| Matapos
ang pagsa-summit, balik sa dating gawi
Tulad
ng inaasahan, ang diumanong “tagumpay” ng ika-12 Asean
Summit at East Asian Summit ay madaliang ipinakahulugan ni Gloria
Macapagal-Arroyo, presidenteng de facto, bilang kumikinang na mga
prediksiyon ukol sa ekonomiya, hindi lang sa medium-term kundi sa
loob ng 2007.
Kauna-unawa ang palakpak ng tenga ni Gng. Arroyo dahil sa dalawang
panrehiyong summit na kaipala’y isang malaking produksiyon
(sa halagang 2 bilyong piso, siyanga pala) ng pagpapaganda sa pampublikong
imprastruktura ng Cebu; magarbong paghahanda ng hapag at masasarap
na pagkain; kaaya-ayang mga pagtatanghal ng awit at sayaw at mga
dagdag na pagsasadulang historikal; at paglundo ng puwersang militar
at pulis para magbantay sa mga sibilyan.
Sagana ang maiinam na photo-ops at sound bytes para sa mga umaasang
dayuhan at lokal na midya na nairita dahil sa arbitraryong pagsasantabi
ng orihinal na iskedyul noong Disyembre batay sa kahina-hinalang
bagyong paparating na iyun pala’y namumuong bagyong pampulitika.
Pero ano ba ang makatuturan, lalo na para sa mayorya ng mga Pilipinong
dumaranas ng walang kaparis na disempleyo at kahirapan? Ayon sa
mga balita, ang adyendang panseguridad ang pangunahing tinalakay
at ang Kumbensiyon sa Kontra-terorismo ang pangunahing resulta.
Sa ngayon, ang sinasabing legally-binding na saligang batas ng Asean,
na may mekanismo para pasunurin ang mga kasaping nagkakamali o hindi
nakikipagtulungan, ay pangganyak pa lamang.
Habang pinapatatag ang tunguhin sa mga kasunduang pangkalakalang
bilateral sa ilalim ng WTO at ng neoliberal na globalisasyon; at
habang itinutulak ang mga bansang Asean para sumuporta sa pagbabalik
sa Doha Round ng nabinbing negosasyon sa WTO, ipinapataw ang ilusyon
na ang Asean ay maaaring maging panrehiyong bloke sa ekonomiya na
gaya ng European Union.
Upang maunawaan ang resulta ng pinakahuling kaganapan sa Asean,
kailangang balikan ang maikli at walang kinang nitong kasaysayan.
Binuo noong 1967 sa basbas ng US, ang Asean ay nagsimula lamang
sa limang bansa. Pangunahing layunin nito na sagkaan ang paglaganap
ng komunismo, sa partikular, ng inaakalang banta ng Tsina, Hilagang
Korea at Indotsina. Sa pagdaan ng mga dekada, sinaklaw nito hindi
lang ang mga usaping pampulitika at pandiplomatiko kundi pati na
ang mga pang-ekonomiyang isyu; at ngayon, pagkatapos ng 9/11, ang
bantad na mga usaping panseguridad. Pinasapi na rin nito ang Brunei,
Myanmar (Burma) at ang tatlo pang bansang Indotsina noong 1999.
Malaki ang pagkakaiba-iba ng mga kasapi nito ukol sa pang-ekonomiyang
pag-unlad at pampulitikang kasaysayan – mga salik kung bakit
hanggang ngayon, ang Asean ay buhaghag at non-binding. “Hindi
kinaya (ng Asean) na harapin ang mga isyung sensitibo at posibleng
magdulot ng pagkakahati-hati,” ayon sa Institute of Political
Economy (IPE), isang grupong nag-aaral ng mga patakaran. Ipinapakita
ito sa malamyang tugon ng Asean sa interbensiyong Vietnamese sa
Cambodia noong 1978, krisis sa East Timor, at sa matagal nang bangayan
hinggil sa Spratly Islands.
Dagdag pa, sinasabi ng IPE na ang Asean ay “hindi tulad ng
European Union (EU) na, sa pagsasanib ng mga rekursong pang-ekonomiya
at pampulitika para bagkus hamunin ang US, ay may pormal na mga
mekanismo para ang mayorya ay bumoto sa mga pangunahing larangan
ng patakaran na nag-oobliga ng mga katapat na patakarang pang-ekonomiya
sa mga bansa. Wala rin itong mga institusyong ‘supra-nasyunal’
tulad ng European Commission, European Courts at European Parliament.”
Ganoon din sa mga pagsisikap para kamtin ang koordinasyong panrehiyon
sa ekonomiya. Ang Afta (Asean Free Trade Area) noong 1992 ay panandang
bato ng Asean bilang unang pagsisikap sa integrasyong pang-ekonomiya
sa buong rehiyon. Sa praktika, gayunman, ito ay napakalimitadong
kasunduan na nahigitan pa ng agresibong nagsasariling hakbangin
ng mga kasaping bansa para magliberalisa. Ang Afta ay nagbigay lamang
ng anyo ng pampulitikang pagtutulungan sa mga pagbabago sa patakarang
pang-ekonomiya na nagaganap na rin naman.
Obserbasyon ng IPE na “ang ganoong mga kahinaan ay nakalilimita
sa posibilidad na ang organisasyon ay makapagsulong ng mga adyendang
sumasaklaw sa buong rehiyon.” Kung anuman, kinikilala ng grupo
na “ang mga huling pangyayari sa daigdig ay maaaring nagtutulak
ng pagbabago (sa sitwasyon).”
Hindi mahirap makita ang mga pagbabagong ito: ang muling pinasiglang
pandaigdigang opensibang pampulitika-pangmilitar at pang-ekonomiya
ng US sa simula ng ika-21 siglo. Mula noong 9/11, ipinakete ito
bilang “digma kontra terorismo” sa pangunguna ng US
na kumikilos kaalinsabay ng kampanya nito para sa “globalisasyon
ng malayang pamilihan.”
Hindi kagulat-gulat, na sa kabila ng halatang pagkawala ng mga
opisyal ng gobyernong US sa ekstrabagansa sa Cebu (noong Disyembre,
si US Secretary of State Condoleezza Rice ay natsismis na dadalo
sa okasyon), ang adyendang pang-ekonomiya at pampulitika-pangmilitar
ng US ay sapat-sapat na dinala ng delegasyon ng Pilipinas, kung
saan si Gng. Arroyo ay sabik na sabik na gumampan ng pagiging tambolera
ng US sa panrehiyong kapulungan.
Bilang patunay, ang Kumbensiyon sa Kontra-terorismo ng Asean ay
malinis na umaakma sa pinapangarap ng neo-konserbatibong grupo sa
administrasyong Bush na “Bagong Siglong Amerikano” ng
hegemonyang global ng US na suwabeng nakabalot sa retorika ng “giyera
kontra terorismo.”
Sa kabilang banda, ang pinakahuling deklarasyon para pabilisin
ang pagbubuo ng Komunidad na Pang-ekonomiya ng Asean pagdating ng
2015 sa halip ng orihinal na target na 2020, ay nagpapatampok lamang
ng kasalukuyang tinatakbo ng mga kasaping bansa ng Asean na mahigop
patungo sa ipu-ipo ng neoliberal na mga doktrina ng liberalisasyon,
deregulasyon at pribatisasyong inilalako ng kombinasyong WTO/IMF/World
Bank na dinodomina ng US.
Pinatunayang muli ng Asean na, sa batayan, ito ay isang pangkatin
ng neokolonyal na mga kliyenteng estado o gobyerno na hawak ng US,
katulad ng mga nasa Indotsina, na nagbago mula sa dati nilang sosyalistang
pundasyon, at sabik na pumapaloob sa pandaigdigang sistemang kapitalista.
Ang mga pinuno ng mga estado na nagtipon sa ika-12 Asean Summit
ay patuloy na kumakatawan sa pampulitika at pang-ekonomiyang mga
elite ng kani-kanilang bansa at hindi sa mayorya ng pinagsasamantalahan
at inaaping mga mamamayan sa rehiyon.
Suma-total, ang “tagumpay” ng ika-12 Asean Summit ay
nagbabanta ng marami pang bigong patakaran at panrehiyong “pagtutulungan”
para magbigay-daan sa imperyalistang dominasyon at pandarambong,
na mas kilala sa tawag na “globalisasyon” at “giyera
kontra terorismo.”
Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala
sa Business World, 19-20 Enero 2007.
nauna | balik
sa itaas | sunod |