Taon 6 • Blg 04 • Pebrero 1, 2007

Editoryal at Opinyon, Enero 24, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KOTEKSTOTALINONG KANTO MARE?ALAM NYO BA MGA MARE?

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Ugat ng Karahasan

PUMALAKPAK ang tainga at lumitaw ang gilagid ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo nang tawagan siya sa telepono sa pulong kamakailan ng WEF (World Economic Forum) sa Davos, Switzerland ni Presidente George W. Bush ng Amerika. Halatang pang-uuto, malugod siyang pinuri ni Bush at sinabing may “kahanga-hangang liderato” sa ginagawang pagpuksa ng mga tropa ng gobyerno sa itinuturing nilang mga bandido’t teroristang Abu Sayyaf.

Natural, dahil likas na sa pambansang liderato na lumutang sa alapaap tuwing pupurihin ng mga diyus-diyosan sa Washington, agad iyong ipinagbunyi’t ipinangalandakan ni Sekretaryo Ignacio Bunye, tambolero ng Malakanyang, at sinabi naman ni La Gloria na “dakilang modelo para sa kapayapaan sa Mindanao” ang militaristang kampanya ng gobyerno laban sa Abu Sayyaf. Maliwanag tuloy – maging sa mga naunang yugto ng pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa Amerika – na madaling bilugin ni Uncle Sam ang ulo ng mga lider ng bansa upang maging garapalang mga papet at dakilang mga alalay.

Hindi na tuloy katakataka kung lalo pang mangayupapa’t magpakasangkapan sa interes ng Amerika ang kasalukuyang pambansang liderato at buong dahas na suportahan ang inimbentong giyera ni Bush kontra diumano sa pandaigdigang terorismo. Mapapansin tuloy na nanggigigil ang umiiral na rehimen na mapagtibay na ang batas kontra terorismo na, maliwanag, walang pakundangang sasalaula nang husto sa demokratikong mga proseso at sa sagrado’t lehitimong mga karapatang sibil ng sambayanan at, tiyak, lalo pang magbubunsod ng mga karahasan bilang mapanikil at mapanakot na hakbang ng Estado at marahas din namang pagtutol ng mulat na mga mamamayan.

Sa militaristang takbo ng kurtadong utak ng pambansang liderato – makasunod lamang sa dikta ng mga panginoong Amerikano – sinasabing malayo tuloy malutas ang mga karahasang umiiral ngayon sa pagitan ng gobyerno at ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) at, gayundin, ang madugong sagupaan ng mga tropa ng gobyerno at ng CPP-NPA sa halos apat na dekada na nitong rebolusyonaryong pakikibaka.

Malalim na nga ang ugat ng gayong mga karahasan at, kung matapat ang anumang pambansang liderato sa kapakanan ng bansa – hindi sa makasariling mga interes at nakababaliw na mga ambisyon – makabubuti marahil na suriin nilang lubos upang malunasan ang matibay na mga dahilang nagbubunsod ng mga karahasan. Niliwanag na, noon pa man, ni Camilo Torres – isang paring taga-Colombia na sumapi sa mga gerilya sa kanyang bansa – ang mga dahilang iyon na, hindi mapapasubalian, ay namamayani ngayon sa Pilipinas.

Sa punto ni Camilo Torres, magpapatuloy ang mga karahasan hanggang lumalaganap ang karalitaan at inhustisya, hanggang nagmamalabis sa kapangyarihan, naglu-lublob sa mga pri-bilehiyo at walang pakundangang kino-kontrol ng naghaharing-uri ang pambansang ekonomiya at pulitika sa kapinsalaan ng masang sambayanan. Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang inutil ang Estado na maipagkaloob sa mga mamamayan ang pangunahing mga pangangailangan, gaya ng pagkain, pabahay, mga ospital at paaralan.

Ayon sa kanya, magpapatuloy ang mga karahasan hanggang nagbibingi-bingihan at usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, ay nagiging padalus-dalos at kalimitang pumapabor sa mga maimpluwensiya’t makapangyarihan. Hindi masasawata ang mga karahasan hanggang itinatanikala sa lupa ang mga magsasaka mabundat lamang ang mga propiyetaryo’t asendero at, sa kabilang banda, natutulog ang gobyerno at ayaw ipatupad ang reporma sa lupa.

Binigyang-diin niya na hindi mapipigil ang mga karahasan hanggang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng di-makatuwiran at sobrang mga buwis para mapalamon ang mga mayayaman at may madambong ang mga opisyal ng pamahalaan. Iiral at iiral ang mga karahasan hanggang napakasasangkapan ang Estado sa dayuhang mga interes at patuloy na ibinibenta ng mga kinauukulan ang pambansang kasarinlan at kapakanan at kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.

Pero, sa kabilang banda, sa dikta na rin ng Amerika sa pamamagitan ng mapandigmang utak ni Bush, kamay na bakal at dahas kontra dahas ang pinaiiral na hakbang ng umiiral na rehimen batay na rin sa militarista at makadayuhan nitong mga patakaran. Malulunasan nga kaya ang patuloy na mga karahasan hanggang nagbubulag-bulagan ang pambansang liderato sa mismong mga ugat nito? O talagang kurtado na ang utak ng mga kinauukulan upang isulong ang kapayapaan sa pamamagitan ng isang makatao, makatarungan, makabayan at maunlad na lipunan?

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006