Puntos para sa UN Rapporteur
Noel Sales Barcelona
DARATING
ngayong buwan si
Philip Alston, ang UN (United Nations) Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions. Natuwa ang mga pamilya ng mga biktima subalit nadismaya rin. Ayon kasi sa mga balita, si Sec. Norberto Gonzales, tagapayong panseguridad ni Pangulong Arroyo, ang “mag-aasikaso” sa bisitang inaasahang makatutulong para malutas ang mga kaso ng pampulitikang pamamaslang sa Pilipinas at gayundin, matukoy ang pinakautak sa krimen.
Bukod dito, inilabas din ang ilang bahagi ng ulat ng Komisyong Melo sa panahong dadalaw si Alston sa bansa, bagay na maaaring makaapekto sa pagiging “indipendiyente” ng imbestigasyon ng UN Special Rapporteur.
“Ang Karapatan ay marami nang inihapag na kaso sa UN, kasama na ang iba’t ibang sektor, pero hindi pinayagan ng gobyerno ni Arroyo na makapasok sa ating bansa [ang UN Special Rapporteur],” paliwanag ni Doris Cuario, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-ST (Southern Tagalog).
Ang UN Special Rapporteur for Extra-judicial, Summary or Arbitrary Executions ay ang natatanging komite ng UN na nalikha noong 1996 sa bisa ng isang resolusyon. Pangunahing gawain nito ang mag-imbestiga at patuloy na mag-ulat tungkol sa mga pagpaslang sa iba’t ibang bansa.
“Ngayon, sa pamamagitan ni Exec. Sec. Eduardo Ermita at ng Nica (National Intelligence Coordinating Agency) at sa pangunguna ni Norberto Gonzales, pinayagan na pumasok dito [ang UN Special Rapporteur] para magpabango [ng pangalan] dahil alam nilang marami nang isinagawang fact-finding mission dito na ang international community na tumutukoy kay Gng. Arroyo bilang pangunahing may pananagutan sa mga krimeng ito,” aniya.
Ayon naman kay Glen Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Martir ng Bayan, bagaman ikinatutuwa nila ang pagpunta ni Alston sa bansa, nangangamba silang maging “pamunas” lamang ng administrasyon ang imbestigasyon nito dahil sa mas malaki ang oras na gugugulin ng naturang opisyal ng UN sa pakikipag-usap sa mga tauhan ng militar at gobyerno, kaysa sa mga pamilya ng mga biktima at mga organisasyong apektado ng pampulitikang pamamaslang. Bagay na hindi malayong mangyari aniya, dahil sa itineraryong naihanda na ni Gonzales.
Sa kabilang banda, patutunayan naman ng mga abogado ng mga biktima ng pamamaslang ang sala ni Gng. Arroyo. Ayon kay Atty. Romeo T. Capulong, hepe ng PILC (Public Interest Law Center), sapat ang mga ebidensiyang nakalap nila para madiin ang Pangulo sa mga salang pagpatay sa mga kasapi at lider ng progresibong mga grupo.
Mula pa noong Agosto 2006, patuloy ang grupo ni Capulong sa pangangalap ng mga ebidensiya at napatunayan nito ang anim na punto:
(1) Ang mga pagpatay, pagdukot at pagkawala ng mga biktima ay may motibong pulitikal;
(2) Mga pulis, militar, paramilitar at iba pang puwersang nakaugnay sa gobyerno ang gumawa ng naturang mga krimen bunsod ng ipinatutupad na giyera ng gobyerno — sa programang Oplan Bantay-Laya na may patnubay ang gobyernong US — laban sa CPP-NPA-NDFP;
(3) Prinsipal na puntirya ng pamamaslang ang mga lider at aktibistang kaanib ng progresibong mga grupo at party-list na tinatakan ng gobyernong Arroyo bilang prenteng mga organisasyon ng CPP-NPA;
(4) Isang patakaran ng estado ang paggawa ng naturang mga krimen at direktang nanggagaling ang kautusang patayin, dukutin at hindi ilitaw ang mga biktima kay Gng. Arroyo mismo;
(5) Ang estratehikong layunin ng lahat ng ito ay puksain ang mga rebolusyonaryong puwersa (CPP-NPA) sa pamamagitan ng paglipol sa mga kasapi at lider ng mga sektoral na organisasyon at party-list na kumakatawan sa mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod, migrante, kababaihan, kabataan at estudyante, mga minorya, mga taong simbahan, manggagawang pangkarapatang pantao at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao, mamamahayag, abogado ng karapatang pantao at iba pang propesyunal; at
(6) Ang mga kakampi ng gobyerno ni Macapagal-Arroyo ay nagsusulong ng mapaminsalang kampanya para kamuhian ng mamamayan ang mga komunista, sirain ang kredibilidad ng mga biktima ng pamamaslang at sabihing mga kriminal sila para ikondisyon ang isip ng publiko na kamuhian at saktan sila.
Kumpiyansa si Capulong na magwawagi ang kanilang laban at mapananagot nila si Arroyo, sampu ng mga kasapakat niya, sa mga krimeng ipinararatang sa kanila.
(May ulat si Angel L. Tesorero.)
Panayam kay Prop. Jose Maria Sison
Hinggil sa Komisyong Melo at tulong ng mga grupong internasyonal sa isyu ng pamamaslang sa Pilipinas |
Pinoy Weekly (PW): Ano po ang masasabi ninyo sa ipinalabas na bahagyang ulat ng Komisyong Melo hinggil sa pamamaslang sa mga aktibista at kritiko ng pamahalaang Arroyo? Bakit kaya si Palparan lamang ang inirekomendang kasuhan ng Komisyon at hindi na nagbigay ng paliwanag kung may kinalaman ba sa mga pagpatay si Pangulong Arroyo?
Prop. Jose Maria Sison (JMS): Panloloko sa bayan at panibagong inhustisya sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang tao ang kawalang lubos na liwanag tungkol sa nilalaman ng ulat ng Komisyong Melo. Pinapaugong ng Malakanyang na inaakusahan ng ulat ang militar at si Heneral Palparan tungkol sa ilang pamamaslang. Kasabay nito, sinasabi rin nila na hindi lamang ang militar at pulis ang gumagawa ng mga krimen. Sa gayon, pinagtatakpan nila ang kriminal na pananagutan ni Gloria M. Arroyo at mga alipuris niyang militar at pulis sa higit nang 820 na pamamamaslang at higit na 200 pagdukot sa ilalim ng Oplan Bantay-Laya I at II.
PW: Bagaman inamin nina Hen. Esperon at Pangulong Arroyo na maaaring may ilang militar na sangkot sa pamamaslang, iilan lamang umano sila at sinabi pa ng dalawa na mismong mga nasa maka-Kaliwang grupo ang pumatay sa kanilang mga kasamahan. Ano pong masasabi ninyo rito?
JMS: Talagang talamak na mga kriminal at sinungaling sina Heneral Esperon at Arroyo. Sila ang mga salarin sa pamamaslang. Pero ibig pa nilang palitawin na ang mga biktima ang dapat sisihin bilang mga komunista at ibig din nilang palitawin na mga komunista ang pumaslang sa kanila. Kabaligtaran ito ng katotohanan na bago paslangin ng mga death squad ng militar ang mga biktima ay lantarang pinagbabantaan at ginigipit sila ng militar. Sa maraming kaso, may mga saksi sa mga pangyayaring militar ang pumapaslang. Kasali sa mga saksi ang mga nakakaligtas sa mga salakay ng mga death squad. Sukdulan ang pagiging demonyo nina Arroyo at Esperon.
PW: Ano po ba ang maitutulong ng internasyunal na mga grupo upang lumabas ang katotohanan hinggil sa patuloy na pamamaslang sa mga kasapi ng militante at progresibong mga grupo?
JMS: Malaki ang maitutulong ng internasyonal na mga grupo, laluna iyong mga may malasakit sa karapatang tao, sa paghahantad ng katotohanan tungkol sa pamamaslang sa militante at progresibong mga aktibista. Mga international fact-finding group at people’s tribunal ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, relihiyoso, abogado at iba pa ang nauna at patuloy na naghahantad ng katotohanan. Malaki rin ang naging papel ng Amnesty International at iba pang human rights organizations.
Tingnan natin kung ano ang magagawa ng UN Human Rights Committee, UN Human Rights Council at iba pang human rights treaty bodies ng UN at mga international rapporteur ng UN. Mahirap umasa sa kanila kahit na kailangang bigyan sila ng impormasyon tungkol sa mga paglabag sa mga karapatang tao. Problema na ang US at rehimeng Arroyo ay nakakapagmaniobra sa loob ng UN.
Sa The Hague sa Marso, magkakaroon ng sesyon ang Permanent People’s Tribunal tungkol sa Pilipinas para litisin ang rehimeng Arroyo at mga imperyalistang kasabwat nito sa paglabag sa mga karapatang tao, pandarambong sa ekonomiya ng Pilipinas at paglabag sa pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino. Mas magaling ang magagawa ng Permanent People’s Tribunal kaysa sa UN sa paglalantad sa kaimbihan ng rehimeng Arroyo at mga amo nitong imperyalista. |
balik sa itaas | sunod |