| Nitong nakaraan,
nagkaroon ng epidemya
ng pagtatae o diarrhea sa
Bohol. Napakaraming nabiktima, karamihan ay mga batang edad tatlong taon pababa. Subalit alam n’yo bang hindi sakit ang pagtatae o diarrhea? Isang likas na mekanismo ito ng katawan para linisin ang sarili mula sa nakikilala niyang “marumi”, gaya halimbawa ng kontaminadong pagkain o tubig.
Ayon kay Herminia de Guzman-Ladion, rehistradong nars at may-akda ng aklat na Halaman: Kahanga-hangang Pampagaling (Philippine Publishing House, 1989), ang diarrhea ay palatandaan na may problemang gastro-intestinal ang pasyente.
Bagaman likas na mekanismong panlinis, kapag tumindi na ang pagdurumi, maaaring makapagdulot naman ito ng pinsala sa katawan bunga ng pagkaubos ng tubig at sustansiya na kailangan para manatili itong malakas, masigla at gumagana nang maayos.
“Dehydration” ang tawag sa pagkaubos ng tubig sa katawan na maaaring magdulot ng pagpalya ng iba pang organo ng katawan.
Kaya, payo ni Ladion, agapan agad ang pagdurumi bago pa man ito lumalâ at magdulot ng pinsala sa pasyente.
Aniya, huwag munang kumain o uminom ng kahit ano sa loob ng apat na oras sa unang atake pa lamang ng pagtatae. Uminon nang paunti-unti ng 7-UP (isang klase ng softdrinks) o sabaw ng buko. Gawin ito kada 30 minuto sa panahong nagdurumi.
Para sa mga sanggol na sumususo, huwag munang painumin ng gatas ang sanggol kundi pansamantalang pasusuhin ito ng am o sabaw ng sinaing. Maaari ring gamitin ang sabaw ng buko. Gaya ng nabanggit na, huwag siyang bibigyan ng anumang pagkain o inumin maliban sa sabaw ng buko o am.
Kung hindi matigil ang pagdurumi sa loob ng 24 oras, kailangan nang ikonsulta ito sa doktor para maresetahan ng kaukulang gamot.
Para maiwasan naman ang pagkaubos ng tubig, maaaring bigyan ng Oresol® o oral rehydration salt ang pasyente.
May mga halaman namang maaaring gamitin para mapagaling ang pasyente sa kanyang karamdaman. Isa na rito ang tanglad o lemon grass.
Para sa dekoksiyon (decoction): magpakulo ng 10 murang dahon ng tanglad sa dalawang basong (500 ml.) tubig. Lagyan ito ng isang kutsarang asukal at isang maliit na piraso ng dinikdik na luya.
Ang dosis para sa matatanda: painumin sila ng isang tasa ng nalikhang tsaa, tatlong beses maghapon at sa tuwing durumi sila nang matubig-tubig o malabnaw. Sa mga sanggol naman, isang kutsara, tatlong beses maghapon at kung tuwing durumi siya nang malabnaw. Sa mga batang edad dalawa hanggang anim, ¼ na tasa, tatlong ulit maghapon; sa batang pito hanggang 12, ½ tasa, tatlong beses maghapon.
(Sa susunod na isyu, tatalakayin natin “Anu-ano nga ba ang dahilan ng pagtatae?”)
balik sa itaas
|