Pasanin ng migrante bilang
kaligayahan ng gobyerno
May mga bagong polisiya para sa mga
may planong maging katulong sa ibang
bansa ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na sa unang tingin lang maganda.
Sa isang banda, sino ba naman ang tututol sa pagtataas ng minimum na sahod sa $400 bawat buwan mula sa kasalukuyang $200 bawat buwan? Hindi ba’t mainam ding pagbawalan ang mga ahensiya na maningil ng placement fees?
Para sa administrasyong Macapagal-Arroyo, ang mga dapat mamasukan sa ibang bansa ay hindi lang mga simpleng katulong kundi “supermaids.” Dahil dito, kailangang sila ay 25 taong gulang bago payagang makapagtrabaho. At higit na importante ang pagkakaroon ng skills training course mula sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) at language and culture seminar sa Overseas Workers Welfare Administration (Owwa).
Ang bayarin para sa pagsasanay ay sinabing aabot sa P8,000 hanggang P10,000. Bukod pa rito, kailangan ding magbayad ng karagdagang P1,000 para sa bawat sertipikong ibibigay ng Tesda at Owwa. Pinagbawalan nga ng pamahalaan ang paniningil ng placement fees, pero lumalabas na patuloy pa ring magpapaluwal ng pera ang mga gustong makapagtrabaho bilang katulong sa ibang bansa. Ang kaibahan lang, hindi na sila magbabayad sa mga recruiter, kundi sa pamahalaan na!
Totoong ang bayarin para sa pagsasanay ay dagdag na pasanin ng isang may planong maging overseas Filipino worker (OFW). Bago pa man mangibang-bansa, kailangang magbayad ng POEA Processing Fee (P4,000), Owwa Welfare Fund Contribution (P1,250), Owwa Medicare (P900), POEA Overseas Employment Certificate (P100) at pagpoproseso ng pasaporte. Kung ang mangingibang-bansa ay isang entertainer o seafarer, kailangan niyang magbayad din para sa Artist Record Book o Seaman’s Book na nagkakahalaga ng P5,000. At kung pinalad man siyang maging OFW, ang ilan sa mga pangunahing bayarin ay passport renewal, authentication fee, medical certificate at visa fee per extension.
Umabot sa 1,092,055 ang OFW noong 2006, at tinatayang 300,000 sa mga ito ay mga katulong. Sa ganitong dami ng mga nangibang-bansa, malaki ang nakolekta ng POEA at Owwa. Napabalitang ang POEA ay kumita ng P283.8 Milyon noong 2002. Ang Owwa naman ay sinasabing may combined assets noong Hunyo 2004 na nagkakahalaga ng P8 Bilyon.
Ang ipinapadala naman ng OFW ay tinatayang $14-B noong 2006. Sa kontekstong ito dapat suriin ang planong pagtataas ng sahod. Bagama’t totoong makikinabang ang pamilya ng OFW sa pagtaas na ito, mas layunin ng pamahalaang pataasin pa ang OFW remittances sa mga taong darating. Sa kabila ng pag-amin ng pamahalaang baka magkaroon ng 40 porsiyentong pagbaba sa pagkuha ng mga Pilipinong katulong, ang pinagsamang kita ng mga natitira pang kumikita ng $400 bawat buwan ay hindi hamak na makakapagpataas sa OFW remittances.
At sa sitwasyong ang minimum na sahod sa Pilipinas ay nananatiling mababa at ayaw ng pamahalaang itaas ito, hindi ba’t mas napipilitan ang mga manggagawang makipagsapalaran na lang sa ibang bansa? Mataas man ang mga bayarin, patuloy silang kakapit sa patalim para tulungan ang mga mahal sa buhay.
Ang kasalukuyang kalakaran ay nagsisilbi sa interes ng pamahalaan dahil patuloy itong kikita hindi lang sa pamamagitan ng mga dolyar na pinapadala ng mga OFW kundi sa mga sinisingil sa kanila ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Papalapit na ang Mayo at natatandaan naman natin kung paanong ginamit ang pera ng mga migrante sa nakalipas na eleksiyon noong 2004. Ang pondo para sa Owwa Medicare na nagkahalaga ng P3.4-B ay inilipat sa PhilHealth sa pamamagitan ng Executive Order No. 182 noong Pebrero 2003. At sa isang memorandum ni PhilHealth President at CEO Francisco Duque, sinabing: “The proposed transfer will have a significant bearing on the 2004 elections. I will be available to explain in greater detail the far-reaching implications of the transfer.”
Hindi tuloy nakakagulat kung ngayon ay ipinagyayabang ng mga nasa kapangyarihan na malakas ang kanilang elektoral na makinarya at kayang-kaya nilang durugin ang oposisyon. Marami kasing pinagkukunan ng pera, at kasama na rito ang mga kawawang migrante na kung saan ang pinag-iinitan ngayon ay ang mga gustong mamasukang katulong.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |