Pera at buhay sa panahon ng eleksiyon
Kumakalat
ngayon ang pera habang ang buhay ay nawawalan ng halaga. Eleksiyon
na nga sa bahaging ito ng mundo.
Hindi pa man opisyal na nagsisimula ang kampanya, nanliligaw na
ang mga kakandidato sa mga botante. May isang tatakbong senador
sa ilalim ng tiket ng administrasyon na gustong pansamantalang palayain
ang dating Pangulong nakakulong sa kaso ng plunder na isang krimeng
non-bailable. Para naman sa isa pang kakandidatong senador sa ilalim
naman ng tiket ng oposisyon, bigla niyang binuksan ang pasilidad
ng munisipyo na kung saan siya ang kasalukuyang alkalde sa iba’t
ibang aktibidad ng mga militanteng grupo na dati niyang inaaway.
Malinaw sa dalawang halimbawang ito na gusto ng mga kandidatong
pagandahin ang kanilang imahe para makakuha ng mas maraming boto.
Ngayong papalapit na ang eleksiyon, iniiwasan na ng mga kakandidatong
may mabanggang interes, lalo na kung ang huli ay may hatak sa mga
tao.
Hindi na nakakagulat kung sa puntong ito ay may malaki nang halaga
ng perang pinapaikot ang mga kampo ng administrasyon at oposisyon.
Kailangan naman talaga ng milyun-milyong salapi para makapaglunsad
ng isang seryosong politikal na kampanya. Matatandaang si Mar Roxas
na nanguna sa eleksiyon noong 2004 sa pagka-senador ay gumastos
ng P94.7-Milyon, ayon sa kanyang opisyal na ulat sa Commission on
Elections (Comelec).
Pero mapapansing nagpapakalat ngayon ng pera habang may malawakang
pagpatay. Ang patayan ay hindi lang nangyayari sa pagitan ng nagtutunggaling
kampo ng mga kandidato. Patuloy din ang walang habas na pamamaslang
sa mga aktibista, partikular ang mga lider ng partidong Bayan Muna.
Noon lang Enero 19, pinatay sa loob ng klasrum habang nagbibigay
ng eksaminasyon si Prop. Jose Ma. Cui ng University of Eastern Philippines
(UEP) sa Samar. Bukod sa pagiging founding member ng BM-Northern
Samar, siya ay tagapangulo ng tsapter sa Northern Samar ng Confederation
for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage)
at Act Now! na isang network na kontra sa korupsiyon sa UEP.
Ayon sa fact sheet ng Katungod-Sinirangan Bisaya (SB), si Cui ay
pangalawa sa order of battle ng militar dahil siya ay inakusahang
may mataas na puwesto sa New People’s Army (NPA). Noon nga
raw Nobyembre 2004 ay nagpamudmod ng flyer ang mga sundalo para
siraan siya. Sinabi rin ng Katungod-SB na si Cui ay kinasuhan ng
libelo ni Col. Manuelito Usi, dating commanding officer ng 63rd
Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA).
Napakalakas ng loob ng dalawang salaring pumatay kay Cui dahil
sa mismong harapan ng mga estudyante niya nangyari ang pagpatay.
Malinaw ang mensahe ng ganitong klase ng pagpatay: Bilang na ang
oras ng mga aktibistang katulad ni Cui at kayang-kaya ng mga nasa
kapangyarihang kitlin ang buhay nila. Para sa mga responsable sa
pagpatay kay Cui, hindi mahalaga ang buhay ng mga aktibista dahil
walang lugar sa administrasyong ito ang pagkontra. Hindi sila nagdadalawang-isip
na pumatay ng mga taong iba ang ipinaglalaban. Para sa kanila, sila
lang ang tama at ang mga argumento ng mga aktibistang kontra ay
hindi dapat malaman ng publiko. Hindi na sapat sa panahong ito ang
takutin sila dahil kailangan na silang permanenteng patahimikin.
At ngayong papalapit na ang eleksiyon, inaasahang lalahok ang
mga progresibong grupo sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga kandidatong
nagtataguyod ng interes ng mahihirap at ng paghamon sa mga kandidatong
magbigay ng kanilang posisyon sa mga importanteng isyu ng bayan
tulad ng paglabag sa karapatang pantao. Pero sa pamantayan ng mga
responsable sa pagpatay sa mga aktibista, kahit ang ganitong oportunidad
ay kailangang ipagkait.
Hindi ba’t ilang beses nang pinaratangan ang ilang progresibong
grupo na mga prente diumano ng mga komunista? Hindi ba’t kahit
si Justice Secretary Raul Gonzalez ay sinabihan ang tinaguriang
“Batasan 5” – Reps. Satur Ocampo, Teddy Casiño,
Joel Virador, Liza Masa at Rafael Mariano – na mamundok na
lang dahil doon naman daw sila nararapat?
Dahil sa pagpatay kay Cui, umabot na sa 820 ang mga aktibistang
pinatay mula nang manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
noong 2001. Inaasahang lalaki pa ang bilang na ito ngayong panahon
ng eleksiyon at gagawin ng mga nasa kapangyarihan ang lahat para
mawalan ng boses ang mga progresibong grupo sa Kamara de Representante.
Dahil alam nilang hindi mapapatahimik ang mga aktibista sa pamamagitan
ng pera, ginagamit nila ngayon ang bala. Dahil hindi kayang bilhin
ang kanilang prinsipyo, ang buhay nila ay winawalang-halaga.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |