Sumulong ka Anakpawis!
Noel Sales Barcelona
1 Anakpawis, pangngalan. (a) Tawag sa mga manggagawa at magsasaka at sa mga kauri nila; (b) mga taong nagpapawis sa pagtatrabaho para mabuhay, dahil walang ibang kayamanan o pag-aari kundi ang kanilang lakas-paggawa; (k) mga taong lumilikha ng yaman ng bansa subalit nananatiling busabos at winawalang dangal dahil sa mahirap nilang pamumuhay; (d) mga uring inaapi at pinagsasamantalahan; (3) ang bumubuo sa malaking kalakhan ng populasyon ng Pilipinas
2 Anakpawis, pangngalan. (a) partidong kumakatawan sa mga uring may ganoon ding pangalan, at nagsisilbing tinig nila sa Kongreso ng Pilipinas; (b) partidong binubuo ng mahigit sa 400,000 kasapi sa buong kapuluan na pawang manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod at iba pang sangkahig-santuka; (k) partidong nagsusulong ng pulitika ng tunay na pagbabago, sa Kongreso man o parlamento ng lansangan.
Sa totoo lamang,
higit pa sa depinisyong
diksiyunaryo ang Partido
Anakpawis. Sa tatlong taong pananatili sa Kongreso, napanindigan nito ang tunay na kahulugan ng pagiging anakpawis – sa pamamagitan nina Ka Bel (Crispin Beltran, uring manggagawa) at Ka Paeng (Rafael Mariano, uring magsasaka). Anumang panggigipit ng mga nasa poder, hindi sila natakot at nananatiling tapat sa sinumpaang tungkulin: ang pagsusulong sa interes ng mga uring pinakaapi at pinagsasamantalahan. Sa dagat ng mga pating at buwaya
Hindi biro ang hirap na dinanas ng Anakpawis para lamang makaamot ng dalawang puwesto sa Kongreso.
“Pero dahil sa suporta ng masa, nagtagumpay tayong mapasok ang Kongreso at nagawa naman nating lumangoy sa dagat ng mga buwaya at pating sa loob ng tatlong taon,” sabi ni Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis.
Sa Kongreso, dinala ng Anakpawis ang isinisigaw ng sambayanan sa mga lansangan: sariling lupang mabubungkal ng mga magsasaka; trabaho para sa milyun-milyong walang hanapbuhay; sapat na sahod para buhayin ang kanilang pamilya; at pagtataguyod sa mga karapatang pantao na matagal nang niyuyurakan ng mismong gobyerno.
“Lahat ng proyekto natin, masusuma sa 10-Puntong Programa ng Anakpawis, na nakaangkla naman sa popular na linyang ‘Mula sa Masa, Tungo sa Masa.’ Ibig sabihin, dahil sa masa kaya tayo nanalo, kaya dapat ibalik sa masa ang benepisyo,” paliwanag ni Clemente. (Basahin ang 10-Puntong Programa ng Pagkilos ng Anakpawis.)
Aminado si Clemente, gaya nina Ka Paeng at Ka Bel, na sa isang tingin ay “pagpapatiwakal” ang pagsabak sa elitistang pulitika. Dahil lason sa mga kalabang uri ang pulitikang bitbit nila, lagi’t laging sentro sila ng panggigipit ng gobyerno at mga kasapakat nito — sa paglalabas ng pondo para sa mga proyekto o pagpatay sa mga lider at kasapi ng partido.
“Kung tutuusin, napakalimitado ng pondo ng Anakpawis sa Kongreso, katumbas lamang ng pondo ng isang congressional district — na kailangan naman nating hatiin sa mahigit na 70 probinsiya, bukod pa sa ilang libong distrito at barangay na nangangailangan din ng tulong. Pero hindi tayo nagpadaig sa limitasyon. Naitransporma natin ang pondong iyan sa mga kongkretong proyekto gaya ng tulay, farm-to-market roads, kooperatiba, patubig, at tulong-medikal,” pagmamalaki ni Clemente. (Basahin ang Ka Bel at Ka Paeng: Pinapanday ang Kinabukasan, Inihahasik ang mga Binhi ng Pagbabago.)
Sa mismong gawaing lehislatura naman, hindi nagpahuli ang dalawang magigiting na kongresista sa paghahain ng mga panukalang batas at resolusyon, gaya ng P125 dagdag-na-sahod sa buong kapuluan para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor; P3,000 dagdag-suweldo para sa mga kawani ng gobyerno; pagpapababa ng presyo ng mga gamit sa agrikultura; pagpapataas sa presyo ng palay; at tuluyang pagbasura sa ilang tiwaling batas gaya ng Electric Power Industry Reform Act, Downstream Oil Deregulation Law at Expanded Value-Added Tax. “Mga bayaning nasusugatan”
Totoo ngang tila panganganak ang hangad na pagbabago: may bahid ng dugo. Nang ipatupad ang Oplan Bantay-Laya, ang kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo na sinimulan noong 2001, 57 kasapi at lider ng Anakpawis sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pinaslang na.
“Gusto kasing palabasin ng gobyerno, masamang tao tayo. Komunista nga ang bansag sa atin dahil lagi tayong may angal sa mga patakaran nito. Pero paano naman natin kakampihan ang globalisasyon at militarisasyon at iba pa? Hindi mo kailangang maging Komunista para malamang pinsala ang dulot ng mga iyan sa taumbayan sa halip na kabutihan. Umurong ba tayo? Hindi,” may pagngangalit na wika ni Clemente.
Patuloy ang paglago ng kasapian ng Partido Anakpawis. Patuloy na tinatalakay ang mga programa nito sa umpukan sa mga bukirin, kapag nagpapahinga ang mga magsasaka; kapag breaktime ng mga manggagawa sa pabrika; kapag nagkakape ang mga empleyado ng gobyerno na, sabi nga ni Ferdinand Gaite, pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees, katulad ng anakpawis, ay mga lingkod-bayan din.
Sabi rin, ang bayaning nasusugatan, nag-iibayo ang tapang. Walang iniwan sa Partido Anakpawis. Maaaring sugatan, ngunit muling sasabak sa laban. Kahit pa nakapiit si Ka Bel o kinasuhan ng rebelyon si Ka Paeng. Kahit na ituring pang Komunista si Joel Maglungsod, walang pagod na pangkalahatang kalihim ng militanteng Kilusang Mayo Uno. Kahit na kasuhan pa si Gaite dahil sa pag-uunyon sa gobyerno at pagbubulgar niya ng mga kabulukan ng gobyerno.
“Sumulong ka Anakpawis/ Huwag alintanain ang sugat sa dibdib…” Angkop na angkop ang awitin sa imaheng palaban at mapagwagi ng partidong ito.
| Ang programa sa pagkilos
ng Anakpawis party-list |
1. Isulong ang panlipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad na umaasa-sa-sarili sa pamamagitan ng pinag-ugnay na programa ukol sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
2. Itaguyod at isulong ang likas na karapatan ng mga mamamayan sa kabuhayan, sa makatarungan at nakabubuhay na sahod at pag-oorganisa sa sarili.
3. Igiit ang karapatan ng mga magsasaka na mag-ari at magbungkal ng lupa; at ipalaganap ang kampanya para sa kasapatan ng pagkain.
4. Isulong at itaguyod ang karapatan ng mga mangingisda na pakinabangan ang likas na yaman ng karagatan at pangisdaan.
5. Ipalaganap ang likas na karapatan ng mga mamamayan sa disenteng pabahay at kabuhayan at protektahan sila laban sa anumang anyo ng sapilitang pagpapaalis at dislokasyon.
6. Itaguyod ang makabayan at siyentipikong kultura na magpapalaya sa sambayanan mula sa atrasado, piyudal, kolonyal at mapagsamantalang mga paniniwala; kaalinsabay nito ang pagtataguyod sa batayang karapatan sa libreng edukasyon.
7. Alisin ang lahat ng hadlang sa lubos na paglahok ng kababaihan sa produksiyon at pagpapasya; protektahan ang mga bata laban sa sapilitang paggawa at iba pang anyo ng pang-aabuso at pagsasamantala.
8. Bigkisin ang pagkakapatiran at tulungan ng mga samahan at partido ng manggagawa at magsasaka sa buong mundo.
9. Ipagtanggol ang karapatan ng mga mamamayan sa sariling pagpapasya, kalayaan sa dayuhang interbensiyon, dominasyon at kontrol.
10. Garantiyahan ang karapatan sa sariling pagpapasya ng Bangsa Moro, Kordilyera at iba pang katutubong mga pamayanan at tiyakin ang kanilang paglahok sa lahat ng usaping tuwirang nakakaapekto sa kanila. |
| |
Trabaho sa Kamara
ng Anakpawis
Hindi nagpahuli ang mga kongresista ng Anakpawis sa
gawaing lehislatibo. Ang nalalaman nila sa parlamento
ng lansangan, dinala nila sa larangan ng elitistang kamara. |
10 pangunahing panukalang batas
at resolusyon sa Kamara
ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran |
1. HB01063 – Panukalang nagtataas ng P125 sa arawang sahod ng mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor
2. HB01064 – Panukalang nagbibigay ng P3,000 dagdag sa buwanang sahod para sa lahat ng kawani at manggagawa sa pampublikong sektor
3. HB01065 – Panukalang nagbabasura sa Batas Republika Blg. 8479 o “The Downstream Oil Deregulation Act Of 1998”
4. HB01956 – Panukalang nagdedeklara kay Cristanto Evangelista, ama ng militanteng kilusang paggawa, bilang isang pambansang bayani at paglalaan ng pondo sa pagpapatupad nito
5. HB01957 – Panukalang lumilikha ng bagong komite para sa mga migranteng manggagawa, paglalaan ng pondo para rito
6. HB02530 – Panukalang nagbabasura sa Batas Republika Blg. 9136, o “The Electric Industry Reform Act Of 2001”, ang batas sa Epira
7. HB02531 – Panukalang nagtatakda at nagtitiyak sa pag-uunyon sa pampublikong sektor
8. HB02800 – Panukalang nagbabasura sa Batas Republika Blg. 9207 o “National Government Center (NGC) Housing and Land Utilization Act Of 2003” na maghuhudyat ng malawakang demolisyon sa mga komunidad sa lugar na gagawing NGC
9. HB03428 – Panukalang nagtatakda sa isama sa mga aklat ng Araling Panlipunan at Kasaysayan na ginagamit sa elementarya, haiskul at kolehiyo ang buhay at naging mga ambag nina Felixberto “Ka Bert” Olalia at Rolando “Ka Lando” Olalia, mga anti-imperyalistang lider-obrero, sa militanteng kilusang paggawa sa Pilipinas, at ang patuloy na pakikibaka ng mga Pilipinong anakpawis para sa tunay na hustisya at kalayaan, at paglaan ng pondo para rito
10. HB03723 – Panukalang nag-aamyenda sa Kautusang Pampanguluhan Blg. 442 o Kodigo ng Paggawa sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbasura sa Artikulo 263(G) |
10 pangunahing panukalang batas at resolusyon sa Kamara
ni Anakpawis Rep. Rafael “Ka Paeng” Mariano |
1. HB02532 – Panukalang nagbibigay ng karapatan sa lupa sa mga magsasaka
2. HB02591 – Panukalang nagbibigay-seguridad sa mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka
3. HB03028 – Panukalang nagtatalaga sa Enero 22 ng bawat taon bilang Pambansang Araw ng mga Magbubukid
4. HB03728 – Panukalang nagdedeklara sa pondong coco levy at lahat ng nakuha at kinilalang kaugnay nito bilang pondong pampubliko na ituturing na Genuine Small Coconut Farmers’ Fund at lumilikha ng Coconut Industry Development Council sa layunin ng pamamahala rito
5. HB03729 – Panukalang nag-iingat at nagpapanauli sa kagubatan ng bansa sa pamamagitan ng patakarang total log ban sa loob ng 30 taon, lumilikha para sa nasabing layunin ng National Forest Watch and Protection Task Force at Community-Based Councils
6. HB04679 – Panukalang naghihiwalay sa mga bahagi ng lupang saklaw ngunit labis at hindi aktuwal na ginagamit at kinakailangan ng state colleges and universities
7. HB05701 – Panukalang nagtatanggol sa mga karapatan ng mga manggagawa ng Irri (International Rice Research Institute) na nasasaad sa Konstitusyong 1987, nagpapawalambisa sa Presidential Decree 1620 (na nagbibigay sa Irri ng katayuan, kalayaan, pribilehiyo at immunities ng isang internasyunal na organisasyon)
8. HR00092 – Resolusyong nag-uutos sa Committee on Civil, Political and Human Rights at Committee on Public Order and Security na magsagawa ng kagyat na imbestigasyon, bilang tulong sa lehislasyon, tungkol sa pagbomba sa opisina ng Anakpawis Party-list sa General Santos City sa araw ng Sona ni Gng. Macapagal-Arroyo, mangalap ng impormasyon at magparusa sa mga sangkot
9. HR00152 – Resolusyong nagtatakda sa House Committees on Agrarian Reform, Agriculture and Food, at Ecology upang magsagawa ng pangkalahatang pagsisiyasat, bilang tulong sa lehislasyon, hinggil sa labis na land-use conversion at pagrepaso sa lahat ng batas, panuntunan at desisyon ng korte tungkol sa mga ito, at kung kinakailangan, manawagan ng pagpapatigil sa land-use conversion, at mag-ulat sa Kongreso at magbigay ng mga rekomendasyon
10. HR00155 — Resolusyong nag-aatas sa Committee on Agrarian Reform na magsagawa ng pangkalahatang pagsisiyasat sa implementasyon ng Stock Distribution Option (SDO) sa Hacienda Luisita, at magrepaso sa lahat ng umiiral na kautusang administratibo at memorandum of agreement, at kung kinakailangan, umaksiyon para tuluyang matigil ang SDO, at mag-ulat sa Kongreso at magbigay ng mga rekomendasyon |
balik sa itaas | sunod |