Buhay ang bukal na aktibismo Judy M. Taguiwalo Hay
naku, mga mare! Pambobola na naman ang isinasalubong sa atin ni
Gloria sa bagong taon. Kesyo raw ang ating ekonomiya ay nasa ‘upswing’
o umuunlad. Kesyo raw papataas na ang antas ng pamumuhay ng mga
mamamayang Pilipino. Higit sa lahat, kesyo raw ngayon ay ramdam
na ramdam ng mga mamamayan ang mga pag-unlad na ito.
Kilala na natin si Gloria bilang mapanlikha. Nilikha
nila ni Garci ang mga boto niya noong halalang 2004 na tila ba kayang-kaya
nila itong hugutin mula sa kawalan. Nakalikha siya ng tagpi-tagping
kuwento para ipataw ang sari-saring mapanupil na polisiya sa mga
mamamayan katulad ng calibrated pre-emptive response, EO464 at PP1017.
At ngayon, lumilikha siya ng pang-ekonomiyang ilusyon para mapaniwala
ang taumbayan na gumagaan na ang buhay nating lahat.
Ang ating mga sikmura, mga mare, ang magsasabi
kung gaano katotoo ang mga kwentong ito. Kasi mga mare, ayon sa
sarbey ng Social Weather Station o SWS, ang kagutuman ay nag-double
digit na simula noong 2004 kung kailan “nanalo” si Gloria
sa halalan. At ayon sa sarbey noong Disyembre 2006, 19 porsiyento
ng mga Pilipino ay nakaranas ng kagutuman sa nakaraang tatlong buwan.
Ito ang pinakamataas na rekord ng kagutuman sa bansa.
Ayon din sa sarbey, 52 porsiyento ng Pilipino
ay naniniwalang sila ay mahirap at 40 porsiyento ay naniniwalang
kapos sila sa pagkain. Ilang porsiyento lang ba sina Gloria at kanyang
mga alipores na nagsasabing umuunlad na ang pamumuhay ng taumbayan?
Sa halip, ano ba ang sumasayad sa ating mga sikmura
mga mare kundi ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, gasolina
at lalo na ng LPG. Ayon sa monitoring ng Center for Women’s
Resources, ang LPG ay 14 beses nagtaas ng presyo ngunit 11 beses
lamang nag-rollback. Suma total, P34.50 ang average na itinaas nito
noong nakaraang taon. Ang diesel naman ay 14 beses ding nagtaas
ng presyo ngunit siyam na beses lamang nag-rollback kaya nasa P2.89
ang itinaas nito noong 2006. Ang gasolina ay 19 beses nagtaas ngunti
siyam na beses lamang nag-rollback kaya nasa P1.96 ang itinaas ng
presyo nito.
Kaya mga mare, dapat nating suriing mabuti ang
bawat pahayag na lumalabas sa bibig ng mga nasa pamahalaan ni Gloria.
At higit sa lahat, huwag tayong matakot na sabihin kung ano ang
totoo kahit na iyon ay taliwas sa kanilang pahayag. Palayain natin
ang katotohanan dahil ang katotohanan din ang magpapalaya sa atin.
nauna
| balik sa itaas |