Taon 6 • Blg 04 • Pebrero 1, 2007

Editoryal at Opinyon, Enero 24, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KOTEKSTOTALINONG KANTO MARE?ALAM NYO BA MGA MARE?

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Ang gobyernong US at ang hustisya

Nabalitaan ba ninyo, mga mare, ang tungkol sa isang nanay na nasabugan ng granadang M203 habang may Balikatan exercises? Si Vizma Juhan, mula sa Jolo, Sulu ay dalawang buwan sa ospital, tinanggalan ng kidney, pinutulan ng isang bahagi ng kanyang bituka at hanggang ngayon ay madami pang shrapnels sa katawan. Noong linggo, binayaran ng gobeyrnong US ang ginastos niya sa ospital pati na ang nasira niyang kabuhayan.

Ganito, mga mare, tratuhin ng gobyernong US ang kanilang mga biktima, mga bagay na may katumbas na pera. Tila ba mabubura ng pera ang trauma na sinapit ni Vizma at makakabili ito ng bagong kidney at bituka.

At kahit mapatunayang maysala ang sundalong US, tiyak na ito ay hindi mapapatawan ng parusa. Tulad na lang ni Lance Corporal Smith na hinatulan ng korte ng Pilipinas na maysala sa panggagahasa kay “Nicole” at itinakas ng gobyernong US isang madaling araw ng Disyembre habang ang mga Pilipino ay nakabakasyon para sa Pasko.

Samakatuwid, mga mare, walang buto ang gobyernong US para harapin ang kanyang mga kasalanan. Malala pa, marami sa biktima ng mga panggegera na ito ng Amerika ay kababaihan. Ang paglala ng prostitusyon sa Pilipinas ay isa nang matingkad na halimbawa ng epekto ng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas. Ang Olongapo nga at Angeles kung saan may mga base ng Kano ay tinaguriang ‘twin cities of sex.’ At dahil na din sa pagkakapasa ng Visiting Forces Agreement ang bilang ng red light districts sa bansa ay tumaas mula pito noong 1994 hanggang 37 pagdating ng 2001.

Laganap din ang karahasan laban sa kababaihan, lalo na ang panggagahasa, kapag may mga sundalo. Noong isang taon, naging malaking balita ang panggagahasa at pagpatay ng tatlong US Marines sa isang labintatlong taong gulang na babaing Iraqi. Pinagbabaril din ng tatlo ang kanyang limang taong gulang na kapatid, at ama at ina.

May epekto rin sa kababaihan ang mapanganib na kemikal na iniiwan ng militar. Halimbawa, sa Vietnam na isa sa mga bansang biktima ng agresyon ng Amerika, maraming nagbubuntis ang nakunan, nakaranas ng birth defects o nagkaroon ng reproductive cancer.

Ganito kadami at ganito kalala ang pinsalang dulot ng panggegera ng gobyernong Amerika sa kababaihan. Ilan pa lamang sila Vizma at Nicole sa kanilang naging mga biktima na pinapalabas nilang binigyan nila ng katarungan. Subalit sila rin ang mga ehemplo ng kawalan ng hustisya ng gobyernong US sa mga mamamayan ng mga bansang pinagdadalhan ng kanilang mga sundalo.

Mula sa gobyernong US ay wala tayong maaasahang tunay na katarungan, mga mare. Kaya, mga mare hindi tayo dapat magpakasapat sa paghihintay ng hustisya. Dapat tayong kumilos hanggang sa mapanagot ang gobyernong US sa mga kasalanan nito sa kababaihan.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006