| Sa SEC ba o sa Labor Arbiter? Maaari bang
magdemanda ang isang
opisyal ng korporasyon sa tanggapan ng Labor Arbiter? Hindi ba at labas sa kapangyarihan ng Labor Arbiter ang ganitong mga kaso?
Sa kasong Rural Bank of Coron (Palawan) Inc. vs. Annalisa Cortes (G.R. No. 164888, December 6, 2006) ay tinalakay ng ating Korte Suprema ang nasabing mga tanong.
Nagsimulang magtrabaho si Annalisa sa Rural Bank of Coron sa Palawan bilang isang clerk. Pagkalipas ng maraming taon, nahirang siyang Corporate Secretary ng nasabing bangko. Bukod sa kanyang pagiging Corporate Secretary, nagtatrabaho din siya doon bilang Financial Assistant at Personnel Manager.
Isang araw, nagpasya ang mga nangangasiwa sa bangko na tanggalin si Annalisa sa lahat ng posisyong kanyang ginagampanan. Wala sanang tutol rito si Annalisa basta ibigay lang ng bangko ang kanyang mga benepisyo, katulad ng 13th month pay at iba pa.
Sa kasamaang palad, hindi ibinigay ng bangko ang hinihingi ni Annalisa. Dahil dito, nagdemanda ng illegal dismissal laban sa bangko si Annalisa. Idinemanda niya ito sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Simple lang ang depensa ng bangko: walang karapatan ang Labor Arbiter na hawakan ang kaso. Si Annalisa ay isang Corporate Secretary. Ang posisyong kanyang ginagampanan ay bilang opisyal ng korporasyon. Ayon sa Presidential Decree 902-A, ang demanda ng isang opisyal ng korporasyon laban sa korporasyon ay kailangang isampa sa Securities and Exchange Commmission (SEC) na siyang may kapangyarihang lumitis dito. Lumalabas na hindi ito nasasaklaw ng kapangyarihan ng Labor Arbiter. Kung ganu’n, hiling ng bangko, dapat lamang ibasura ng Labor Arbiter ang kaso ni Annalisa sa dahilang wala siyang jurisdiction sa kasong ito.
Hindi nakumbinsi ng bangko ang Labor Arbiter. Naglabas ito ng desisyon kung saan panalo si Annalisa at inuutusang magbayad sa kanya ng separation pay at iba pang bayarin ang bangko.
Hindi nakuntento sa desisyon ng Labor Arbiter ang bangko. Inapela nito ang kaso hanggang nakaabot ito sa Korte Suprema.
Tama sana ang bangko kung ang posisyon lamang ni Annalisa ay bilang Corporate Secretary, sabi ng Korte Suprema. Ayon sa PD 902-A, ang kaso ng isang opisyal ng korporasyon laban sa korporasyon ay dapat isampa sa SEC (ngayon ay sa Regional Trial Court na sang-ayon sa Republic Act No. 8799). Ang Corporate Secretary ay isang opisyal ng korporasyon. Malinaw sa batas na kapag opisyal ng korporasyon ang may kaso laban sa korporasyon, hindi sa tanggapan ng Labor Arbiter dapat ihain ang nasabing kaso.
Ngunit si Annalisa ay hindi lamang Corporate Secretary ng bangko. Siya rin ang Financial Assistant at Personnel Manager nito.
Ang Financial Assistant at Personnel Manager, sabi ng Korte Suprema, ay empleyado ng bangko. Maaaring mataas na ito na uri ng empleyado, pero empleyado pa rin. Sa madaling sabi, si Annalisa ay hindi lamang corporate officer ng bangko. Siya ay empleyado rin nito sa bisa ng kanyang pagiging Financial Assistant at Personnel Manager.
Ayon sa Labor Code, ang kasong illegal termination na isinampa ng isang empleyado laban sa kanyang kompanya ay nasa ilalim ng tanggapan ng Labor Arbiter, dugtong pa ng Korte Suprema. Tinanggal ng bangko sa pagiging Financial Assistant at Personnel Manager si Annalisa. Maliwanag na may karapatan siyang maghain ng kaso sa Labor Arbiter.
Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang desisyon ng Labor Arbiter at ipinanalo si Annalisa. balik sa itaas | sunod |