| Mahirap
maging manedyer Para
maging tama ang pagtanggal sa isang manggagawa sa kanyang trabaho,
dalawang bagay ang hinihingi ng batas. Una, kailangan may sapat
o makatarungang batayan. Pangalawa, kailangang bigyan
siya ng due process o tamang abiso.
Paano binibigyan ang isang manggagawa ng tamang abiso? Una, kailangang
sa pamagitan ng isang sulat, sabihin sa kanya ang alituntuning kanyang
nalabag at hingan siya ng paliwanag tungkol dito. Kung hindi kapani-paniwala
ang kanyang paliwanag at nagpasya ang kompanyang siya ay tanggalin,
kailangan din siyang sulatan tungkol sa pasya ng kompanya.
Paano kung ang manggagawa ay isang seaman o overseas worker? Obligado
ba ang kompanya na bigyan siya ng tamang abiso bago siya tanggalin? Hindi
ba obligado lamang ang kompanya na sumunod sa due process kung
ang manggagawa ay dito sa Pilipinas nagtatrabaho at hindi kung siya
ay nasa abroad?
Sa kasong PCL Shipping Philippines vs. NLRC (G.R. No. 153031,
Disyembre 14, 2006) ay sinagot ng Korte Suprema ang katanungang
ito.
Sa nasabing kaso, nagtatrabaho si Russel bilang able-bodied seaman
sa isang barko. Isang taon ang kanyang kontrata rito at sa ibang
bansa ang kanilang biyahe. Isang araw, nadulas siya habang naglilinis
sa kusina at napilayan sa kaliwang paa. Humingi siya ng medical
examination sa kapitan, ngunit tinanggihan siya nito.
Dahil sa hindi na niya matiis ang sakit, tumalon mula sa barko
si Russel at lumangoy nang naka-life jacket. Dinala siya sa isang
ospital kung saan siya ay ginamot. Nang malaman ito ng kompanya,
agad nitong pinasundo si Russel at pinauwi sa Pilipinas. Sa
madaling sabi, tanggal sa trabaho si Russel. Ang dahilan ng kompanya,
iniwan niya ang kanyang trabaho.
Nagdemanda si Russel ng illegal dismissal at money claims
laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Bilang depensa,
sinabi ng kompanya na siya ang nag-iwan sa kanyang trabaho. Hindi ba’t
siya ang tumalon na tanda ng pag-iwan niya rito? Pangalawa, sinabi
rin ng kompanya na hindi na kailangang abisuhan tungkol sa kanyang
pagkatanggal itong si Russel. Ang due process o tamang abiso,
sabi ng kompanya, ay karapatan lamang ng mga nagtatrabaho
sa Pilipinas. Hindi ito karapatan ng mga seaman o overseas
employee tulad ni Russel.
Natalo ang kompanya ngunit hindi ito tumigil hanggang umabot ang
kaso sa Korte Suprema.
Mali ang posisyon ng kompanya, sabi ng Korte Suprema. Sa usapin
ng pag-abandona o pag-iwan sa trabaho, hindi natin masabi na ang
paglundag ni Russel sa barko ay isang hindi makatarungang
pag-iwan sa trabaho. Isipin natin na si Russel ay nakakaranas
ng matinding sakit dahil sa pilay na kanyang tinamo. Hiniling niya sa
kapitan na siya ay ipagamot ngunit siya ay tinanggihan. Kung siya
man ay tumalon mula sa barko, iyon ay upang maghanap ng lunas sa
kanyang karamdaman. Kailangang ipagamot niya ang kanyang sarili.
Ito ay makatarungan at hindi natin maituturing na kasalanan.
Sa usapin ng tamang abiso, mali rin ang kompanya. Ang Saligang
Batas at ang Labor Code ng Pilipinas ay nagbibigay ng proteksiyon
sa mga manggagawang Pilipino saan man sila naroroon. Kaya kahit
sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa, dapat pa ring manatili sa kanila
ang karapatang iyon. Obligado ang kanilang kompanya na
bigyan sila ng tamang abiso bago sila matanggal sa kanilang trabaho,
tulad din ng ginagawa sa Pilipinas.
Isa pa, ang kontrata sa trabaho ni Russel ay dito ginawa sa Pilipinas
at sinang-ayunan pa ng ating Philippine Overseas Employment Administration,
sabi ng Korte Suprema. Ayon sa patakaran sa ilalim ng international
law, ang batas ng bansa kung saan ginawa ang kontrata ay siyang
masusunod. Dapat lamang kung ganoon na masunod ang ating batas.
Dahil iniuutos ng ating batas ang pagbibigay ng tamang abiso sa
ating mga manggagawa bago sila matanggal sa kanilang trabaho,
dapat binigyan ng kompanya ng abiso si Russel bago siya tinanggal.
Ang karapatan sa due process ay karapatan ng lahat ng manggagawa,
lokal man o overseas, paliwanag ng Korte Suprema.
balik sa itaas | sunod |