Pag-oorganisa sa hanay ng kaguruan ng pamamahayag Sa
panahon ngayon, hindi lang responsableng pagtuturo ang kinakailangan
mula sa kaguruan ng bansa. Malaking salik din sa hinahangad na pagbabago
sa bansa ang pagkakaroon ng matibay na organisasyon para sama-samang
tugunan ang mga partikular na pangangailangan ng piniling larangan.
Sa konteksto ng pamamahayag, alam natin ang malaking kakulangan
ng midya sa pag-uulat ng pambansang sitwasyon kaya hindi nito epektibong
nahuhubog ang kaisipan ng mga mambabasa, manonood at tagapakinig.
Responsibilidad ng isang guro ng pamamamahayag na tumulong sa
pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan sa paggampan ng tungkulin
ng isang mamamahayag. Bagama’t mahalaga ang epektibong pagtuturo
sa mga estudyante ng mga nararapat at hindi nararapat na gawin sa
larangan ng pamamahayag, may mahigpit na pangangailangan pa ring
direktang makipag-ugnayan sa sektor ng midya at sa mga tumatangkilik
nito.
Mas nagiging matingkad ang pangangailangang ito sa sitwasyong may
namamagitang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng akademya at midya.
Para sa akademya, masyadong komersiyal at praktikal ang midya. Para
sa midya, ang akademya naman ay masyadong ideyal at teoretikal.
Hindi tulad ng kalakaran sa ibang bansa tulad ng Thailand, wala
tuloy regular na ugnayan sa pagitan ng akademya at midya sa Pilipinas
para magkasamang tugunan ang mga isyung kinakaharap ng larangan
nila.
Naging okasyon ang First National Conference of Journalism Educators
noong Disyembre 10 hanggang 11 sa Sulo Hotel, Diliman, Quezon City
para pag-usapan ang mga isyung kinakaharap sa pagtuturo ng pamamahayag
at suriin ang kalagayan ng midya. Tinalakay rin ang mga nangyayari
sa larangan ng pagtuturo ng pamamahayag sa global na antas para
mas maiugnay ang kaso ng Pilipinas. At dahil sa multi-midyang katangian
ng pamamahayag, nagkaroon din ng pagsusuri sa epektibong pagtuturo
ng pamamahayag sa print, radyo, telebisyon at online.
Kailangang malaman ng mambabasa na ako ay tumulong sa pag-oorganisa
ng pambansang komperensiyang ito, kasama ang limang miyembro ng
Commission on Higher Education (Ched) Technical Committee on Journalism.
Bagama’t nabuo ko na ang konsepto para rito noon pang 2005
– sa panahong ako pa ang tagapangulo ng Departamento ng Pamamahayag
sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman – natagalan ang aktuwal
na pag-oorganisa dahil sa pangangailangang makalikom ng pondo, na
sa bandang huli ay nakuha ko sa Ched.
Isang malinaw na kasunduan sa nasabing komperensiya ang pagbubuo
ng isang pambansang asosasyon ng mga nagtuturo ng pamamahayag. Nagkaisa
ang mga dumalong 29 na guro ng pamamahayag mula sa 20 kolehiyo at
unibersidad sa Luzon at Visayas na magkaroon ng Association of Journalism
Educators of the Philippines (Ajep) na kung saan ang unang kongreso
nito ay dapat na mangyari sa lalong madaling panahon.
Puspusan ngayon ang paghahanda para sa unang kongreso ng pambansang
asosasyon na masasabing makasaysayan tulad ng katatapos lang na
pambansang komperensiya. Hindi pa kasi nagkakaroon nito kahit na
nagsimula ang pagtuturo ng mga kurso sa pamamahayag sa Pilipinas,
partikular sa UP, noon pang 1919.
Kung ako ang tatanungin, mainam na mangyari ang unang kongreso
sa Mindanao. Batay sa mga datos na ibinigay ni Prop. Ramon Tuazon
ng Asian Institute of Journalism and Communication (AIJC) sa nakaraang
komperensiya, wala pang eskuwelahan o departamento ng pamamahayag
sa Mindanao. Malinaw na may politikal na halaga ang pagdaraos ng
isang aktibidad doon ng bubuuing pambansang asosasyon, bukod pa
sa reyalidad ng 37 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa iba’t
ibang bahagi ng Mindanao tulad ng mga lungsod ng Davao, General
Santos at Pagadian.
Sa konteksto ng sitwasyon ng lipunan at midya, kinakailangan talaga
ang aktibong paglahok ng iba’t ibang sektor ng lipunan para
isulong ang makabuluhang pagbabago. Bagama’t ang paggampan
ng mga partikular na tungkulin ay napakahalaga, hindi pa rin dapat
kalimutan ang halaga ng pag-oorganisa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |