
Boom Tarat Tarat
MASARAP pakinggan at kaindak-indak, kahit salat sa katuturan
- gaya ng sikat na kantang Boom Tarat Tarat - ang ipinangalandakan
ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa ipinalabas niyang pahayag
sa nakaraang anibersaryo ng Edsa Dos na mabilis na uunlad ang ekonomiya
ng bansa o magkakaroon ng “economic boom” ngayong 2007.
Ngayon pa lamang, waring nananaginip na ipinagyayabang niyang “nararanasan
na ng mga Pilipino ang mga benipisyo ng pag-unlad ng ekonomiya”
kaya lamang, dagdag niya, “hindi pa nila alam ito.”
Dahil lamang lumakas ang piso kontra dolyar bunga, unang-una,
ng bilyun-bilyong dolyar na ipinapasok sa bansa ng migranteng mga
manggagawa - hindi dahil sa anumang pagbulas ng ekonomiya - at lumalakas
din diumano ang “stock market” gayundin ang merkado
at, bilang patunay, limang SM pa ang itatayo ni Henry Sy at apat
na Robinson ang pasusulputin naman ni Gokongwei, nag-boom tarat
tarat na nga ang kasalukuyang rehimen at gusto nang iduyan sa ilusyon
ng kaunlaran ang sambayanan.
Ginawa ring batayan ni La Gloria ng tararat, tararat na pagsulong
ng ekonomiya ang mga napagkasunduan nila ng iba’t ibang mga
lider ng Asean, organisasyon ng mga bansa sa Timogsilangang Asya,
sa katatapos nitong pagpupulong sa Cebu kaya buong sigabong ipinahayag
niya sa pulong ng mga kilala sa larangan ng pananalapi sa bansa.
“Mabilis nating malalampasan ang mga hadlang sa ekonomiya.
Maliwanag ang direksiyon - isang malakas at masiglang demokrasya
sa Pilipinas sa ilalim ng mga biyaya ng malayang ekonomiya at kalakalan,”
at, kaugnay nito, muli pa niyang binigyang-diin ang mailusyong pangarap
na mapabilang sa mauunlad na bansa (First World) ang Pilipinas sa
2020.
Matupad nga sana ang ambisyosong mga pangarap? Sino ba ang ayaw
na umunlad ang ekonomiya ng bansa, lalo na para sa kapakanan ng
masang sambayanan?
Ang hirap, batay sa umiiral na reyalidad, parang putok lamang
ng mga rebentador ang lahat, saglit na aalingawngaw – boom
tarat tarat, tararat, tararat, boom, boom, boom, pero bigla ring
maglalaho. Ipinakita na ng kasaysayan mulang kolonyalismong Amerikano
hanggang ngayong mala-kolonyal pa rin ang bansa na mananatiling
bitukang agrikultural lamang ng Estados Unidos ang Pilipinas. Hanggang
nakatali sa asintos ng imperyalismong Amerikano hindi lamang ang
mga patakarang pang-ekonomiya ng bansa, kundi maging pampulitika,
pangmilitar, pang-edukasyon o pangkultura, at walang gulugod pa
ang pambansang liderato na suwayin ang kagustuhan ng Washington,
malayong magkaroon ng tunay na pambansang kaunlaran. Hanggang kontrolado’t
pinagsasamantalahan ng iilang naghahari-harian sa lipunan ang pambansang
ekonomiya’t pulitika, imposible nga ring umunlad ang bansa
para sa kapakanan ng nakararaming mga mamamayan.
Maliwanag tuloy na propaganda lamang, dahil sa nalalapit na eleksiyon,
ang ipinangangalandakan ng kasalukuyang rehimen na pagsulong ng
ekonomiya. Anong mga benipisyo nito ang “nararanasan”
diumano ng mga mamamayan ngunit “di pa nila alam,” ayon
kay La Gloria. “Hirap at pasakit,” sabi nga ng mga kritiko
ng administrasyon ang isinukli sa mga mamamayan ng naggantsong Edsa
Dos na nagluklok sa poder kay GMA.
Anumang inimbentong estadistika ang ipalabas ngayon ng mga basalyos
ng Malakanyang, hindi mapapasubalian ang reyalidad. Tumitindi ang
karalitaan at disempleyo sa kanayunan man o kalunsuran. Marami na
ang nagugutom, lalo na sa Kamaynilaan na halos P800 araw-araw ang
kailangan ng pamilyang may anim na miyembro para makatawid-buhay
pero tinututulan pa nga ng mismong mga opisyal ng Kagawaran ng Paggawa
ang hinihinging P125 dagdag-sahod kada araw ng mga manggagawa. Sa
halip na P3,000 kada buwan ang ibigay naman sa mga empleyado ng
gobyerno para higit na makinabang ang ordinaryong mga kawaning kumain-dili,
pinapaboran pa ni La Gloria sa pangakong umentong 10% ang may malalaki
nang suweldo.
Anong “malakas at masiglang demokrasya” ang nakikita
pa ni La Gloria? Buhat nang maluklok siya sa inodoro ng kapangyarihan,
nasalaula na nga ang demokratikong mga proseso at lehitimong mga
karapatan ng mga mamamayan, gayundin ang Konstitusyon. Parang kabuting
nagsulputan ang CPR (calibrated preemptive response), Proklamasyon
1017, at minaniobrang “inisiyatiba ng mga mamamayan”
na baguhin ang Saligang-Batas. Nariyan pa rin ang tuluy-tuloy na
mga pagpatay na pampulitika, bukod pa sa paninikil sa kalayaan sa
pamamahayag ng anumang sektor ng mass media. Bagaman makatuwirang
suspindihin o patalsikin na sa poder ang mga tiwaling halal na opisyal
ng bayan o iba pang pinuno ng pamahalaan, kung maaari nga’y
parusahan at ipakulong, ipinakikita naman ng Estado ang pagka-pasista
nito sa pamamaraan nito unang-una na, halimbawa, sa kaso ni Gob.
Niel Tupas ng Iloilo.
O talagang kailangang umindak na lamang ang lahat sa saliw ng
Boom Tarat Tarat?
balik sa itaas |