GMA iaabsuwelto ng Komisyong Melo sa mga pamamaslang?
KR Guda / Soliman Santos / Angel Tesorero / Ilang-Ilang Quijano
HINDI SAPAT na parusahan
ang mga opisyal tulad ni
retiradong Hen. Jovito Palparan. Kailangang managot sa mga pamamaslang pampulitika ang mga utak nito, pangunahin na si Pangulong Arroyo.
Ito ang giit ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, sa Timog Katagalugan matapos magsalita sa midya ang dalawang miyembro ng Komisyong Melo, sina retiradong Justice Jose Melo at Bishop Juan de Dios Pueblos, hinggil sa nilalaman ng kanilang ulat na ipinasa sa Malakanyang.
“Kung sinsero ang Komisyong Melo na magbigay ng hustisya, dapat igiit nito ang pagpaparusa hindi lamang ng mga nakabababang pulis at sundalo kundi pati ng mga heneral ng AFP (Armed Forces of the Philippines) pati na rin si Arroyo, na utak ng pamamaslang,” sabi ni Doris Cuario, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-TK.
Inihayag nina Pueblos at Melo kamakailan na nilaman ng ulat nila sa Malakanyang ang pangangailangang panagutin ang ilang matataas na opisyal ng AFP sa pamamaslang, ngunit hindi ang buong militar at gobyerno.
“Sana hindi lang ito pakitang-tao ng komisyon para paniwalain ang mga mamamayan na may ginagawa ito (para masolusyonan ang pamamaslang),” dagdag pa ni Cuario.
Dismayado ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa ulat ng Komisyong Melo dahil sinasabi lamang umano ng ulat kung ano ang alam na ng lahat tungkol sa pampulitikang pamamaslang.
Sinabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, na alam ng lahat na may kinalaman sa pamamaslang si Palparan pero nagpapatuloy pa rin ang pamamaslang kahit nagretiro na si Palparan.
Ipinakikita lamang umano nito na hindi natatapos kay Palparan ang pamamaslang.
“Paulit-ulit naming sinasabi na may pambansang polisiya sa pamamaslang sa mga aktibista. Mukhang hindi pinansin ng Komisyong Melo ang katotohanang ito at inihinto na ang ulat kay Palparan at iniligtas ang administrasyon sa anumang pananagutan,” ani Reyes.
Hinamon pa ni Reyes ang gobyernong Arroyo na sampahan ng kaso si Palparan kung naniniwala itong may kinalaman ang huli sa pamamaslang.
Naniniwala naman si Anakpawis Rep. Crispin Beltran na kailangang managot si Arroyo sa prinsipyo ng “chain of command”, na nagsasabing ang pangulo ang dapat umako ng responsibilidad sa aksiyon ng lahat ng sundalo at opisyal na pinangingibabawan niya.
Samantala, para kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, mistulang “whitewash” o pagwawalang-sala sa mga salarin ang deklarasyon ni Melo na iilang opisyal lamang ang maysala sa pamamaslang.
Sinabi rin ni Ocampo na maaaring binanggit lang ni Melo sa publiko yaong mga bahagi ng ulat na “tanggap na sa publiko” at hindi ang mga bahaging ang mga napatay ay “biktima ng pagpupurga ng Kaliwa” sang-ayon sa malisyosong pahayag ng militar.
“Pinahihina ng ulat ang kaso ng mga mamamayan laban kay Palparan sa pagsasabing naging pabaya lamang siya sa pagpigil sa pamamaslang. Dagdag pa, hindi krimen ang command responsibility sa ilalim ng batas ng Pilipinas,” paliwanag ni Ocampo.
“Ang pananagutan sa pamamaslang ay mauugat sa Malakanyang at Cabinet Oversight Committee on Internal Security. May mga dokumento sa antas ng gabinete na nagpapakita na ang mga pamamaslang ay awtorisado sa pinakamataas antas ng pamunuan,” ani Reyes.
Kabilang sa mga dokumentong tinukoy ni Reyes ang isang papel na iprinisinta ng gabinete ni Arroyo na naglalayong inyutralisa ang mga legal na organisasyon. Bukod pa umano ito sa dokumentong Oplan Bantay-Laya 1 at 2 ng AFP.
Samantala, hinamon ni Sen. Jamby Madrigal si Pangulong Arroyo na isapubliko ang 89-pahinang ulat ng Komisyong Melo.
“Hindi dapat proteksiyunan ni Ginang Arroyo ang mga katulad ni Heneral Palparan. Ilabas niyo ito (ulat ng Komisyong Melo). May karapatan ang publiko na malaman kung ano ang nasa loob nito,” aniya.
balik sa itaas | sunod |