatalas” ng gawaing lehislatibo. Halimbawa, paliwanag ni Palabay, naging katangi-tangi ang pagsisikap ng Gabriela na kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Dahil ito sa mga datos at impormasyong ibinabahagi ng kababaihan sa komunidad na pangunahing tinatamaan ng pagsirit ng mga presyo.

Nakita rin ito sa pagsusulong ng Gabriela sa imbestigasyon sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa; pagtaas ng presyo ng LPG (liquified petroleum gas); at sa kampanya para sa lehislatibong pagtataas ng sahod ng mga manggagawa (P125) at mga kawani ng gobyerno (P3,000).

Sabi ni Palabay, sa mga usaping pangkababaihan tulad ng prostitusyon, mas tumining at tumalas ang pagpapaliwanag at paglikha ng mga panukalang batas dahil sa buhay na mga karanasang iniaambag ng kilusang kababaihan. Tampok sa isyu ng prostitusyon ang pagsisiwalat ni Maza sa negosyong escort service, na kung tutuusin ay isang uri ng prostitusyon. (Ang usapin, na pinanghawakan ni Maza, ay uminit nang suportahan niya ang pagbubulgar ng artistang si Keanna Reeves at ilunsad ang imbestigasyon ng Kongreso.)

Siyempre, pinatingkad ng Gabriela ang isyu ng panggagahasa kay Nicole ng mga sundalong Kano noong Nobyembre 2005 bilang usapin ng indibidwal na biktima, kababaihan at buong bayan. Sa pagsisikap ni Maza, malawak ang nakuhang suporta ni Nicole sa mga kongresista. Bunga nito, ang Kamara ay nag-apruba ng isang resolusyon para igiit ni Arroyo ang pagkuha ng kustodiya ng Pilipinas sa maysalang si Daniel Smith. Luminaw na ang kaso ni Nicole ay lantarang paglabag sa soberanya at Saligang Batas ng Pilipinas.

Adyendang lehislatibo
“Bukod sa pagsagot sa mga usaping pampulitika, talagang may nakahandang legislative agenda ang GWP sa Kongreso,” sabi ni Palabay. Ang adyendang iyon ay walang pagod na ibinandila ni Maza.

Sa ika-13 Kongreso, kinilala si Maza bilang isa sa pinakamasipag na kongresista dahil sa paghahapag niya ng samu’t saring panukalang batas at resolusyon na pawang nagtataguyod sa mga karapatan ng kababaihan at bata, bukod pa ang mga nauukol sa makabayan at makamamamayang panukalang batas at mga resolusyon.

Ilan sa mga tagumpay ng Gabriela na ipinagmamalaki ni Maza ay ang pagkakaapruba ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice Act; at sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004. Samantala, ilan sa mga tampok na ipinanukalang batas sa kababaihan ng Gabriela ay ang House Bill (HB) 4804 na nagtitiyak ng mga proteksiyon at suporta para sa mga biktima ng prostitusyon, ang HB 4016 hinggil sa pagkakaroon ng diborsiyo sa Pilipinas, ang pag HB 1017 na nagbibigay ng pantay na karapatan sa mag-asawa sa mga kaso ng marital infidelity at ang pag-amyenda sa Solo Parent Act upang matiyak ang tulong sa mga single parents. Nagsumite rin ng mga resolusyon ang Gabriela upang ipatigil ang pagtaas ng matrikula ng mga estudyante.

Sa kabuuan, nakapagsumite si Maza ng 24 panukalang batas at 50 resolusyon na may kaugnayan sa karapatan at kagalingan ng kababaihan at bata, estudyante, migrante, nars, empleyado ng gobyerno, maralitang lungsod, manggagawang babae; at hinggil sa pampulitikang panunupil, karapatang pantao, VFA at soberanya ng bansa, value-added tax, at kontraktuwalisasyon ng paggawa ng kababaihan.

Samantala, Gabriela rin ang isa sa pangunahing nangalampag para sa pagpapatupad ng makabuluhang mga proyektong pangkababaihan, sa paggamit ang badyet ng Gad (Gender and Development). Nakasaad sa batas ang paglalaan ng mga ahensiya ng gobyerno ng limang porsiyento para sa mga proyektong nagtataguyod ng mga karapatang pangkasarian. Dahil sa reklamo ng kababaihan sa mga komunidad ukol sa kakulangan ng pagpapatupad sa Gad, naghapag ng mga resolusyon sa loob ng Kongreso upang siyasatin kung paano ginagamit ang Gad.

Mga proyektong sosyo-ekonomiko
Ang Gabriela ay naglunsad rin ng mga sosyo-ekonomikong proyekto sa constituencies ng partido. Kadalasan, sa mga ordinaryong kongresista, naipapatupad ito sa pamamagitan ng kani-kanilang PDAF (Philippine Development Assistance Fund), o mas kilala sa bansag na pork barrel.

“Ikinakampanya namin ang pagbabasura sa PDAF dahil isa ito sa nagtataguyod ng patronage politics,” giit ni Palabay. “Pero hanggang nandiyan iyan, kinakailangang mapunta ito sa mga proyektong kapaki-pakinabang sa pinakamaraming mga mamamayan.”

Kabilang sa nabenepisyuhan ng PDAF ng Gabriela ang paglalaan ng pondo sa mga ospital at sentrong pangkalusugan para sa ating mga kababayang maralita na napapabayaan ng gobyerno at nangangailangan ng karagdagang pondo. Nagpatayo mga school buildings at nakapagpaayos ng mga klasrum. Naipatayo ng Gabriela ang ilang sentrong gusali sa mga komunidad para sa pangangalaga ng mga karapatan ng kababaihan at pagsasanay sa kanila sa gawaing pangkabuhayan.

Hinarang ng administrasyon ang PDAF ng Gabriela, siwalat ni Palabay. Maraming proyekto ang nabitin. Gayunpaman, nakapaglunsad pa rin ang partido ng napakaraming proyektong pangkababaihan, pangkalusugan at pambata, sa pamamagitan ng mga sariling pagsisikap ng mga kababaihan na magmobilisa ng rekurso sa labas ng Kongreso.

“Ipinakita namin na (meron man o walang PDAF, maaaring) makapaglunsad ng mga proyekto para sa mga kababaihan at mga mamamayan,” dagdag pa ni Palabay.

Tangkang pagsupil
Naniniwala si Palabay na ang mga tagumpay na nakamit ng Gabriela sa Kongreso ang dahilan kung bakit natatakot sa kanila ang kasalukuyang rehimen. Sa pamamagitan ng paninira, pananakot at pamamaslang, sinikap nitong supilin at pahinain ang hanay ng militanteng kababaihan.

Halimbawa nito ang tangkang pagsupil diumano ng Malakanyang sa “progresibong representasyon” sa Kamara. Nang ideklara ni Pangulong Arroyo ang Proklamasyon 1017 noong Pebrero 24, 2006, isa si Maza sa progresibong mga kongresista na sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kuwestiyonableng kasong rebelyon.

Kasama nina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Teddy Casiño at Joel Virador, at Anakpawis Rep. Rafael Mariano, si Maza ay kinailangang pumailalim sa protektibong kustodiya ng Kamara para maiwasan ang ilegal na pang-aarestong walang mandamyento, tulad ng ginawa ng DOJ kay Anakpawis Rep. Crispin Beltran.

Tumagal ng 71 araw ang tinaguriang “Batasan 5” bago sila nakalabas sa bisa ng pagbasura ng korte sa walang-batayang kaso ng gobyerno. Sa loob ng panahong ito, iginiit ng lima ang kanilang karapatan, gayundin ang karapatan ng mahigit dalawang milyon at 200 libong bumoto sa kanila.

“Dahil sa paggigiit ng mga representanteng ito sa kanilang mga karapatan, maraming kababaihan ang nagsabi kay Rep. Maza na naturuan sila ng kung paano lumaban,” sabi pa ni Palabay.

Sa loob din ng panahong ito, ipinaglaban ng kababaihan si Maza at ang kanilang karapatan. Walang patid ang pagdagsa ng mga tagasuportang nagbantay kay Maza at sa Batasan 5 sa kabila ng bantang aresto. Sa labas ng Kamara, nagsagawa ang Gabriela ng kampanyang “Free Our Sisters, Free Ourselves!” para kay Maza at sa mga lider ng Gabriela na sina Luz Ilagan, Elisa Tita Lubi at Emmi de Jesus, na isinangkot ng DOJ sa kuwestiyonableng kasong rebelyon.

Tuloy ang laban
“Marami pang dapat gawin,” sabi ni Palabay, nang tanungin kung bakit nagdesisyon ang Gabriela na muling sumabak sa susunod na halalan sa Mayo. Aniya, simula pa lamang ang huling tatlong taon sa tungkulin ng Gabriela sa gawaing parlamentaryo.

“Kaya ang tema namin sa kampanya, ‘Babae, Bata, Bayan, tuloy ang laban!’” sabi naman ni Maza.

Kabilang sa kakaharapin ng Gabriela ang pagtutulak sa pagrepaso, kundi man tuluyang pagbasura, sa VFA. Layon din ng partido na mas paigtingin ang pagtataguyod ng Gabriela sa interes ng migranteng Pilipino, na ang mas marami ay babae.

“Sa katunayan, nagpapahayag ng pagsuporta ang maraming overseas Filipino workers (OFW) at kanilang kapamilya sa Gabriela. Patunay rito ang pagtatayo ng mga tsapter ng Gabriela sa ibang bansa tulad ng Hong Kong,” deklara ni Palabay.

Kung magwawaging muli sa halalan, balak ng Gabriela na mas masusing harapin ang polisiya ng gobyerno na nagtutulak sa mga mamamayan na mangibang bansa para magtrabaho. Pag-iibayuhin din nito ang pangangalaga sa mga migranteng kalimita’y inaabuso sa ibang bansa pero hindi sapat na napngangalagaan ng gobyerno.

Sa kabila ng panunupil at lahat ng hadlang, masasabi nina Palabay at Maza na lumawak pa nga ang kasapian ng Gabriela Women’s Party. Kaya nga, kung noong huling halalan, nakakuha ito ng 464,568 boto, ngayong taon ay tinatarget nito ang mahigit isang milyong boto para makopo ang tatlong kinatawan sa Kamara.

Pero anuman ang kahihinatnan ng halalan, hindi matatawaran ninuman ang pamumuno at mga tagumpay ng Gabriela sa laban ng kababaihan, bata at, siyempre, ng sambayanan.

Mga panukalang batas ng GWP para sa kapakanan at karapatan ng kababaihan at mga bata

1. HB 1020 – Nagdedeklara sa Nobyembre 25 bilang Pambansang Araw ng Kamalayan para sa Eliminasyon ng Karahasan sa Kababaihan. (Naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Kamara; ipinadala sa Senado noong Mayo 11, 2006.)
2. HB 1026 – Panukalang Nagtatakda na Lehitimo ang mga Anak ng Di-kasal na mga Magulang. (Naipasa sa ikatlong pagbabasa; ipinadala sa Senado noong Mayo 31, 2006.)
3. HB 1021 – Panukalang Nagbibigay ng Edukasyon sa Kasarian sa Lugar ng Trabaho. (Ipinasa sa ikatlong pagbasa; ipinadala sa Senado noong Agosto 14, 2006.)
4. HB 1025 – Panukalang Nag-aamyenda sa Artikulo 26 ng Executive Act No. 209, o Family Code, Pag-aamyenda sa Executive Order No. 227
5. HB 1028 – Panukalang Nagbibigay ng Hiwalay at Nakalaang Kulungan para sa mga Babaing Preso sa Bawat Distrito, Lungsod, Piitan sa Munisipyo, Pag-aamyenda sa Purpose Section 63 ng RA 6975
6. HB 1029 – Panukalang Nag-uutos na Magbigay ng Insentibo sa Women and Girls Human Rights Awareness Program in Media Act of 2004 at para sa iba pang Layunin
7. HB 1018 – Panukalang Nagbibigay ng Benepisyo sa Maternity Leave sa mga Di-kasal na Buntis na Kababaihan na nasa Serbisyo sa Gobyerno
8. HB 1017 – Panukalang Nagbibigay ng Pantay na Karapatan sa mga Asawang Babae at Lalaki sa Pilipinas sa Pamamagitan ng Pag-amyenda sa Articles 333, 334 at 335, Kilala rin bilang Revised Penal Code Act No. 3815, na Inamyendahan
9. HB 1021 – Panukalang Nag-aamyenda sa Titulo Apat ng Librong Apat ng Labor Code ng Pilipinas na Nagbibigay ng Edyukasyong Pangkababaihan at Pangkasarian sa Lugar ng Trabaho
10. HB 1023 – Panukalang Nagsasanib ng Edukasyon sa Kababaihan, Batang Babae at Karapatan, Pagkakapantay at Kagalingan sa Kasarian sa Lahat ng Antas ng Pampubliko at Pampribadong Eskuwelahan (Women, Girls and Gender Education Act of 2003)
11. HB 4016 – Panukalang Naglalatag ng Diborsiyo sa Pilipinas, Nag-aamyenda para sa The Purpose Titulo II, Article 55 at 56 at Article 26 ng Executive Order No. 209, na Inamyendahan, o ang Family Code of the Philippines na Nagpapawalambisa sa Artikulo 36 ng Nasabing Code, at para sa iba pang Layunin
12. HB 4804 – Panukalang Tumitiyak ng Protektibong mga Hakbang para sa mga Biktima ng Prostitusyon
13. HB - Solo Parent Act of 2006

Mga resolusyon ng GWP para sa kapakanan at kagalingan ng kababaihan at mga bata
1. HR 16 – Resolusyong Humihikayat kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na Muling Pagtibayin ang Komitment ng Pilipinas sa Optional Protocol ng United Nations Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women at Agarang Ipadala ang Nalagdaang Tratado sa Senado ng Pilipinas para sa Ratipikasyon
2. HR 124 – Resolusyong Nagtatakda sa Komite sa Kababaihan upang Magsagawa ng Agarang Imbestigasyon, bilang Tulong sa Lehislasyon, hinggil sa Naiulat na Paggamit ng mga Kompanyang Escort Service Bilang Prente ng Prostitusyon at Magrekomenda ng mga Hakbang para Itigil ang Naturang mga Gawain
3. HR 160 – Resolusyong Humihikayat sa Kamara ng Pilipinas na Magbigay ng Buong Suporta sa Agarang Pagpapatupad ng Panukalang Batas sa Kompensasyon na Ipinasa ng House of Councilors ng Japan na Humihingi ng Agarang Resolusyon sa mga Isyu ng mga Biktima ng Seksuwal na Pang-aalipin noong giyera, mas Kilala bilang “Comfort Women,” na may Layuning Tuunan ang mga Di-resolbadong Isyu ng Comfort Women
4.HR 325 – Resolusyong Nagpapahayag ng Damdamin ng Kamara upang ang 5% ng Pondo para sa Gender and Development (Gad) ay Ganap na Mailaan at Maipatupad ng Lahat ng Ahensiya at Lokal na Yunit ng Gobyerno para sa mga Programa at Proyekto sa Ikabubuti ng Kababaihan, laluna ng mga Napapabayaang Sektor sa Panahon ng Kasalukuyang Krisis-Ekonomiko at piskal at para sa Pagtitipid ng Pambansang Gobyerno
5.HR 345 – Resolusyong Nagtatakda sa Kamara sa pamamagitan ng Komite sa Kababaihan at Katarungan na Magsagawa ng Agarang Pag-uusisa, bilang Tulong sa Lehislasyon, ukol sa Lumalabas na Tunguhin ng Walang-Batayang Pagbabasura sa mga Kaso ng Karahasang Domestiko na Isinasampa sa Department of Justice at Ilang Lokal na Korte Samantalang Dapat ay Ipinatutupad na Mula pa Marso 2004 ang Republic Act 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at gumawa ng mga hakbang ukol dito
6.HR 353 – Resolusyong Nagtatakda sa Kamara sa Pamamagitan ng Komite sa Kababaihan, Kasama ang Committee on Oversight, na Usisain ang kalagayan ng Pagpapatupad ng Iba’t ibang Ahensiya ng Gobyerno, Kagawaran, Kawanihan, mga Instrumentalidad, Opisina, Kolehiyo at Pamantasan ng Estado, at Lokal na Yunit ng Gobyerno sa Paglalaan ng 5% ng Badyet para sa Gender and Development (Gad) sa Kani-kanilang Opisina, at Magrekomenda ng Karagdagang Hakbang para Masiguro na ang mga Hakbang para sa Gad ay Papakinabangan ng Kababaihan laluna ng mga nasa Napapabayaang Sektor
7. HR 1410 – Resolusyong Nagtatakda sa Komite sa Kalusugan ng Kamara upang Mag-usisa sa Lumalabas na Pagpapabaya ng mga Opisyal ng Rizal Medical Center sa Lungsod Pasig, at ng Kagawaran sa Kalusugan, at iba pang Pangyayaring Nauwi sa Pagkamatay ng Pitong Sanggol sa Naturang Ospital, at Magrekomenda ng mga Hakbang para Masigurong Mananagot ang mga Responsableng Opisyal Pangkalusugan, at upang Hindi na Maulit ang mga Katulad na Insidente, Matiyak ang Pagbibigay ng Ligtas, May-kalidad, Mabilis at Abot-kamay na Serbisyong Pangkalusugan sa mga Magiging Ina at mga Magiging Sanggol Nila sa Buong Bansa.
Paninindigan ng Gabriela Women’s Party

Ganap na naninindigan ang GWP para sa karapatan ng kababaihan upang:

1. Mamuhay sa lipunang walang paghamak at pandarahas sa babae;
2. Maging pantay sa kalalakihan sa lupang pinagyayaman; gayundin sa pantay na karapatan sa pamamasukan at sa pasahod na nakasasapat para mabuhay;
3. Malayang lumahok sa lahat ng diskursong pampulitika, pagkilos, paggawa ng desisyon sa pamilya, sa komunidad at sa bansa; gayundin sa pantay na representasyon, nang walang itinatanging kasarian, sa lahat ng usaping panlipunan, pampulitika at pangkultura;
4. Magtamo ng mga serbisyo at kagalingang pangkalusugan, lalo na sa panganganak at pag-aaruga ng sanggol;
5. Mag-asawa batay sa malayang kagustuhan, may pantay na respeto at dignidad, at sapat na pagtataguyod at pagkalinga sa kanilang mga supling;
6. Maigiit ang mga pangangailangan ng mga anak tulad ng wastong pag-aaruga, sapat na pagkain, kalingang pangkalusugan, ligtas na kapaligiran, panahong makapaglaro; proteksiyon laban sa pang-aabuso at pagsasamantala; magtamo ng makabayan, siyentipiko at pangmasang edukasyon na walang kinikilingang kasarian;
7. Isulong ang kapakanan ng mga bakla at tomboy at igiit sa lipunan ang kalayaang piliin ng isang tao ang gusto niyang kasarian;
8. Igiit at ipagtanggol ang karapatan ng bansa na magpasya sa sarili at pangalagaan ang mga pamana o patrimonya ng lahi;
9. Magkaroon ng isang patakarang panlabas na malaya at kapakipakinabang sa ekonomiya at seguridad ng bansa; at
10. Maitatag ang isang gobyernong tunay na demokratiko at kumakatawan sa nakararami.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006