| Matinding labanan
Gary V., Angeli, Lani vs Gretchen
LUMALALA ang away nina
Gretchen Barretto at Lani
Mercado kahit umapila na
si Bong Revilla na tigilan na ang patutsadahan dahil ang nakikinabang lang ay ang mga komersiyal na news organization—TV, radyo, pahayagan, magasin atbp. Kahit sinabi ni Lolit Solis na nagkausap na sila ng kasama sa bahay at buhay ni Gretchen na si Tony Boy Cojuangco ay hindi pa humuhupa ang gererang si Greta at ang kaparangan ng digmaan na kanyang sinuungan.
“Kasi ba naman, dapat ay hindi na siya nagkomento tungkol sa private life and love life ni Bong,” pahayag ni Lolit. “Ang sinasabi lang naman ni Lani ay mas maganda ang isang pagsasama na may kasal. Walang marriage kung walang kasal, di ba? ‘Yan ang logic no’n. E, si Gretchen, pinalaki pa,” dagdag pa ni Lolit.
Maraming pangalan ang nadamay halimbawa’y sina Dina Bonnevie at Rufa Mae Quinto. Ayon kay Lolit, bakit sina Dina at Rufa Mae ay hindi na nagsasalita tungkol kay Bong. “Kasi, baka naman hindi makalimutan ni Gretchen ang natikman niya kay Bong,” mapangahas na pahayag ni Solis na lalong nagpaalsa ng usapin.
Gayunman, itinanggi ni Rufa Mae na may “nangyari” na sa kanila ni Bong at sinabing matalik lang silang magkaibigan. “Friends ko naman ang Revilla family dahil pitong taon na rin naman kaming magkasama sa TV show ni Bong,” pagtutuwid ni Quinto.
Aminado si Rufa Mae na tinawagan agad siya ni Barretto nang mga sandaling maglitanya si Lolit ng mga babaing nagkaroon ng ugnayan kay Bong. “Iyak siya nang iyak. E, anong magagawa ko kung close ako kay Gretchen? Kasi, marami na kaming pinagsamahan. Nagustuhan niya ako noon sa isang performance ko kaya pinadalhan niya ako ng card noon at sinabi niyang bilib siya sa akin. Siyempre, flattered ako,” kumpisal ni Rufa.
Dalawa umano, sa pagbawi at pagtutuwid ni La Solis, ang Rufa na kanyang tinutukoy na naging kasintahan ni Bong. Iba lang nga ba ang ispeling? Ang ibig bang sabihin ay pati si Ruffa Gutierrez ay kasali sa isyu? ***
Bukod sa pagpapagpag ng mga dumi sa kumot sa publiko kung saan ay tumatambad ang maiiskandalo, nakakapanginig-buto at nakapagpapatayo ng mga balahibo sa katawan, may pulitikal na implikasyon ang gulong ito sa lahat lalo na sa diretsang pulitikal na buhay ni Revilla.
Kahit na patriyarkal ang lipunang Pilipino, nangangamba marahil si Bong sa epekto ng mga tsismis at intriga na ito tungkol sa kanyang pagkalalaki. Kahit na sabihing “bale-wala sa lalaki ang tumuhog nang tumuhog sa mga babae,” ang isip ng mga Pinoy ay nagbabago na tungkol sa responsibilidad ng isang lalaking Pinoy para ariing tao, may puso at isip ang isang babae na dapat igalang at seryosohin.
Pero hanggang pangingiliti lang ng imahinasyon at usapin sa kanto para makalimot sa mga problema ng buhay ang dulot, apekto at epekto ng mga iskandalong ito.
Proseso rin itong sosyo-kultural at pulitikal kung saan ang “paglilihim ng mga sekretong relasyon” ng mga sikat at popular ay nabubuko rin. Totoo kahit kailan ang kasabihang “walang lihim na hindi nabubunyag.”
Ilan sa atin ang maraming itinatagong “lihim” lalo na sa pagnanasa sa kapwa o sa isang bagay kahit na siya o ito ay may nagmamay-ari na. Kahit man lang sa utak ay naglalaro ang “paglilihim” na ito. ***
Ang mag-asawang Gary Valenciano at Angeli Pangi-linan-Valenci-ano naman ang kaaway ni Gretchen. Nag-payo umano si Angeli kay Gretchen na humingi ng pa-umanhin kay Lani para matapos na ang lahat.
Siyempre, tumaas ang dugo sa inis at galit ni Greta kaya nakapagsabi siyang bakit nakikialam si Angeli sa kanyang mga problema samantalang may dapat din siyang solusyunan sa kanyang personal na buhay dahil ayon kay Barretto, hindi nga ba’t “inagaw” ni Angeli si Gary sa kanyang kapatid na si Felichi Pangilinan.
Muli, repleksiyon ito ng lipunang Filipino at kung paano ang mga tatsulok na pag-ibig ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga tao.
Bakit hindi natin himayin ang mga buhay-buhay nina Gary, Angeli, Gretchen, Felichi at ihambing ito sa ating mga buhay o sa buhay ng mga kakilala natin? Maaaring sa paghihimay ng mga bagay-bagay ay may mga leksiyon sa buhay na maaaring makamtan sa pagdanas o kahiman lang na pag-oobserba sa mga personal na mga eksistensiya ng mga mahal natin sa buhay. Sa ganito ay may magandang epekto at aral sa buhay ang panonood natin sa mga personal na alitan ng mga artista. ***
Paano natin hindi sasabihin na saklaw ng tarayan nina Gretchen at Angeli ang pulitika at negosyo samantalang kasangkot ang kani-kanilang mga mahal sa buhay sa pamamalakad ng ekonomiya at gobyerno—bukod pa sa pang-araw-araw na tunggalian na salamin din ng pulitika?
Si Gretchen ay ang mahal sa buhay ni Cojuangco na isa sa maiimpluwensiyang komersiyante sa bansa-naglalandas ng direksiyon ng buhay ng mga Pilipino at si Angeli ay kapatid ni Senador Francisco “Kiko” Pangilinan.
Hindi lang nga nakikialam nang hayagan o nagsasalita sa publiko si Kiko tungkol sa hidwaan na ito dahil maaaring ariin niyang “pampulitika” o “pambatas” lang siya.
Bilang kaputol ng pusod, may nasa isip si Kiko o maaaring nasabi niya nang walang pakundangan sa kanyang asawang si Sharon Cuneta tungkol sa pagkatao ni An-geli—ito man ay propesyunal o personal.
Maingat ang mga pulitiko na magbitiw ng kahit isang kataga o katiting na salita tungkol sa mga personal na bagay sa kanilang kapwa—kahit kadugo—dahil baka mapahamak at madamay ang kanyang opisyo lalo na at tinitingnang malayo sa kanyang trabaho ang “tsismisan” at “intrigahan” tungkol sa buhay-buhay ng mga tao.
Pero nagkakamali si Kiko dahil ang panlipunang aktuwasiyon at reaksyon at interaksiyon ng mga tao tulad ng kanyang kapatid na si Angeli ay tumataginting na kakabit ng kanyang pulitika at dapat na talakayin din kaugnay sa kanyang pagganap sa pampublikong tungkulin upang maisapersona ang implikasyon at kontribusyon nito sa paglikha, pag-ugit at pagpapatupad ng mga batas dahil ang mga reglamento ng pamahalaan ay hindi lang tungkol sa importasyon o bigamya o ugnayang-panlabas at marami pang larangan kundi malawak na sinasakop nito ang lahat ng gawain ng mga tao sa kanilang lipunan—at ang mga taga-showbiz ay tao ring mga mamamayan sa lipunan. ***
Hindi lang ang mga balitang-showbiz, ulat-pampelikula, “tsismis,” “intriga” o anumang tawag ang dapat arukin at kagiliwan ng mga Pilipino kundi ang mga batas at iba pang polisiya na nagpapalakad sa buhay ng isang tao sa kanyang lipunan.
Ito ay hindi ibig sabihin na wala nang halaga ang “reklamo” ni Gretchen laban sa pahayag ni Angeli kundi mas mainam na alamin ang mga pasikut-sikot at rekotitos, ang mga bukal na impluwensiya at kumikipil na kapangyarihan sa mga buhay ng mga sikat bilang salamin ng buhay ng mga hindi sikat.
Walang pagkakaiba ang mga akusasyon ni Gretchen kay Angeli sa patutsadahang personal ng mga pulitiko—kalaban o kakampi. Ang naiiba lang ay ang mga taong gumaganap sa mga karanasang ito, ang mga pangalan at hitsura nila.
Sa isang pangunahing paralelismo ay hindi ba’t inisyuhan din si Unang Ginoo Mike Arroyo na “siyota” niyang si Vicky Toh at kahit walang komento si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo rito ay tiyak na may naiisip siya tungkol dito bagamat hindi niya isinasapubliko.
Ano naman ang masama kung talakayin at himayin din ang panlipunang implikasyon, motibasyon at direksiyon ng tatsulok umanong ugnayang ito kung makapagpapalinaw sa tunay na kahulugan ng liderato ang resulta at kapupuntahan nito? ***
Sa katuusan, ang sinasabing “tsismis” at “intriga” sa showbiz ay kailangang seryosohin at ariing edukasyunal dahil maraming matututunan sa mga sosyo-pulitikal-kultural na tagpong ito.
Ang sabi nga’y impormasyon din ang “tsismis.”
Inspirasyon din ito dahil may mga aral sa buhay na natututunan.
balik sa itaas |